ANG PIPIT: DULANG MAY ISANG YUGTO

———————————————————————————————————————————–

This script is a personal property of JAYSON ARVENE TABANGIN MONDRAGON. Please contact the author for permission to use this script. There is NO FEE for its usage but please do inform the author before using it as a matter of respect. Thank you and happy reading.

———————————————————————————————————————————–

SYNOPSIS | BUOD

Paano mo nga ba tatakasan ang isang bangungot kung ito ay nagaganap habang ikaw ay gising? Kailan matatapos ang isang masamang panaginip kung ang mga halimaw na tinatakasan mo ay hindi nawawala sa paglipas ng gabi at dilim?

Mahigit anim na taon nang palipat-lipat ng tirahan ang pamilya ni Erik simula nang masangkot sa pagdukot at pagpatay ng isang batang lalaki ang kanyang ama. Habang ang kaniyang ama ay patuloy na nagtatago at tinutugis ng batas, siya at ang inang si Imelda, maging ang siyam na taong na gulang na kapatid na si Andrea, ay nagtatago rin, hindi sa batas, kundi sa pamilya ng biktimang sila ang pinagbubuntunan ng galit.

Ilang araw bago siya magtapos ng sekondarya, muli silang mahahanapan ng mga magulang ng biktima, at muli na namang magsisimula ang bangungot na pilit nilang tinatakasan.

Ang dulang “Ang Pipit” ay isang pagsilip, hindi sa buhay ng biktima ng isang krimen, kundi sa buhay ng pamilya ng suspek na wala mang kasalanan ay hinuhusgahan at sinisisi pa rin ng lipunang ating ginagalawan. Isa itong pagtatanong sa kasalukuyang estado nang lipunan kung saan, hindi lamang ang suspek sa isang krimen ang naikukulong kundi maging ang kanyang pamilyang  walang kinalaman ngunit pilit sinisingil at ibinabaon.

MGA TAUHAN

ERIK – Labing-apat na taong kulang, nasa huling taon ng sekondarya

ANDREA – Siyam na taong gulang, kapatid ni Erik, hindi nag-aaral

IMELDA – Tatlumpu’t pito, nanay ni Erik, guro sa isang pampublikong paarala

MR. CORPUZ – Apatnapu’t siyam, tatay ng biktima, isang negosyante

MRS. CORPUZ – Apatnapu’t lima, nanay ng biktima, isang negosyante

—————————————————————————————————————————-

Papasok si Erik sa loob ng kanilang inuupahang apartment, naksuot ng uniporme ng eskwelahang pinapasukan.

Madadatnan ang kapatid na si Andrea na nakatunghay sa labas ng bahay, may yakap-yakap na lumang teddy bear habang abala naman sa paglalagay ng gamit sa loob ng isang karton ang kanyang ina na si Imelda.

Nagkalat ang iba pa nilang gamit sa sala, maging ang ilang karton at bag, ang iba ay may mga laman samantalang ang iba ay naghihintay pa lamang ng ilalagay doon.

Sa plastic na lamesang nasa harapan ni Imelda ay nakabukas ang isang karton na pinupuno ni Imelda ng mga gamit. Mapapatitig doon si Erik.

Hawak ni Erik sa isang kamay ang programa para sa kanyang nalalapit na pagtatapos ng high school. Lalamukusin niya iyon at saka bibitawan bago magsisimulang tumulong sa pag-aayos, hindi nagsasalita.

Mapapatingin lamang si Imelda doon saka mag-iiwas ng tingin.

IMELDA: Magbihis ka muna, anak…

ERIK: Hindi na po kailangan…

Magsasalita pa sana si Imelda pero tutunog ang mumurahing cellphone na nasa lamesa. Agad na kukunin iyon ni Imelda at magmamadaling lumabas. Susundan lamang ni Erik nang tingin ang ina, mababakas ang galit sa mukha nito.

Magsisimulang kumanta sa may bintana si Andrea kaya’t mapapalingon dito si Erik.

ANDREA:           (Kumakanta) May pumukol sa Pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon—

ERIK:   Nailabas mo na ba lahat ng gamit mo?

ANDREA:           Oo, kuya.

ERIK:   Yung mga laruan mo?  Nailabas mo na ba lahat?

Mapapatingin sa yakap-yakap na teddy bear si Andrea.

ANDREA:           Hindi ko daw pwedeng dalhin lahat, kuya, sabi ni inay.

Matitigil sa ginagawa si Erik at mapapatingin nang may halong awa sa kapatid.

ERIK:   Bibili na lang tayo ulit…

ANDREA:           Talaga, kuya? Pangako yan ha?!

ERIK:   Oo naman! Kailan ko ba hindi tinupad ang pangako ko sa iyo? Teka, iyong mga damit mo, naayos mo na ba?

ANDREA:           Oo, kuya. Saan ba tayo pupunta?

ERIK:   Sa malayong lugar…

ANDREA:           Malayong-malayo?

ERIK:   Oo.

ANDREA:           Gaano kalayo?

ERIK:   Basta! Malayong-malayo.

Matatahimik panandalian si Andrea, papanoorin lamang ang kapatid na nag-eempake.

Mapapatingin si Andrea sa nilamukos na papel ni Erik at lalapitan iyon at pupulutin. Susundan lamang ng tingin ni Erik ang kapatid.

Titignan ni Andrea ang nalamukos na papel sa kanyang kamay bago muling magsasalita.

ANDREA:           Kuya?

ERIK:   Oh?

ANDREA:           Hindi na ba tayo maabot ng mga bato doon?

Magpapalipat-lipat ang tingin ni Erik mula sa mukha ni Andrea na takot na takot saka sa nalamukos na papel sa kamay nito, magtatagis ang bagang.

ERIK:   Hindi na…

ANDREA:           Hindi na ako masusugatan?

ERIK:   Hindi na ako papayag na may manakit pa sa iyo.

ANDREA:           Hindi ka na din masusugatan? Noong huli, ang daming dugo. Nakakatakot. Ayoko sa dugo. Mabaho, masakit, nakakatakot…

ERIK:   Hindi na iyon mangyayari.

ANDREA:           Paano kapag nahanapan nila tayo uli?

ERIK:   Andrea, hindi ka na nila masasaktan pang muli…

ANDREA:           Pangako?

ERIK:   Pangako.

Lalapitan ni Erik si Andrea at saka kukunin ang nalamukos na papel sa kamay nito at saka guguluhin ang buhok ng kapatid.

ERIK:   Kumuha ka na ng dalawa pang laruan. Kasya pa naman sa karton.

Akmang tatayo si Andrea pero maririnig nila ang pagdaan ng isang kotse. Sabay silang mapapatingin sa may bintana, makikita ang takot sa mukha nilang dalawa. Magmamadaling magtatago si Andrea sa ilalim ng lamesa at magsisimulang umiyak. Mabibitawan nito ang lumang teddy bear.

Hindi maalis ang tingin ni Erik sa bintana, balot ng pag-aalala ang mukha, mahigpit ang pagkakahawak sa papel na nasa kanyang palad. Makakahinga lamang siya ng maluwag pagkarinig na lumampas ang sasakyan.

Mapapatingin si Erik sa papel na nasa kamay at saka hahayaan iyong mahulog bago haharapin ang kapatid na nasa ilalim ng lamesa.

Hahawakan ni Erik si Andrea sa balikat para palabasin mula sa ilalim ng lamesa pero iiwas ang huli.

ANDREA:           Patawarin po ninyo kami. Hindi po namin sinasadya. Parang awa na po ninyo…

ERIK:   Andrea…

ANDREA:           Patawarin po ninyo kami. Hindi po namin sinasadya. Parang awa na po ninyo…

ERIK:   Andrea, lumabas ka na diyan. Hindi na sila babalik…

ANDREA:           Ale, tama na po… Masakit na po… Hindi ko po sinasadya… Parang awa na po ninyo…

Hihilahin ni Erik mula sa ilalim ng kama si Andrea at pilit na yayakapin. Magpupumiglas si Andrea pero hindi siya pakakawalan ni Erik.

ANDREA:           Parang awa na po ninyo… Hindi ko po sinasadya… Tama na po… Parang awa na po ninyo…

ERIK:   Andrea! Wala na sila. Hindi na sila babalik!

Matitigil sa pagpupumiglas si Andrea at mapapatingin kay Erik.

ANDREA:           Ku-kuya?

ERIK:   Tahan na… Hindi na sila babalik…

ANDREA:           Babalik sila, sabi nung ale. Ayoko na kuya. Masakit. Kahit humingi ako ng tawad hindi sila tumitigil. Sinungaling si Teacher Lucy. Sabi niya, kapag humingi ng paumanhin, magbabati na agad.

Muling magsusumiksik sa ilalim ng lamesa si Andrea.

ERIK:   Lumabas ka na diyan.

ANDREA:           Ayoko, kuya… Dito lang ako… Masakit…

ERIK:   Hindi ka na nila sasaktan.

ANDREA:           Babalik daw yung ale, kuya. Narinig ko. Sabi niya kay inay, babalik daw siya. Natatakot ako. Sisipain na naman niya ako. Masakit.

ERIK:   Hindi ko hahayaang mangyari iyon.

ANDREA:           Dito lang ako, kuya… Masakit… Dito lang ako…

Nagpipigil nang galit na mapapatingin sa paligid si Erik. Makikita niya ang bunton ng kumot na nakalagay sa isa sa mga upuan at kukunin ang isa doon at saka muling lalapitan si Andrea. Itatalukbong niya ang kumot sa kapatid at saka igigiya palabas sa ilalim ng lamesa. Pilit pasisiyahin ni Erik ang boses habang nagsasalita.

ERIK:   Ayan! Hindi ka na nila makikita! Hindi ka na nila masasaktan!

ANDREA:           (Kumakanta) May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon. Dahil sa sakit, di na nakaya pang lumipad. At ang nangyari ay nahulog, ngunit parang taong bumigkas, “Mamang kay lupit, ang puso mo’y di na nahabag, Pag pumanaw ang buhay ko, may isang pipit na iiyak.”

Mapapatingin sa bintana si Erik bago muling magsasalita.

ERIK:   Hinding-hindi ka na nila masasaktan.

Igigiya ni Erik si Andrea at pauupuin sa isang upuan pero hindi niya tatanggalin ang pagkakatalukbong. Babalik siya sa lamesa at sisimulang ilagay sa karton ang mga kutsilyo at mga kutsara.

Papasok si Imelda, may kausap pa rin sa lumang cellphone.

IMELDA:            Aalis na kami! Hindi ko alam… Basta lalayo na kami ng mga anak mo. Utang na loob, Martin, huwag mo namang hayaang ang mga anak mo ang magbayad sa pagkakamali mo.

Puputulin ni Imelda ang tawag at saka padabog na ibaba sa lamesa ang cellphone, kita ang panghihina sa mukha nito.

Rerehistro ang galit sa mukha ni Erik at saka pupukulan ng masamang tingin ang cellphone na nasa harapan.

ERIK:   Hindi niya kami anak.

Mapapatingin si Imelda kay Erik. Lalapitan niya ito at yayakapin pero hindi man lang gaganti ng yakap si Erik. Ipagpapatuloy lamang nito ang ginagawa, wala nang makikitang ekpresyon sa mukha nito.

Kakalas sa pagkakayakap si Imelda mula kay Erik at saka madadako ang tingin kay Andrea na nasa ilalim pa rin ng kumot. Lalapitan niya ito at akmang tatanggalin ang kumot pero pipigilan siya ni Erik. Nakakaintinding mapapatango lamang si Imelda, nagpipigil ng luha.

Pilit pasisiyahin ni Andrea ang boses bago magsalita.

IMELDA:            Erik, nasaan ang kapatid mo? Nasaan ang prinsesa ko?

ANDREA:           (Sa ilalim ng kumot) Nandito po ako!

IMELDA:            Nasaan? Bakit hindi kita makita? Erik! Tulungan mo nga akong hanapin ang kapatid mo.

ANDREA:           (Sa ilalim ng kumot)  Talaga inay? Hindi mo ako nakikita?

IMELDA:            Erik, nasaan na ba ang kapatid mo? Wala naman siya sa ilalim ng mesa. Nasaan na ba siya? Andrea? Anak? Nasaan ka na?

Lalapitan ni Erik si Andrea at saka bubulungan.

ERIK:   Sabi ko naman sa iyo di ba? Hindi ka nila makikita. Hindi ka na nila masasaktan.

ANDREA:           Talaga kuya? Hindi na ako makikita nung ale?

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Hindi na. Nangako ako sa iyo di ba? Diyan ka lang habang nag-aayos kami ni inay, ha?

ANDREA:           Opo, kuya.

Babalik sa pag-aayos si Erik. Susundan lamang siya ni Imelda.

IMELDA:            Erik…

ERIK:   Dalian na natin ang pag-aayos inay, baka abutan pa tayo dito.

Tahimik na magsisimula ding mag-imis ng mga gamit si Imelda. Madadako ang tingin niya sa nalamukos na programa ng graduation ni Erik. Pupulutin niya iyon at saka bubuklatin. Nanginginig ang kamay na babasahin niya iyon.

IMELDA:            You are cordially invited to… Valedictorian, Raquel Garcia. Salutatorian Erik… Erik Mateo…

Mapapatingin lang si Erik kay Imelda pero hindi magsasalita.

IMELDA:            Pasensiya ka na, anak—

ERIK:   Wala kayong kasalanan, bakit kayo ang humihingi ng dispensa?

IMELDA:            Paano ang graduation mo?

ERIK:   Hindi na iyon importante. Alam na nilang nandito tayo, di ba? Ang mahalaga makaalis tayo bago pa sila dumating.

IMELDA:            Anak—

ERIK:   Nakausap niyo na po ba si Tito?

IMELDA:            Oo, susunduin niya tayo pagdilim.

ERIK:   (Matatawa ng bahaw) Pagdilim? Para lang tayong magnanakaw na tumatakas.

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Kung sabagay, tama lang iyon para hindi nila tayo makita.

IMELDA:            Erik…

ERIK:   Dalian niyo na ang pag-eempake, inay. Malapit nang dumilim.

Mapapabuntong-hininga si Imelda.

IMELDA:            Iyong mga gamit sa kusina, naayos na ba?

ERIK:   Opo. Nandito na sa karton.

IMELDA:            Ito na lang ba ang hindi nai-aayos?

ERIK:   Opo.

Ibababa ni Erik ang karton na nasa harapan sa tabi ng lamesa at saka muling kukuha ng bakanteng karton. Pilit uunatin ni Imelda ang hawak na programa ng graduation ni Erik. Iyon ang una niyang ilalagay sa karton. Mapapatingin lang doon si Erik panandalian bago iyon papatungan ng iba pang gamit.

IMELDA:            Salamat, anak…

ERIK:   Ang mahalaga, makalayo na tayo dito. Kailangan na nating mailayo si Andrea.

IMELDA:            Erik.. Anak… Patawarin mo ako…

ERIK:   Hindi kayo ang dapat na humihingi ng kapatawaran. Hindi ako. Hindi si Andrea. Wala tayong dapat ihingi ng tawad dahil wala tayong kasalanan.

IMELDA:            Ang bilis mong lumaki…

ERIK:   Pero hindi pa rin iyon sapat.

IMELDA:            Anak, matatapos din ang lahat ng ito.

ERIK:   Kailan pa, nay? Hindi po ba kayo napapagod? Anim na taon na tayong palipat-lipat.

IMELDA:            Anak naman…

ERIK:   Kung hindi lang dahil kay Andrea, ayoko nang umalis, ayoko nang magtago. Nakakapagod. Para na rin nating inaamin na may kasalanan tayo.

IMELDA:            Wala naman tayong ibang magagawa, anak.

ERIK:   Tayo, wala. Siya, meron.

IMELDA:            Hindi pa handa ang tatay mo—

ERIK:   Kaya hinahayaan niya na tayo ang maghirap?

IMELDA:            Erik!

ERIK:   Pagod na pagod na ako, ‘nay. Lasog lasog na din ang katawan ko sa bawat ng tama ng batong tinatanggap nito. Kahit anong gawin kong iwas, lahat tumatama. Kung ako lang, kaya ko pa. Pero bakit pati si Andrea?

IMELDA:            Kaya nga tayo magpapakalayo anak. Para hindi ka na masaktan. Pati si Andrea. Para hindi na tayo masaktan.

ERIK:   Maglolokohan pa ba naman tayo inay? Kapag tumagal-tagal, malalaman din nila kung sino kami at magsisimula na naman ang pag-ulan ng bato sa amin, pati sayo. Malalaman at malalaman na naman nila kung nasaan tayo. Tapos ano? Aalis na naman tayo? Lilipat? Magtatago?

IMELDA:            Hindi na iyon mangyayari, anak… Hindi na nila tayo mahahanapan…

ERIK:   Iyan din ang sinabi niyo dati.

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Tapusin na natin ang pagliligpit, nay. Malapit nang dumilim.

Maririnig ang paghinto ng kotse sa labas ng apartment. Parehong mapapatingin sina Imelda at Erik sa may bintana, makikita ang takot sa mukha. Maririnig ang pabalibag na pagsara ng pintuan ng kotse an gang mga yabag na papalit.

MRS. CORPUZ:               (Pasigaw, sa backstage) Lumabas kayo riyan! Mga mamatay tao!

Magtatanggal ng talukbong si Andrea at takot na takot na mapapatingin kay Erik. Agad na lalapitan ni Erik ang kapatid at ibabalik ang pagkakatalukbong dito.

ERIK:   Hindi matatapos ang bangungot na ito sa pagtatago.

IMELDA:            Erik…

ERIK:   Pagod na akong tumakbo, nay. Dito lang tayo. Hindi tayo aalis.

Muling tatanggalin ni Andrea ang kumot at saka yayakapin si Erik, nagmamakaawa.

ANDREA:           Kuya, nandiyan na sila! Umalis na tayo, kuya!

ERIK:   Hindi na tayo aalis, Andrea. Huwag kang mag-alala, hindi ka na nila masasaktan. Nangako ako, di ba?

ANDREA:           (Umiiyak) Kuya, ayoko na! Umalis na tayo… Sisipain na naman nila si Inay. Pati ikaw, susuntukin ka na naman nung mama. Kuya, ayoko na… Umalis na tayo…

ERIK:   Andrea… Tahan na… Hindi na nila kayo masasaktan ni Inay…

Papasok sina Mr. at Mrs. Corpuz, makikita ang mga karton. Kitang-kita sa mga mukha ng bagong dating ang galit. Lalapitan ni Mr. Corpuz si Imelda at sisipain ang inempakeng karton ni Erik. Matatapon ang mga kutsara at kutsilyong nasa loob ng karton. Yayakapin lang ni Erik ang nakatalukbong na si Andrea.

MR. CORPUZ: At talagang tatakas na naman pala kayo.

IMELDA:            Hindi po…

MRS. CORPUZ:               Anong hindi? Hoy babae, huwag mo kaming gawing tanga. Ilabas mo ang asawa mo!

ERIK:   Umalis na kayo. Wala dito ang hinahanap ninyo.

Lalapitan ni Mr. Corpuz si Erik at saka duduruin. Ihaharang ni Imelda ang sarili sa pagitan ng dalawa.

MR. CORPUZ: Aaalis kami kung kailan namin gusto. Nasaan ang tatay mo?

IMELDA:            Wala po rito ang hinahanap ninyo. Parang awa na po ninyo… Wala po siya dito… Matagal na po naming siyang hindi nakikita —

Sasampalin Mr. Corpuz si Imelda na ikakatumba nito. Akmang susugurin ni Erik si Mr. Corpuz pero pipigilan siya ni Imelda.

MR. CORPUZ: Huwag niyo kaming gawing tanga! Alam naming alam mo kung nasaan ang asawa mong mamatay tao. Sabihin mo sa kanya na hindi kami titigil hanggat hindi siya namamatay!

ERIK:   Huwag niyong saktan ang nanay ko! Wala siyang kasalanan sa inyo!

IMELDA:            Tama na anak… Humingi ka ng tawad…. Anak, magmakaawa ka… Huwag ka na lang sumagot…

MRS. CORPUZ:               Magmakaawa? Sa tingin mo maawa kami sa inyo? Pinatay ng asawa mo ang anak ko! Kahit umiyak kayo ng dugo, hindi namin kayo kakaawaan.

Lalapitan ni Mrs. Corpuz si Erik at saka duduruin.

MRS. CORPUZ:               At ikaw! Alam mo bang magkasing-edad na dapat kayo ng anak ko? Pero wala na! Wala na siya! Pinatay siya ng tatay mo!

ERIK:   Wala kaming kasalanan sa inyo!

Hihilahin papalayo ni Mr. Corpuz si Erik at saka sisikmuraan.

MR. CORPUZ: Sumasagot ka pa?

Akmang tatayo si Imelda para lapitan ang dalawa pero siya naman ang itutulak ni Mrs. Corpuz.

IMELDA:            Parang awa na po ninyo, huwag niyo namang idamay ang mga anak ko. Wala silang kasalanan.

MRS. CORPUZ:               Awa? Wala kang karapatang humingi ng awa! Dahil habang nabubuhay ang asawa mo, hindi kami maawa! Pinatay ng asawa mo ang anak ko!

Sasabunutan at pagsasampalin ni Mrs. Corpuz si Imelda, maya’t maya ay tatadyakan niyo ito habang patuloy namang sinusuntok ni Mr. Corpuz si Erik. Hindi lumalabang nag-mamakaawa lang si Imelda samantalang halos hindi iniinda ang mga suntok na natatanggap na nakatingin lang kay Imelda si Erik, mababakas ang galit sa mukha nito.

MRS. CORPUZ:               Nasaan ang asawa mo? Ilabas mo siya! Pinatay niya ang anak ko! Pinatay niya ang anak ko!

ERIK:   Tama na! Inay! Tama na. Huwag mong sasaktan ang nanay ko!

MR. CORPUZ: Nasaan ang tatay mo? Ilabas niyo ang hayop na pumatay sa anak ko! Ilabas niyo!

IMELDA:            Tama na po, parang awa na ninyo. Huwag ang anak ko.. Parang awa na ninyo…

Kakalas sa pagkakahawak ni Mr. Corpuz si Erik at isasangga ang katawan sa mga sipa ni Mrs. Corpuz. Yayakapin niya ng mahigpit si Imelda.

ERIK:   Wala dito ang hinahanap ninyo!

IMELDA:            Tama na anak…

ERIK:   Bakit ba kami ang sinasaktan ninyo? Wala kaming kasalanan!

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Nay! Wala tayong kasalanan! Hindi tayo ang pumatay sa anak nila! Wala tayong ginawa! Bakit tayo ang pinahihirapan? Ilang taon na tayong ganito, inay! Daig pa natin ang nakakulong! Putang inang buhay ‘to!

Muling hihilahin ni Mr. Corpuz si Erik patayo at saka ibabalibag sa may lamesa. Mapapaupo sa sahig si Erik, malapit sa kung nasaan ang mga kutsilyo at mga kutsara.

ERIK:   Wala kaming kasalanan!

CORPUZ: Wala? Pinatay ng tatay mo ang anak ko!

ERIK:   Siya ang pumatay pero bakit laging kami ang nasasaktan? Wala kaming kasalanan…

MR. CORPUZ: Nasasaktan? Buhay ka! Samantalang yung anak namin, matagal nang nasa hukay! Gusto niyong tumigil ang lahat ng ito? Sige! Ibalik ninyo ang anak ko!

IMELDA:            Parang awa na ninyo…

MRS. CORPUZ:               Awa? Bakit? Ang asawa mo ba, naawa sa anak namin? Ibalik ninyo ang anak ko! Ibalik ninyo ang anak ko!

Muling pagsasampalin ni Mrs. Corpuz si Imelda at saka sasabunutan.

ERIK:   Tama na! Wala kaming kasalanan sa inyo!

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Biktima din kami!

Tatadyakan ni Mr. Corpuz si Erik. Masusubsob ito sa tabi ng kutsilyo at mga kutsara.

IMELDA:            Erik! Parang awa na ninyo! Huwag naman ang mga anak ko. Ako na lang! Parang awan a ninyo, ako na lang…

MRS. CORPUZ:               Ibalik ninyo ang anak ko!

ERIK:   Biktima din kami! (Halos pabulong) Biktima rin kami…

Pupulutin ni Erik ang kutsilyo at saka tatayo. Mapapatingin siya kay Imelda. Magpapalipat-lipat ang tingin ni Imelda sa kutsilyong hawak ni Erik. Maging sina Mr. at Mrs. Corpuz ay mapapatingin lang kay Erik.

ERIK:   Pagod na pagod na ako, inay…

IMELDA:            Erik—

Lalapitan ni Erik si Mr. Corpuz, hawak ang kutsilyo. Mapapaatras si Mr. Corpuz ng kaunti pero kukunin ni Erik ang kamay nito at ipapahawak sa huli ang kutsilyo. Hindi bibitawan ni Erik ang kamay nito, tititigan niya ito sa mata.

MR. CORPUZ: Anong—

IMELDA:            Erik!

Hihilahin ni Erik ang kamay ni Mr. Corpuz at isasaksak sa sarili ang kutsilyo.

ERIK:   Buhay para sa buhay… Iyon naman ang gusto niyo, di ba?

Mag-aalis ng talukbong si Andrea at mapapatingin sa nangyayari. Mulik isasaksak ni Erik ang kutsilyo sa sarili.

ERIK:   Hindi ko maibabalik ang anak ninyo, pero siguro naman, amanos na kayo ng tatay ko. Huwag niyo nang guluhin ang pamilya ko.

ANDREA:           Kuya!

IMELDA:            Erik! Anak! Tama na! Diyos ko! Huwag ang anak ko! Erik! Tama na!

Lalapitan ni Imelda sina Erik pero isang saksak pa ang ibabaon ni Erik sa sarili bago ito makalapit ng tuluyan. Mapapa-atras si Mr. Corpuz, hawak pa rin ang kutsilyo.

IMELDA:            Erik!

ERIK:   Pagod na ako, nay… Ayoko na din kayong nakikitang nasasaktan. Ayoko nang nakikitang nasasaktan si Andrea. Tama na. Tapusin na natin ‘to.

Matutumba si Erik. Pilit itong sasaluhin ni Imelda kaya pareho silang matutumba sa lapag.

IMELDA:            Anak…

ERIK:   Tapos na, nay… Hindi niyo na kailangang mag-makaawa pa…

Lalapit si Andrea sa dalawa, hila-hila ang kumot.

Mabibitawan ni Mr. Corpuz ang kutsilyo. Mapapatingin doon si Imelda. Lalapitan niya iyon at saka pupulutin. Parang wala sa sariling sisimulan niyang pulutin ang lahat ng mga natapong gamit at saka muling ibabalik sa karton.

ANDREA:           Kuya…

ERIK:   Simula ngayon, hindi mo na kailangang magtago. Hindi ka na nila masasaktan. Nangako ako, di ba?

IMELDA:            Andrea, anak. Ayusin mo na ang mga gamit ng kuya mo. Malapit nang dumilim…

ANDREA:           Kuya…

ERIK:   Hindi ka na nila masasaktan…

Itatalukbong ni Andrea ang kumot kay Erik. Mapapatingin lang sa mga anak si Imelda, nakangiti. Tulalang nakatingin lang sa mag-iina sina Mr. at Mrs. Corpuz.

ANDREA:           Kuya, sa ilalim nito, hindi ka nila makikita, hindi ka na nila masasaktan…

IMELDA:            Oh? Nasaan na ang kuya mo? Maya-maya lang darating na ang tito mo. Erik! Anak! Nasaan ka na ba? Iyong gamit mo, hindi pa nakahanda…

ANDREA:           Sa ilalim nito, hindi ka nila makikita, hindi ka nila masasaktan…

Iiwanan ni Andrea ang nakatalukbong na si Erik at saka tipong maghahanap. Mapapangiti siya pagdapo ng mata sa teddy bear. Lalapitan niya iyon at pupulutin bago muling uupo sa may bintana. Ni hindi niya lilingunin ang mag-asawa na nakatingin lamang sa kanya.

ANDREA:           (Kumakanta) May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon. Dahil sa sakit, di na nakaya pang lumipad. At ang nangyari ay nahulog, ngunit parang taong bumigkas, “Mamang kay lupit, ang puso mo’y di na nahabag, Pag pumanaw ang buhay ko, may isang pipit na iiyak.”

Advertisements

24 comments

  1. Hi! I just want to ask if we can use this for a school play adaptation? This one has a very huge potential, and if you don’t mind, we would like to revise and edit some parts of it to be used for the adaptation. Hoping for your reply as soon as possible! Thank you so much 🙂

    Liked by 1 person

  2. Hi! My heart was carried by the story. Since it touches mine, I know that many youth will be encouraged with this piece. Can I use this script for our upcoming theater acting workshop in our Church? Thanks and best regards! God bless!

    Like

  3. Good morning po. For courtesy’s sake, magpapaalam po kami na gagamitin namin ‘yung script n’yo para sa play namin sa Filipino. Hoping for your kind consideration po. Thank you 🙂

    Like

  4. Good morning po! For courtesy’s sake, magpapaalam po kami na gamitin yung script nyo for our play in Filipino. Hoping for your kind consideration. Thank you po 😊

    Like

  5. Good morning po. Hihingi lang po sana kami ng permiso na kung pwedeng magamit ang script na ito sa aming pagsusuri. Salamat po..

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s