DAPIT HAPON: DULANG MAY KAUKULANG HABA

NI JAYSON ARVENE T. MONDRAGON

Tauhan

MAMA CLAIRE

Zemaia Sen Millo – Paulino

Landlady, matandang dalaga, retired teacher na nagmamay-ari ng isang apartment compound
FROILAN

Clarence Serquenia

Propesor sa isang unibersidad, dalawang taon pa lamang na guma-graduate, isa sa mga tenants ni Ms. Reyes
MAI

Cherile Ross Santos

Kapatid ni Froilan sa ama at kasama sa unit na inuokupahan, isang graduating university student, lalaking gumalaw at manamit, maikli ang buhok, mahilig sa online games
KRISTOFF

Kevin Davidson Adviento

Pamangkin ni Mama Claire at kaibigan ni Mai, college graduate na pero walang trabaho. Kasamang tumatambay ni Mai sa computer shop, may katamaran
RAUL

Jayson Arvene Mondragon

Caretaker ng compound, high school graduate, laging nakasimangot at mainit ang ulo
MIKO

Mark Bryan De Gracia

Isa sa mga tenant, apat na taon na sa kolehiyo pero wala pa ring patutunguhan, mahilig uminom, magsugal at maglakwatsa
CHRISTINE

Naiomi Justereen Bangad

Isa sa mga tenant, girlfriend ni Miko, graduating with honors na sana pero hindi pumapasok dahil sa buntis, matalino pero nagpapa-uto kay Miko
MIRANDA

Nicole Anne Aquino

Graduating student, studious at laging may hawak na libro, laging nagko-quote nang kung anu-anong kapag nagsasalita, movie and tv show buff, astang matalino sa lahat ng oras, kaibigan ni Christine, kaklase ni Mai
DJ JAM DJ sa radio (Voice Over)

UNANG YUGTO

 

UNANG TAGPO

| OPEN LIGHTS |

 

<SOUND FX: Tilaok ng Manok>

 

Papasok si MAMA CLAIRE na may dalang tasa ng kape at saka supot nang pandesal. Sa isang kamay ay may hawak siyang isang na notebook at ballpen. Mapapatingin siya sa paligid at mapapangiti. Isang buntong hininga ang kanyang pakakawalan bago uupo sa isang lamesang may lamang radio sa gilid. Isisindi niya iyon at maririnig ang boses ng DJ sa estasyon ng radio.

 

<SOUND FX: Upbeat Bed Music>

DJ (VOICE OVER)

 

Good morning, good morning, good morning Metro Manila!

This is DJ Jam and I will be with you until the hour of 8.

Gising na ba kayo? Aba, aba, aba!

Galaw-galaw na mga friendship!

It’s the 20th of March at dahil fly-day na, konting tiis na lang at weekend na naman mga friendship

Lalo na sa mga nangangamoy toga diyan. Aba bangon na oy at baka mabulilyaso pa ang pag-martsa ninyo.

Konting palo na lang kaya go na ng go!

At para gisingin ang natutulog niyong katawang lupa, here’s Vhong Navarro with Totoy Bibo.

<SOUND FX: Totoy Bibo Track>

Pahihinaan ni Mama Claire nang konti ang radio.

 

Papasok si MIKO na nakapambahay at magulo ang buhok, nakasimangot at halata ang inis. Nakasunod sa kanya si CHRISTINE na may kabagalan ang paglalakad dahil sa ipinagbubuntis. Mapapatingin lang sa kanila si Mama Claire, patuloy na nagkakape. Hindi siya agad mapapansin ng dalawa.

CHRISTINE

May balak ka bang magtino?

MIKO

Pwede ba, ang aga-aga, nagbubunganga ka na naman!

Daig mo pa ang nanay ko eh.

CHRISTINE

Bakit? Masama na ba ang magtanong? Dalawang buwan na lang, manganganak na ako, Miko, pero hanggang ngayon, wala ka pa ring ibang inatupag kundi ang pag-inom at pagsusugal mo.

MIKO

Ano bang pakialam mo? Pera mo ba ang ginagamit ko? Hindi naman di ba?Bakit ka ba nakikialam?Asawa ba kita?

CHRISTINE

Ah ganun? Okay fine! Bahala ka na sa buhay mo!

MIKO

 

Bahala? Talaga lang ha? Ang sabihin mo, magsusumbong ka na naman kay mama para ikaw na naman ang kampihan niya. Sasabihin mo na namang inaapi kita.

CHRISTINE

Ano sanang mali dun? Dapat lang na malaman niya kung anong pinaggagagawa ng magaling niyang anak! Magiging tatay ka na, Miko! Pero hanggang ngayon, sarili mo lang ang iniisip mo.

MIKO

 

Bakit? Ginusto ko ba?

Papasok si RAULna may dalang timba.

RAUL

Hoy! Ang aga-aga ang iingay ninyo. Mahiya naman kayo sa ibang tenants! Hindi ninyo pag-aari ang buong compound kaya huwag kayong nambubulahaw.

MAMA CLAIRE

 

Hindi naman kaya ikaw ang nambubulahaw sa ibang tenants sa lagay na iyan, Raul? Dinig hanggang sakabilang kanto iyang boses mo. Baka gusto mong hinaan ng konti.

Mapapahiyang aalis si Raul.Parehong mag-iiwas ng tingin sina Christine at Miko, halatang napahiya.

MAMA CLAIRE

 

Hindi ako manghihimasok sa problema ninyong dalawa pero kung mag-aaway kayo, baka gusto niyong gawing pribado. Huwag niyong i-broadcast sa buong compound and problema ninyo sa tuwing nag-aaway kayo.

CHRISTINE

 

Pasensiya na po, Mama Claire.

Aalis si Miko. Susundan lang ito nang tingin nina Mama Claire at Christine. Mabagal na susundan lang ni Christine nang lakad si Miko.

MAMA CLAIRE

 

Nag-oversees callang mama mo kahapon, kinukumusta ka.

CHRISTINE

 

Tatawagan ko na lang po siya mamaya.

Titignan lang ni Mama Claire si Christine.

MAMA CLAIRE

 

Hindi kita pangungunahan sa mga desisyon mo, Christine, pero hindi din kita kukunsintihin. Matalino ka naman sa tingin ko.

CHRISTINE

 

Mama Claire…

MAMA CLAIRE

 

Wala akong sinabing kahit ano.Pero kapag nagsimula siyang magtanong, huwag mong asahang magsisinungaling ako.Desisyon mo iyan. Pero kung ako sa iyo, sasabihin ko na ang totoo.

Tatayo si Mama Claire dala ang tasa, notebook at ballpen at saka aalis. Maiiwang nakatayo lang doon si Christine. Maya-maya ay ito naman ang aalis. Makakasalubong niya si FROILAN, bihis na bihis. Mapapatingin lang sa kanya si Froilan at mapapailing.

 

Papasok si KRISTOFF at MAI, masayang nag-uusap. Agad na magsasalubong ang kilay ni Froilan.

KRISTOFF

 

Anak ng putik! Akala mo kung sino silang magagaling, wala naman palang binatbat!

MAI

 

Kaya nga eh.Ang yabang-yabang pa nila noong simula. Hindi naman pala kaya kapag one on one na ang laban. May pa-clan-clan pa silang nalalaman, wala namang silbi.

FROILAN

 

Umuwi ka pa!

Parehong mapapatingin sina Kristoff at Mai kay Froilan. Makikita ang pagkapahiya sa mukha ni Kristoff.

KRISTOFF

 

Brad, una na ako. Kita na lang tayo mamaya.

Aalis si Kristoff. Malalampasan niya si Froilan na nakatingin lang sa kanya nang masama pero mag-iiwas siya ng tingin.

MAI

 

Ang aga-aga, may regla ka na naman.

FROILAN

 

Iyon na nga eh, umaga na, tapos ngayon ka lang uuwi? Kababae mong tao pero daig mo pa ang tambay na kung saan-saan sumusuot? Saan ka na naman nanggaling?

MAI

 

Oo nga naman! Bakit ba kasi ako inumaga? Hindi ko ba alam na nag-aalala ka? Hindi ko man lang ba naisip na hindi ka nakatulog sa kakaisip sa akin? Ang tanda-tanda ko na pero hanggang ngayon, wala pa rin akong kunsepto ng responsibilidad? Ano ba namang klaseng buhay kasi ang gusto ko? Maging tambay habang buhay?

Hindi makakasagot agad si Froilan. Mapapatingin lang ito sa kapatid.

MAI

 

Oh ayan, okay na? Sinermunan ko na sarili ko para hindi ka na magpagod. Pero kung gusto mong ulitin, okay din lang. Pero pwede bang pakibago naman nang konti? Apat na taon ko nang naririnig yan sayo eh. Baka gusto mo namang magbago ng linya, kuya?

FROILAN

 

At talagang may gana ka pang magsalita nang ganyan?

MAI

 

Iyan ba ang natutunan ko sa school? Iyan ba ang itinuturo sa akin ng mga teacher ko? Aba, kung iyan din lang eh di huwag na lang akong mag-aral! Sinasayang ko lang ang ginagastos mong pambayad sa matrikula at allowance ko.

FROILAN

 

Mai, namumuro ka na. Bakit hindi ka na naman umuwi?

MAI

 

Ay bakit? Hindi pa nag-overnight iyong boyfriend mo? Nakakahiya naman kasi sa kanya na dahil sa akin, wala ka nang oras para sa kanya. Pati pera mo, sa akin nauubos. Ano na nga ba tanong niya sayo kagabi? Kung kailan ba ga-graduate ang pabigat mong kapatid na anak sa labas?

Hindi agad makakapagsalita si Froilan.

FROILAN

 

Mai, hindi naman ganun —

MAI

 

Huwag mo na siyang ipagtanggol, kuya. Wala din naman akong pakialam sa sinasabi niya. Sabi nga nila, ang magnanakaw, galit sa kapwa magnanakaw. Pareho lang naman kaming pabigat sa iyo.

FROILAN

 

Mai…

MAI

 

Magbibihis na ako. Huwag mo na akong hintayin at baka ma-late ka sa klase mo. Mahirap na, baka pati mga estudyante mo, sa akin isisi ang pagbagsak nila. Baka mamaya, pati gyera sa Seria, sa akin na din isisi.

Iiwan ni Mai si Froilan na nailing lang na nakasunod ng tingin sa kapatid. Isang buntong-hininga muna ang pakakawalan ni Froilan bago susundan ito.

 

Makakasalubong niya si MIRANDA na may kausap sa cellphone.

 

Papasok si Mama Claire na hawak pa rin ang notebook, ballpen, at tasa nang kape sa kalagitnaan nang pakikipag-usap ni Miranda sa cellphone. Babalik siya sa kinauupuan at nakatingin lamang kay Miranda. Hindi siya mapapansin ni Miranda na abala sa paglilitanya sa kausap sa cellphone.

MIRANDA

 

And what do you want me to do? Masyado ka naman atang cliché kung inaasahan mong gagawin kong mag-isa ang thesis natin? Uunahin mo pa talaga ang pagpunta ng Baguio kasama ang boyfriend mo?Ano yan? Pupunta kayo ng La Presa at hahanapin ang forever? Walang forever ate, at malapit na ding matapos ang shooting ng Forevermore! Asa ka pa! Hoy, baka gusto mong tigilan ang pagpapaniwala kay Marcelo Santos! Imbes na iyong kabaduyan niya ang pinagbababasa mo habang nakikipag-PBB teens diyan sa boyfriend mo, baka gusto mong gawin iyong parte mo sa thesis natin! Hello? Hello? Hoy Feliza! Hello?

Mapapatingin si Miranda sa cellphone.

 

MIRANDA

 

Anak nang putcha naman oh! At ikaw pa talaga ang may ganang pagbabaan ako ng telepono? Magbe-break din kayo ng boyfriend mo! Mamatay ka na! Letse!

Inis na lalabas si Miranda. Naiiling na susundan lang ng tingin ni Mama Claire si Miranda.

MAMA CLAIRE

 

Aanhin mo pa ang kape kung wala pang alas-siyete, ganyan na ang bubungad sayo? Kabataan nga naman ngayon.

Muling bubuksan ni Mama Claire ang radio.

 

<SOUND FX: Any Upbeat Song, Mid Verse>

 

Bubuksan ni Mama Claire ang notebook at saka magsisimulang magsulat.

 

| CLOSE LIGHTS |


 

PANGALAWANG TAGPO

| OPEN LIGHTS |

 

<SOUND FX: Distant Sound of Traffic (Car Horns, Chatter, etc.) >

 

Nakaupo si Kristoff sa may lamesa, bihis na bihis, abala sa paglalaro sa cellphone. Papasok si Raul na may dalang walis at magsisimulang magwalis. Sinasadya niyang sa direksiyon ni Kristoff ipunta ang alikabok.

 

Mapapatingin sa kanya si Kristoff.

KRISTOFF

 

Kuya, baka gusto mong kunin na lang iyong basurahan at itapon mo sa akin lahat ng basurang laman?

RAUL

 

Nandiyan ka pala. Pasensiya na, hindi ko napansin. Sa dalas mo kasing naka-upo diyan, akala ko parte ka na ng sala.

KRISTOFF

 

In fairness, Kuya Raul, marunong ka nang bumanat ngayon ah.Teka, nasaan si Mama Claire?

RAUL

 

Namalengke.Baka daw kasi magutom ka at mangayayat. Nakakahiya naman daw kasi sa iyo kung wala kang makitang pagkain sa kusina kapag nagutom ka. Nakakapagod pa man din ang pag-upo at paghilata maghapon.

KRISTOFF

 

Weh, di nga?Sinabi niya yan?

RAUL

 

May pagkamanhid din naman ang batang to.

KRISTOFF

 

Ano yun?

RAUL

 

Wala. Ang sabi ko, may naluto nang tanghalian sa kusina, baka gutom ka na.

KRISTOFF

 

Alas-diyes pa lang naman, Mamaya na ako kakain.

RAUL

 

Manhid nga talaga.

KRISTOFF

 

Hoy, Kuya Raul! Anong ibinubulong-bulong mo diyan?

RAUL

 

Kinakausap ko ang kaluluwa nang mga magulang mo. Bakit? May gusto kang ipasabi?

KRISTOFF

 

Oy, kuya! Wala namang ganyanan!

RAUL

 

Kalalaki mong tao, takot ka sa multo? Teka nga lang, akala ko ba may interview ka ngayon? Ano pang ginagawa mo dito?

KRISTOFF

 

Eh lumabas na ako kanina. Kaso ang init tapos traffic pa. Hindi din lang naman ako aabot kaya hindi na ako tumuloy. Nagpa-re-schedule na lang ako.

 

RAUL

 

Okay ka din eh. Ikaw ba eh may balak pa talagang maghanap ng trabaho?

KRISTOFF

 

Oo naman kuya. Ayoko namang maging palamunin na lang ni Mama Claire habang-buhay. Hinihintay ko lang iyong right time. Parang pagmamahal lang iyan, Kuya Raul, kailangan ng tamang timing.

RAUL

 

Ang tagal naman ata ng timing na yan. Dalawang taon ka nang graduate.Baka naman abutin pa yan ng sampu?

KRISTOFF

 

Relax, Kuya Raul, relax! Basta! Darating din tayo diyan. Tiwala lang.

RAUL

 

Ikaw na bata ka, umayos-ayos ka. Tumatanda na ang tiyahin mo. Baka gusto mo man lang siyang mailibre minsan gamit ang sarili mong sweldo bago siya malagutan ng hininga.

KRISTOFF

 

Sus! Ginamit mo pa si Mama Claire eh gusto mo lang magpalibre. Don’t worry Kuya Raul, kapag ako nagkatrabaho, ililibre kita ng trip to Disneyland. Pati pang-shopping sagot ko.

RAUL

 

Tarantado. Ako pa ang uutuin mo. Umalis ka na nga diyan. Kung wala ka din lang balak umalis, doon ka na lang sa kwarto mo tumambay at nang makapaglinis na ako. Pakalat-kalat ka lang naman eh. Buti sana kung pwede kang ibenta sa magdidiyaryo o magbubote.

KRISTOFF

 

Minsan kuya, masakit ka ding magsalita.

RAUL

 

Hoy, Kristoff, huwag mo akong dramahan. Hindi uubra sa akin yan. Nakita kitang lumaki kaya kilala ko ang likaw ng bituka mo. Kung ayaw mong nasasabihan, maghanap ka ng trabaho at magkasilbi. Naku, kung ako lang ang naka-graduate, maayos na sana ang buhay ko ngayon.

KRISTOFF

 

Lalim nang hugot kuya ha.Pang-MMK, Kuya Raul. Matutuwa sa iyo si Charo Santos niyan.

RAUL

 

Tarantado! Umalis ka na nga at nang matapos ko na ang paglilinis ko!

KRISTOFF

 

Oo na! Kita mo to, high blood agad. Kapag hinanap ako ni Mama Claire, nasa kwarto lang ako.

RAUL

 

Alam na niya yun. Saan ka pa ba niya hahapin di ba?

KRISTOFF

 

Sa kusina. Pwede din namang sa banyo. Malay mo naman, kuya, may conference call pala kami ni Inang Kalikasan.

RAUL

 

Eh kung hinahambalos kaya kita ng walis?

KRISTOFF

 

Child abuse yan, Kuya Raul. Kakasuhan kita.

RAUL

 

Aalis ka ba o murder ang gusto mong maging kaso ko?

KRISTOFF

 

Sabi ko nga, aalis na ako. Relax, Kuya Raul, huwag masyadong high blood. Tatanda ka ng maaga niyan.

Dadambaan ng walis ni Raul si Kristoff pero tumatawang iilag ito at aalis. Ipagpapatuloy ni Raul ang paglilinis.

Magkasabay na papasok sina Miranda at Kristine. Mapapatingin panandalian sa kanila si Raul pero ipagpapatuloy pa rin nito ang paglilinis.

MIRANDA

 

Hindi ka man lang ba sasamahan ng magaling mong boyfriend?

CHRISTINE

 

Pwede bang huwag na lang natin siyang pag-usapan?

MIRANDA

 

Ano to, He-Who-Must-Not-Be-Named lang? Aba ate, baka nakakalimutan niyang siya ang tatay ng anak mo. Baka naman gusto niyang tubuan nang kahit na isang pirasong bayag paminsan-minsan at samahan ka niya sa check-up mo. Wala na nga siyang iniaabot sa iyo na kahit na singko, samahan ka lang hindi pa niya magawa. Ano yan, pagkatapos niyang magpakasarap, wala na. Bakit?Tissue ka ba?Pagkatapos gamitin, tapon agad?

CHRISTINE

 

Ang dami mo nang sinabi. Aling parte ba nang huwag na nating pag-usapan ang hindi mo naintindihan?

MIRANDA

 

Eh nakakainit siya ng ulo eh.

CHRISTINE

 

Hayaan mo na. Alangan namang pilitin ko ang ayaw, di ba?

Titignan ni Miranda si Christine mula ulo hanggang paa, nailing.

MIRANDA

 

Alam mo, maganda ka naman, hindi ka naman bobo kung grades mo sa unibersidad ang pagbabasehan. Pero noon bumaha ng katangahan sa mundo, nauna ka na sa pila, may dala ka pang salbabida. Outing lang? Nag-swim suit ka na rin sana.

CHRISTINE

 

At ano naman ang gusto mo, ate, malunod ako?

MIRANDA

 

Hindi pa ba?

Papasok si Mai, nakabihis at may dalang libro.

MAI

(Kay Miranda)

Papasok ka ba?

MIRANDA

Hindi na muna. Hindi pa namin natatapos thesis namin dahil sa letseng Feliza na yun eh. Sesermunan lang na naman ako ni Dragonesa kaya huwag na lang.

CHRISTINE

 

Hindi niyo pa tapos? Patapos na ang sem ah. Wala ka bang balak mag-graduate?

MIRANDA

 

Meron! Hello? Gusto mong isumpa ako ng buong angkan namin? Bumagsak nga lang ako sa quiz eh akala mo nakapatay na ako ng tao kung makagalit ang nanay ko, iyang ma-delay pa kaya ang graduation ko.

MAI

 

Bakit kasi si Feliza mo ang kinuha mong partner?Alam mo naman pakong walang talim iyon.Kahit pukpukin mo, wala pa ring mangyayari. Talagang made-delay kayo kung aasahan mo pa siya.

MIRANDA

 

Choice ko? Eh si Dragonesa ang nagsabi na magsama kami. Alangan namang humindi ako.Kung bakit naman kasi na-delay ang utak ng isa diyan at hinayaang ma-delay ang regla niya ng nine months. Eh di siya sana ang partner ko.

CHRISTINE

 

Ako pa talaga ang sinisi mo.

MAI

(Kay Christine)

Ikaw ba, wala nang balak pumasok?

CHRISTINE

 

Wala pa akong wedding certificate na ipapakita. Hindi din lang nila ako papayagang pumasok.

MAI

 

Goodluck na lang sa inyong dalawa.

 

(Kay Miranda)

Nasaan na naman ba si Feliza? Kahit sa iba naming subject, hindi siya pumapasok.

MIRANDA

 

Nandoon sa La Presa, naghahanap ng kambal na strawberry kasama ang boyfriend niya.

CHRISTINE

 

Kambal na anak, gusto niya? Hindi ba siya nag-iisip?

MIRANDA

 

Nagsalita ang babaeng hindi nadala sa kambal na lumpia. Bakit?Ikaw ba nag-isip? Si Feliza, alam na nating mahina ang tuktok, eh ikaw?

MAI

 

Huwag ka namang harsh. May mga tao lang talagang marupok.

CHRISTINE

 

Oo nga naman.

MIRANDA

 

Nagkampihan pa kayo!

MAI

 

Hindi naman, nagpapaliwanag lang.

Mapapatingin sa relo si Mai.

MAI

Oy, mauna na ako. Male-late na ako.

MIRANDA

 

Ingat! Kapag nagtanong si Dragonesa, sabihin mo may trangkaso ako. Hindi naman nalalayo sa katotohanan eh. Pakiramdam ko, lalagnatin na talaga ako sa stress! What is wrong with the world, mama!

MAI

 

Oo na.

Aalis si Mai. Akmang lalabas na din si Christine pero pipigilan siya ni Miranda.

MIRANDA

At saan ka pupunta, aber?

CHRISTINE

 

Magpapa-check-up nga ako di ba?

MIRANDA

Sa tingin mo naman, papayagan kitang umalis mag-isa? Hintayin mo na ako, magpapalit lang ako.

Akmang uupo si Christine.

 

MIRANDA

 

Baka naman gusto mong sa kwarto na maghintay.

CHRISTINE

 

Paglalakarin mo pa talaga ako?

MIRANDA

 

Ikaw na itong sasamahan, magrereklamo ka pa? Saka isa pa, kailangan mo ng exercise.

Aalis si Christine at Miranda. Mapapasunod lang ng tingin si Raul, nailing.

RAUL

 

Salamat naman at umalis din.

Papasok si Miko, nakapambahay lang. Hawak niya ang pitaka na walang laman.

MIKO

 

Putakte naman oh! Kuya, nakita mo ba si Christine?

RAUL

 

Nasa kwarto yata ni Miranda. Bakit?

MIKO

 

Eh bwisit ang babaeng yun eh. Kinuha lahat ng pera sa pitaka ko. Muntik na akong mabugbog sa jeep kanina dahil wala akong pamasahe.

Aalis si Miko at maiiwan si Raul.

 

Maririnig ang tili ni Miranda. Mapapatingin sa direksiyon nila si Raul.

MIRANDA (VOICE OVER)

 

Punyeta naman Miko! Baka gusto mong kumatok bago ka pumasok?

MIKO (VOICE OVER)

 

Sinong nagsabi sayo na pwede mong pakialaman ang wallet ko? Alam mo bang muntikan na akong mabugbog sa jeep kanina? Tanga ka ba?

Papasok si Christine na hindi umiimik, naiiyak. Nakasunod sa kanya si Miko.

MIKO

 

Hoy, babae! Kinakausap kita!

Titigil sa paglalakad si Christine at kukunin ang wallet. Kukuha siya ng pera doon at saka ibabato kay Miko.

CHRISTINE

 

Isaksak mo sa baga mo!

Lalabas si Christine.

MIKO

 

Christine!

Nagmumurang pupulutin ni Miko ang pera sa sahig.

 

Papasok si Miranda, inaayos ang suot na t-shirt at sadyang bubungguin si Miko.

MIRANDA

 

Kuya Raul naman! Huwag niyo namang hayaang nakabalandra ang mga basura dito. Paano na lang kung hindi makita ni Christine at matalisod siya. Buntis pa man din siya.Pakitapon naman please.

RAUL

 

Dinamay niyo pa talaga ako?

Aalis si Miranda. Susundan lang siya ng masamang tingin ni Miko.

 

RAUL

 

Hindi naman sa nakikialam ako, Miko, pero sana tinanong mo muna kung bakit niya kinuha ang pera mo. Sa pagkakadinig ko, check-up niya ngayon. Baka naman kulang lang talaga ang pera niya. Kilala mo ang girlfriend mo, hanggat kaya niyang mag-isa, hindi siya aasa sayo.

Iiwanan ni Raul si Miko na nakaupo pa rin sa sahig, hawak ang perang pinulot.

MIKO

Iyon na nga eh.

Mapapatingin sa direksiyon ng nilabasan nina Christine si Miko, tipong nag-iisip.

Tatayo si Miko at maglalakad patungo sa direksiyon na nilabasan nina Miranda at Christine.

 

Pagkalapit sa pintuan ay agad din siyang liliko at saka maglalakad patungo sa kabilang direksiyon. Masasalubong niya si Mama Claire.

MAMA CLAIRE

 

Akala ko ba, check up ni Christine ngayon? Hindi pa ba kayo umaalis?

MIKO

 

Umalis na po siya, ma…

MAMA CLAIRE

 

Bakit hindi mo sinamahan? Diyosme naman itong batang to oh. Huwag mong sabihin na mag-isa siyang nagpunta ng ospital?

MIKO

 

Kasama po niya si Miranda.

Titignan ng matagal ni Mama Claire ang nakayukong si Miko.

MAMA CLAIRE

 

Ikaw ang ama noong bata, Miko.Dapat, ikaw ang sumama.

Hindi iimik si Miko. Mapapailing lang si Mama Claire.

MAMA CLAIRE

 

Alam kong hindi ka pa handa, anak. Pero wala ka nang magagawa. Nandiyan na yan. Ngayon ka pa ba tatakbo kung kailan may umaasa na sayo?

MIKO

 

Mabuti ngasana kung ganun, ma. Kaso hindi.

MAMA CLAIRE

 

Miko…

MIKO

 

Ano ba kasi ang gusto niyang mangyari? Iyong biglaan na lang maging ibang tao ako? Ni hindi nga niya sinabi sa akin na check-up pala niya ngayon. Wala siyang sinasabi sa akin na kahit ano. Maya’t maya, nagagalit. Tapos kung tatanungin mo kung bakit, hindi naman sasagot. Alam ko namang gago ako, ma. Pero pinipilit ko namang magbago.Hindi naman iyon ganoon kadali.

Mapapabunting-hininga si Mama Claire.

MAMA CLAIRE

 

Mag-usap kayo, anak…

MIKO

 

Para ano pa? Hindi naman magbabago ang tingin niya sa akin, di ba? Kahit ano naman ang gawin ko, ako pa rin ang masama.Wala naman siyang ibang nakikita kundi yun eh.Alam ko naman na ako ang sinisisi niya, na ako ang sumira sa buhay niya. Iyon lang naman ang tingin niya sa akin eh.

Hindi iimik si Mama Claire.

MIKO

 

Pinipilit ko naman eh. Hindi ko naman kayang magbago sa loob ng isang gabi lang.

MAMA CLAIRE

 

Naiintindihan mo ba na hindi din niya kayang hintayin ka nang matagal? Magkaka-anak na kayo, Miko. At kung nahihirapan ka sa hinihingi ng kalagayan niyo, paano na lang siya? Pareho lang kayong nahihirapan. Ngayon ka pa ba susuko? Ngayon mo pa ba siya iiwanan kung kailan ka niya pinakakailangan?

| CLOSE LIGHTS |

 

PANGATLONG TAGPO

| OPEN LIGHTS |

 

Papasok si Froilan, may mga dalang libro at madaming papel,  pagod na pagod. May kausap siya sa cellphone.

 

FROILAN

 

Pwede bang bukas na lang natin pag-usapan? Kauuwi ko pa lang nang bahay dahil ang daming dapat tapusin sa school. Gusto ko lang sanang magpahinga muna.

Makikinig panandalian si Froilan sa kausap sa cellphone.

FROILAN

 

Intindihin mo naman ako. Alam mo naman na hindi pa ako pwedeng mag-resign hanggat hindi pa nakaka-graduate si Mai. Sinabi ko naman di ba? Makapagtapos lang siya, magre-resign na ako at samama sayo. Konting panahon na lang.

Muling pakikinggan ni Froilan ang kausap sa cellphone.

FROILAN

 

Pinapipili mo ako? Talagang paabutin mo sa ganito? Hindi na tayo bata na —-

Mabibitawan ni Froilan ang dala-dala.

FROILAN

Okay. Desisyon mo yan.Hindi naman kita mapipigilan di ba?

Papatayin ni Froilan ang cellphone at ibubulsa iyon. Titignan niya ang mga gamit na nahulog.

 

Pupulutin niya ang isa sa mga iyon at titignan. Ibabato niya ang libro at saka sisipain ang ilan pang nandoon, hindi umiimik.

 

Mapapaluhod siya panandalian, nakatingin lang sa kawalan.

 

Papasok si Kristoff pero agad ding matitigil pagkakita kay Froilan.

 

Tatayo si Froilan at aalis, iiwanan ang mag gamit sa sahig. Susundan lang siya ng tingin ni Kristoff.

 

Maya-maya ay pupulutin ni Kristoff ang mga gamit at saka aayusing ilalagay sa lamesa. Papasok si Mama Claire, may hawak na papel sa isang kamay. Agad niya itong itatago sa likod pagkakita kay Kristoff.

MAMA CLAIRE

 

Kanino yan?

KRISTOFF

 

Kay Kuya Froilan, ma.

MAMA CLAIRE

 

Bakit hindi mo pa dalhin sa kwarto niya?

KRISTOFF

 

Mukhang galit sa mundo eh. Kararating niyo lang po ba?

MAMA CLAIRE

 

Medyo.Ipagtimpla mo nga ako ng kape.

KRISTOFF

 

Kape na naman? Gabi na, ma. Tapos magrereklamo kayo na hindi kayo makatulog? Gatas na lang para lalo pa kayong kuminis at bumata.

MAMA CLAIRE

 

Pati pa ba naman ako eh bobolahin mong bata ka?

KRISTOFF

 

Ma, hindi pambobola iyon. Basta diyan lang kayo, kukuha lang ako ng gatas.

Aalis si Kristoff. Mauupo sa tabi ng lamesa kung saan nakapatong ang mga gamit ni Froilan. Titignan niya ang papel na hawak at saka mapapabuntong-hininga.

 

Mapapatingin siya sa paligid at saka muling babalik ang tingin sa papel na hawak.

 

Papasok si Kristoff na may dalang baso ng gatas. Pasimpleng ihahalo ni Mama Claire ang papel sa gamit ni Froilan bago aabutin ang gatas.

 

KRISTOFF

 

O ayan, fresh na fresh mula sa do-do ng cow.

MAMA CLAIRE

 

Bastos ka ring bata ka eh.

KRISTOFF

 

Hala! Inosente kaya ako? Ikaw ma ha, you’re polluting my innocent mind.

MAMA CLAIRE

 

Inosente ka diyan. Sus! Di ko lang alam, may apo na pala ako sa kung saan-saan.

KRISTOFF

 

Ma, naman! Ano namang tingin ninyo sa akin? Easy to get?Binatang Pilipino kaya ako.

MAMA CLAIRE

 

Luko-luko! Saang kanto mo na naman ba pinagpupulot iyang pinagsasabi mo? Ikaw nga eh maghanap na ng trabaho at nang hindi ganyang kung anu-ano ang pumapasok sa utak mo.

KRISTOFF

 

Bakit ma? Pinapalayas na ba ninyo ako? Nagsasawa na ba kayo sa gwapong pagmumukha ko?

MAMA CLAIRE

 

Tignan mo ‘tong batang to. Ang akin lang, matanda ka na. Hindi naman sa lahat nang pagkakataon eh kaya kitang suportahan. Tumatanda na ako, anak. Mabuti sana kung buhay pa ang mga magulang mo, hindi sana ako mag-aalala sa iyo. Eh paano na lang kapag wala na ako.

KRISTOFF

 

Ma naman! Don’t say bad words! Matagal pa tayong magsasama. Saka makikita niyo pa ang mga apo niyo sa tuhod.

MAMA CLAIRE

 

Kailan pa?

KRISTOFF

 

Ma naman! Mukhang pinapalayas na talaga ninyo ako eh. Siyempre naman, mag-iipon muna ako.

MAMA CLAIRE

 

Paano ka makakapag-ipon kung wala ka namang trabaho?

KRISTOFF

 

One step at a time, ma.Sabi nga nila, huwag mong bibiglain. Di ba nga, good things come to those who wait.

MAMA CLAIRE

 

Baka naman patay na ako, naghihintay ka pa rin.

KRISTOFF

 

Ayan ka na naman sa patay-patay mo eh.

Mahihilo si Mama Claire at mapapasandal kay Kristoff.

 

KRISTOFF

 

Ma, huwag kang joke.Hindi to magandang biro.

MAMA CLAIRE

 

Napagod lang ako.

KRISTOFF

 

Saan na naman ba kasi kayo nanggaling? Huwag niyong sabihin na galing kayo sa date? Ay! Hindi ako papayag! Dapat ako lang ang lalaki sa buhay niyo.

MAMA CLAIRE

 

Puro ka kalokohan.Kailan ka pa magseseryoso?

KRISTOFF

 

I’m getting there, ma, kaya huwag kang mag-alala.

Muling sasandal si Mama Claire kay Kristoff.

 

KRISTOFF

 

Sa kwarto niyo na lang kaya inumin yan? Tinatakot niyo na ako eh. Mahiga ka na kaya.

MAMA CLAIRE

 

Mabuti pa nga siguro.

KRISTOFF

 

Kasi naman, gala ng gala, akala mo teenager.

MAMA CLAIRE

 

Sinesermunan mo ba ako?

KRISTOFF

 

Hindi ah! Saka, kaya ko ba namang gawin iyon sayo? Tara, ihatid na kita sa kwarto mo.

MAMA CLAIRE

 

Huwag na, kaya ko na to. Magsara ka na lang ng pinto.

KRISTOFF

 

Sure ka?

MAMA CLAIRE

 

Oo naman.

KRISTOFF

 

Okay. Basta kung kailangan niyo ako, just call me and I’ll be there.

MAMA CLAIRE

 

Magsara ka na. Ang dami mo pang sinasabi.

Hahalik si Kristoff sa pisngi ni Mama Claire.

 

Aalis si Mama Claire at susundan lang ito ng tingin ni Kristoff, nakangiti.

 

Papasok si Froilan, may hawak na papel at lalapitan si Kristoff, galit.

FROILAN

 

Nasaan si Mai?

KRISTOFF

 

Hindi pa kami nagkikita ngayong araw kuya.

Papasok si Mai, may dalang supot ng pagkain. Parehong mapapatingin sina Froilan at Kristoff dito.

MAI

 

Anong meron?

Akmang aalis si Kristoff pero pipigilan siya ni Froilan.

FROILAN

 

Ikaw, kung wala kang balak magtino, huwag mong idinadamay ang kapatid ko. Hindi porke’t patapon ang buhay mo, idadamay mo na din ang ibang tao dito.

MAI

 

Kuya!

FROILAN

 

Isa ka pa! Saan ka na naman galing?

MAI

(Kay Kristoff)

‘Toff, pwede bang iwanan mo muna kami?

Tatango lang si Kristoff at saka aalis.

MAI

 

Ano bang problema mo? Okay lang naman sana kung ako lang eh, pero nandadamay ka pa nang ibang tao.

FROILAN

 

Totoo naman eh. Simula noong nagsasasama ka sa kanya, naging patapon na ang buhay mo. Ano ba kasing napapala mo diyan sa pagsamasama sa kanya? Wala naman siyang nagagawa para sayo ah.

MAI

 

Huwag mo akong igaya sayo na wala nang ibang inisip kundi iyong makukuha niya sa ibang tao.

FROILAN

 

Ako pa talaga ang pagsasalitaan mo ng ganyan? Ang kapal din naman yata ng mukha mo. Matapos kong magsakripisyo para sa iyo—

MAI

 

Please lang kuya, kung isusumbat mo lang sa akin lahat ng ginawa mo, huwag na lang.

FROILAN

 

Bakit hindi ba iyon ang totoo?

MAI

 

Alin?Na pabigat ako? Na dahil sa akin, hindi ka makasamasama sa boyfriend mong kampon ng demonyo? Akala mo ba hindi ko alam yun? Na kung hindi dahil sa akin, matagal na kayong nagsama. Di sana ngayon, ubos na lahat ng ipon mo dahil sa kawawaldas niya. Iyon naman ang dahilan eh kung bakit ang init ng dugo niya sa akin, di ba? Dahil feeling niya, dapat sa kanya ang pera na ibinibigay mo sa akin. Huwag kang tanga kuya. Alam naman nating pareho na pineperahan ka lang niya.

FROILAN

 

Huwag mo siyang husgahan dahil hindi mo siya kilala. Saka ano bang karapatan mong magsalita? Iyan din naman ang ginagawa mo sa akin ah. Di ba? Kaya ka lang naman tumira kasama ko para masuportahan kita? Tapos, magtino na nga lang sa pag-aaral ang hinihingi ko, hindi mo pa magawa.

MAI

 

Sinusumbatan mo ako?

Papasok sina Christine at Miranda pero matitigil lang sa isang gilid.

FROILAN

 

Bakit?Wala ba akong karapatan? Hiniwalayan na niya ako Mai! Tapos, pagdating ko ng kwarto, force dropping slip ang makikita ko sa lamesa mo? Putang ina naman! Ikaw na nga inuuuna ko, ito pa ang igaganti mo? Mahiya ka naman nang konti!

Itatapon ni Froilan sa mukha ni Mai ang form. Pupulutin lang iyon ni Mai.

FROILAN

 

Sinayang mo lang lahat ng sakripisyo ko para sayo! Pabigat ka na nga, wala ka pang ginawang tama!

MAI

 

Tapos ka na?

Hindi iimik si Froilan. Pupulutin ni Mai ang form at saka lalapit kay Froilan. Ipapakita niyang muli ang form kay Froilan.

MAI

 

Kailan pa naging Miranda ang pangalan ko?

Mabibitawan ni Miranda ang hawak na bag at agad na kukunin ang papel mula sa kamay ni Froilan at titignan iyon. Patakbo siyang aalis.

 

Pupulutin ni Christine ang bag ni Miranda at saka susundan ito. Maiiwan sina Froilan at si Mai. Akmang aalis si Mai pero pipigilan ito ni Froilan.

 

FROILAN

 

Mai…

MAI

 

Pasensiya na, kuya. Hindi ko naman kasi alam na pabigat din pala ang tingin mo sa akin.

FROILAN

 

Mai…

MAI

 

Huwag kang mag-alala kuya. Kapag nakahanap ako ng trabaho, babayaran ko lahat nang nagastos mo sa akin. Pasensiya na, kuya. Hindi bale, ilang araw na lang naman, ga-graduate na ako. Kung pwede sanang tiisin mo na lang nang kahit konti pa. Ibabalik ko ultimo kahulihulihang sentimo na nagastos mo sa pagpapa-aral sa akin.

Tatanggalin ni Mai ang pagkakahawak sa kanya ni Froilan at aalis. Maiiwang nakatulala doon si Froilan.

 

Papasok si Miko, may kausap sa cellphone.

 

MIKO

 

Alam ko naman po, ma. Ano ba kasing gusto niyong gawin ko? Sabi ko namna titigil na muna ako para maghanap ng trabaho pero ayaw niyo. Tapos ngayon, isisingil niyo lahat sa akin? Sinusunod ko naman lahat ng gusto niyo ah. Ano pa bang gusto ninyong mangyari?

Makikinig panandalian si Miko sa kausap sa cellphone.

MIKO

 

Wala naman akong sinasabi, ma. Inaako ko naman na kasalanan ko lahat di ba?

Frustrated na papatayin ni Miko ang cellphone.

 

Maririnig ang boses ni Christine mula labas, sumisigaw.

CHRISTINE (Voice Over)

 

Miranda! Miranda! Utang na loob! Miranda! Gumising ka!

Parehong mapapalingon sa direksiyon nang boses sina Miko at si Froilan. Patakbong lalabas si Miko. Nakasunod sa kanya si Froilan.

| CLOSE LIGHTS |

 


 

PANGALAWANG YUGTO

UNANG TAGPO

| OPEN LIGHTS |

<SOUND FX: Tilaok ng Manok>

Papasok si Kristoff na may dalang tasa ng kape. Bihis na bihis siya at may hawak na isang folder sa kabilang kamay. Uupo siya sa tabi nang lamesa at saka magsasalita na parang ini-interview.

 

Papasok sina Miko at Miranda sa kalagitnaan ng pagsasalita ni Kristoff.

 

KRISTOFF

 

Some may say that my in-experience would be a disadvantage but I beg to disagree. The company can actually use that as an advantage. Having a fresh eye on the team can give a vantage point that the other more experienced employees don’t have.

MIRANDA

 

Saan ang lamay?

MIKO

 

Hoy! Ayusin mo nga yang pananalita mo! Kapag galing sayo, hindi siya mukhang joke! May benda ka pa sa pulso hanggang ngayon, ipapaalala ko lang.

KRISTOFF

 

Kaya nga.Saka huwag ka ngang malas.May interview ako ngayon.

MIRANDA

 

Malas ka diyan! Gilitan kita sa leeg eh.

MIKO

 

Uulitin ko lang ha, kapag galing sayo, hindi siya mukhang joke kaya umayos ka nang pananalita. Baka kahit wala akong matres, mapaanak din ako nang wala sa oras ng dahil sayo!

MIRANDA

 

At least, bayag, meron ka na, di ba?

KRISTOFF

 

Ikaw lang naman ang nagka-near death experience na bastos pa rin ang bibig.

MIKO

 

Sinabi mo pa.

KRISTOFF

 

Teka, kumusta si Christine?Yung baby?

MIKO

 

Okay na. Mga dalawang araw pa siguro siya sa ospital. Kahit kulang sa buwan eh wala naman daw naging problema ang anak namin. Tinanggal na siya sa incubator noong isang araw pa.

KRISTOFF

 

Sinong kasama niya ngayon dun?

MIKO

 

Dumating ang mama ni Tin kahapon. Siya nagbabantay doon ngayon.

MIRANDA

 

As I’ve said earlier, balls. Tignan mo, kung hindi dahil sa akin, hindi ka pa magtataoangtapangan na tumawag sa mama niya. I’m so proud of you.

KRISTOFF

 

Kami, hindi proud sayo. Luka-luka ka rin eh. Para isang subject lang, magpapakamatay ka na.

MIRANDA

 

Eh sorry naman. Sa na-pressure ako nang bonggang-bongga eh. Ikaw ba naman ang sabihan ng nanay mo na kung hindi mo kayang ipasa, wala kang karapatang huminga. Anyways, I’ve learned my lesson. Kaya all’s well that ends well na ang drama ko from now on.

KRISTOFF

 

Eh may pinagmanahan naman pala iyang sama ng ugali mo eh.

MIRANDA

 

Korak ka diyan. I am my mothers daughter talaga.

MIKO

 

Proud ka pa? Babalik na ako sa ospital. Inihatid ko lang talaga dito Miranda.

KRISTOFF

 

Sumabay ka na sa akin. Idadaan na lang kita.

MIRANDA

Sosyal! Haciendero! May kotse, karawahe at kabayo.

KRISTOFF

 

Sigurado ka bang pwede nating iwang mag-isa yan?

MIKO

 

Normal na yan sa lagay na yan. Saka papunta na din dito si Mai. Wala naman sigurong gagawing katangahan iyan sa loob ng limang minuto.

MIRANDA

 

Talagang pinag-uusapan niyo ako na dinig na dnig ko pa? Magsilayas na nga kayo. I’m fine. Better than fine!

Iiling-iling naalis ang dalawa. Maiiwan si Nicole na nakasunod lamang ng tingin sa mga ito.

 

Papasok si Mama Claire at agad na makikita si Miranda. Agad na yayakapin nito ang dalaga.

MAMA CLAIRE

 

Pinag-alala mo akong bata ka.

MIRANDA

 

Sorry, ma…

MAMA CLAIRE

 

Huwag na huwag mo nang uulitin yun ha? Bata ka pa. At hindi sa lahat nang pagkakataon, makukuha mo agad ang gusto mo. Pero hindi ibig sabihin noon na basta ka na lang susuko. Saka tatandaan mo, nandito lang naman kami palagi para sayo. Di ba nga sabi ko noong bagong lipat ka dito, pamilya ko na rin kayo?

MIRANDA

 

Mama Claire naman eh, paiiyakin mo ako niyan eh.

MAMA CLAIRE

 

Mas maganda na iyong nakikita kitang umiiyak kesa iyong hindi na kita makikita pa ulit.

MIRANDA

 

Mama Claire! Stop na! You’re gonna make me cry me a river na.

MAMA CLAIRE

 

Batang to…

Muling yayakapin ni Mama Claire si Miranda.

 

Papasok si Mai at makikita ang dalawa.

MAI

 

Pa-join!

Makikisali sa yakapan si Mai.

MAMA CLAIRE

 

Isa ka pa! Kailan ka ba babalik dito? Ilang beses nang tinatanong sa akin ng kuya mo kung nasaan ka. Saan ka ba nakatira ngayon?

MAI

 

Sa bahay ng kaibigan ko, ma.

MIRANDA

 

Ay bakit? Hindi pa rin kayo bati ni Kuya Ganda? Diyos ko naman, nag-comeback to life na ako at lahat, warla pa rin kayo.

MAI

 

Siyempre naman, nangangapa pa kami.Hindi naman basta-basta iyong nangyari.Dumagdag ka pa.Teka nga, bakit ba ganyan ka magsalita?Naglaslas ka ba o nabagok?

MIRANDA

 

Ikaw ba naman ang isang lingo na puro beki ang kausap na nurse sa ospital kung hindi ka rin ma-convert. Diyos ko, ke-gwagwapo, pero kapederasyon ng kuya mo. Speaking of which, iyong isang nurse, tinatanong kung pwede daw bang makuha number nang kuya mo.

MAI

 

Huh?

MIRANDA

 

Kasi, you’re kuya made visit sa ospital out of the blue moon. Ayun, kumalembang ang ospital.Ang pogi dawn ang jowa ketch. Eh ako naman si chismosa, flukes ko agad na wang talo ang brotherhood-mes kasi brotherhood din ang hanap niya. Ayun, nagkandarapa ang mga bruha. In fairness kay Kuya Ganda, mabenta!

MAMA CLAIRE

 

Wala yata akong naintindihan sa sinabi mo.

MAI

 

Ako rin.

MIRANDA

 

Ay, I need an interpreter! Parang Miss Universe lang.

MAI

 

Ma, ibalik ko kaya muna to sa ospital?

Natatawang yayakapin lang uli ni Mama Claire ang dalawa.

MAMA CLAIRE

 

Mauna na muna ako sa inyo. Mai, ikaw na lang muna ang bahala diyan kay Miranda, ha. May kailangan lang akong asikasuhin.

MIRANDA

 

Mudrabels, wit ka dapat mag-worry. Kering-keri na ng beauty ko ito. Gorah na sa destination mo. I’m okay, I’m alright, I’m fine, I’m marvelous, I’m extravagant. Gets?

MAI

 

Umayos ka nga! Ibalik kita sa psych ward eh.

Naiiling na iiwan ni Mama Claire ang dalawa.

MAI

 

Nag-usap na ba kayo nang mama mo?

MIRANDA

 

Paano ko siyang kakausapin eh sa tuwing magkikita kami, iiyak na siya agad tapos sorry ng sorry. Diyos ko, kung iko-convert lang siguro sa grades iyong sorry niya, lampas 100 points na. Mas mataas pa sa uno.

MAI

 

Nagreklamo ka pa talaga?

MIRANDA

 

Hindi naman.  Medyo nakakapanibago lang. Buong buhay ko, pakiramdam ko, isa akong malaking disappointment dahil hindi ako kasing talino ng mga kapatid ko. Tapos biglang out of the blue, ako na ang special. Parang mas hindi ko carry ang ganito.

MAI

 

May sira din talaga ang tuktok mo ano?

MIRANDA

 

Oo naman.Kaya nga tayo friends eh.

MAI

 

Baka gusto mong itanggi?

MIRANDA

 

Sabi nga ni Honesto, be honest!

MAI

 

Luka-luka ka talaga. Ano ba kasing gusto mo, na tratuhin ka uli niya katulad nung dati.

MIRANDA

 

Hindi naman sa ganun. Hindi lang ako sanay sa ganito. Isa pa, ayaw ko namang kalimutan kung paano kami noon. Siguro nga baliw ako pero ayokong matabunan nang mga nangyayari ngayon iyong sitwasyon ko noon. Pakiramdam ko kasi, kapag nasanay akong ganito ang lahat, makakalimutan ko na iyong dati. At iyon ang ayaw kong mangyari.

MAI

 

Bakit naman? Hindi ba mas maganda kung makakalimutan mo na lang lahat?

MIRANDA

 

Hindi ako magiging ganito kasaya kung hindi ko naranasang masaktan ng sobra.

MAI

 

Lalim nang hugot mo ah.

MIRANDA

 

Eh ganun talaga.

Papasok si Froilan at agad na mapapako ang tingin niya kay Mai. Walang sabi-sabing lalapitan at yayakapin niya ito nang mahigpit. Kahit nabigla ay sasagot na din ng yakap si Mai.

MIRANDA

Awww… So sweet.. Join din ako!

Natatawang makikiyakap din si Miranda.

MIRANDA

Ano to, give-your-damaged-friend-a-hug day?

MAI

 

Huwag ka ngang panira ng moment!

| CLOSE LIGHTS|

pangalawang yugto

| OPEN LIGHTS |

 

Papasok si Raul na hawak na walis. Didiretso siyasa may radio at bubuksan iyon.

 

<SOUND FX: Last Part of an Upbeat Song>

 

Magsisimulang magwalis si Raul.

 

<SOUND FX: Upbeat Bed Music>

 

DJ JAM (VOICE OVER)

 

Its five minutes before the hour of 8.

At siyempre, kasama niya pa rin ako, DJ JAM, bringing your daily dose of upbeat jams, kasabay nang inyong mga jam sa agahan.

O di ba, best in self marketing lang ako? At dahil mag-aalas-otso na, kailangan ko nang magpaalam.

Sabi nga nila, lahat nang bagay nagtatapos, but in every end of the rainbow, there’s a unicorn.

Ano daw? Huhugot na nga lang, mali-mali pa.

Anyway, I hope you enjoyed the morning with me, please tune in again tomorrow, because tomorrow is a new day, oh di ba, kung ano-ano na lang ang sinasabi ko huwag lang magka-dead air pero—

Papatayin ni Raul ang radio at saka ipagpapatuloy ang paglilinis.

 

Nakapambahay na papasok si Froilan, nag-aalala. Hawak niya ang isang papel sa kamay. Lalapitan niya si Raul at saka iaabot ang papel dito.

RAUL

Saan mo nakuha to?

FROILAN

 

Nasama sa mga gamit ko.Alam mo ba to?

Hindi iimik si Raul. Basta na lamang niya tutupiin ang papel at ibubulsa.

FROILAN

 

Bakit wala man lang kayong sinasabi.

RAUL

 

Desisyon niya iyon. Ano ba naman ang karapatan kong magsalita?

FROILAN

 

Kahit na. Sana sinabi ninyo.

Papasok si Miko at Kristine.May karga-kargang baby si Christine.

MIKO

 

Sinabi ang alin? Kayo ha, may itinatago kayo.

Hindi iimik si Raul at akmang aalis pero pipigilan ito ni Froilan.

RAUL

 

Siya ang may gusto nito.

FROILAN

 

Kahit na. Kuya Raul naman eh. Alam niyo pala tapos hindi man lang kayo umiimik.

CHRISTINE

 

Ano bang nangyayari dito?

Papasok si Miranda at Mai. Agad na mapapatili si Miranda pagkakita sa kargang baby ni Christine. Patakbong lalapitan nang dalawa sina Miko at Christine na nakatingin pa rin kay Raul at Froilan.

MIRANDA

 

Ang cute-cute naman ng batang to! Ganda-ganda lang eh. Kamukhang-kamukha ni ninang!

MAI

 

Hoy, umayos ka nga. Huwag mong takutin iyong bata.Mamaya, maniwalang magkamukha kayo.

MIRANDA

 

Tirisin kita, gusto mo.(Kay Christine)Mare, pwedeng pakarga?

Hindi papansinin ni Christine ang dalawa. Nakatingin pa rin ito kina Raul at Froilan.Parehong mapapatingin ang dalawa kina Raul, makukunot ang no.

MIRANDA

 

Bakit parang ang heavy ng atmosphere?

MAI

 

Oo nga.Kuya?Anong meron?

Hindi iimik si Raul at Froilan.

 

Papasok si Kristoff. Makikita niya ang papel sa bulsa ni Raul at kukunin iyon.

KRISTOFF

Ano to? Ikaw, Kuya Raul ha, may lihim ka. Ano to? Love letter?

Bubuklatin ni Kristoff ang papel. Mapapatingin lang sa kanya ang lahat.

KRISTOFF

 

Anong joke to? Hindi nakakatawa.

Hindi pa rin sasagot sina Raul at Froilan.

KRISTOFF

(Kay Raul)

 

Kuya, ano to?

Kukunin ni Miko ang papel. Lalapit sa kanya sina Christine, Mai, at Miranda. Babasahin nila ang nakasulat doon. Parang nanghihinang mapapa-upo sa isa sa mga upuan si Christine. Agad siyang aalalayan ni Miko.

KRISTOFF

 

Wala man lang bang sasagot sa inyo?

Walang magsasalita sa kanilang lahat.

 

Maririnig ang boses ni Mama Claire mula sa labas.

 

MAMA CLAIRE

(Mula sa labas)

 

Kristoff! Dumating na ba sina Miko at Christine?

Papasok si Mama Claire. Agad na dadapo ang tingin niya sa kargang baby ni Christine at mapapangiti. Mapapatingin lang silang lahat kay Mama Claire.

 

MAMA CLAIRE

 

Kanina pa ba kayo?Anong oras kayong dumating. Kristoff! Di ba ang sabi ko, tawagin mo ako kapag dumating na sila?

Walang sasagot kay Mama Claire. Lahat sila, nakatingin lang sa kanya, nagpipigil ng iyak.

MAMA CLAIRE

 

Anong meron?Bakit para kayong namatayan? Ngayon na nga lang tayo makukumpleto ulit, ganyan pa ang mga itsura ninyo.

Susugod ng yakap si Kristoff kay Mama Claire. Gagaya na din sina Mai at Miranda. Humahagulgol ang tato.Naguguluhang yayakap din lang si Mama Claire na lalong ikakahagulgol ng tatlo.

MAMA CLAIRE

 

Bakit?Anong nangyari?

Lalapit sina Christine at Miko. Iaabot ni Miko ang papel kay Mama Claire.

 

Susubsob sa dibdib ni Miko si Christine, iiyak na rin. Hindi makakaimik si Mama Claire.Pero pilit siyang ngingiti.

 

MAMA CLAIRE

 

Itong mga batang to oh…

Lalong mapapaiyak ang mga nandoon pero walang magsasalita.

MAMA CLAIRE

 

Mga anak, huwag niyo akong iyakan.Buhay pa ako.Dapat nga magsaya tayo dahil may bago nang miyenbro ang pamilya natin, di ba? Kung kailan naman sila dumating saka tayo magdradrama. Tahan na.

Kakalas sa pagkakayakap sina Kristoff, Mai at Miranda. Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. Si Miko at Froilan naman ang yayakap sa kanya.

 

Lalapit si Christine at siya naman ang yayakapin ni Mama Claire. Bago nito ibabaling ang tingin sa bata.

 

Kukuha nang upuan si Raul at pauupuin doon si Mama Claire. Hahawakan ni Mama Claire si Raul sa balikat bago mauupo.

 

MAMA CLAIRE

 

Pwede ko ba siyang kargahin?

Ibibigay ni Christine ang baby kay Mama Claire.

MAMA CLAIRE

 

Ang ganda naman ng apo ko. Manang-mana sa lola. Ano bang pangalan niya?

MIKO

 

Claire… Claire po ang pangalan niya, ma…

| CLOSE LIGHTS |

 

“DAPIT HAPON”

JAYSON ARVENE T. MONDRAGON | TEATRO PUBLICO

O917.587.8973

jmanunulat@gmail.com

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s