LIMAMPU’T WALO: DULANG MAY KAUKULANG HABA (MAGUINDANAO MASSACRE)

———————————————————————————————————————————–

This script is a personal property of JAYSON ARVENE TABANGIN MONDRAGON. Please contact the author for permission to use this script. There is NO FEE for its usage but please do inform the author before using it as a matter of respect. Thank you and happy reading.

———————————————————————————————————————————–

Nasa entablado ang 58 na katao, may kanya-kanyang ginagawa at nagkakagulo. May mga nag-uusap, meron ding naka-upo lang sa isang sulok. Papagitna si REY sa entablado, maglalabas ng isang itim na tela at tatakpan ang mga mata.

REY

Tagutaguan maliwanag ang buwan, kay sarap maglaro sa dilimdiliman.

Mapapatingin ang mga tao sa entablado kay Rey.

REY

Pagbilang kong sampu nakatago na kayo. Isa —

Ipagpapatuloy ni REY ang pagbibilang .Lalong magkakagulo ang mga tao sa entablado at magkakanya-kanyang tago hanggang sa walang matitira sa entablado maliban kay REY.

REY

Sampu!

Tatanggalin ni REY ang itim na tela na sa kanyang mga mata at saka titingin sa paligid. Maghahanap si REY sa buong entablado hanggang sa pati siya ay aalis na din.

Maririnig ang boses ni NICOLE mula sa likod ng entablado.

NICOLE

Like oh my gawd!

Papasok si NICOLE at CYNTHIA, nailing na sinusundan lang ni CYNTHIA ng tingin si NICOLE na halatang kinikilig. May hawak na attaché case si CYNTHIA. Ibababa niya iyon.

NICOLE

Like oh my gawd! Ang pogi pala talaga ni Atom Araullo, ate! Nalaglag na yata lahat ng pwedeng malaglag sa akin! Maghapon yatang nakatingin lang ako sa kanya.

CYNTHIA

At iyan talaga ang inatupag mo sa unang araw ng OJT mo, Nicole? Gusto mong ibabad kita sa sukang may carrots, bawang, paminta at asin?

NICOLE

Ano yun? Atsara lang? Ano ako, papaya?

CYNTHIA

Hindi.Higad.Atsarang higad to be exact.

NICOLE

Higad talaga?Agad-agad? Hindi ba pwedeng PBB teens muna?

CYNTHIA

Pwede ding atsarang ahas.

NICOLE

Ate, nakakasakit ka na ha. Porke’t Nicole ang pangalan, ahas o higad na agad? Tapos na ang The Legal Wife ate, naka-move on na din si Monica! Nanganak na nga din si Maya di ba? Move on ka din kapag may time.

CYNTHIA

Ako pa talaga ang sinasabihan mong mag-move on?Ayaw mo ng higad? O di sige, ikaw na lang iyong rape victim sa Subic. Nicole din ang pangalan noon.

NICOLE

Eh binayaran din iyon eh.  Hindi ba pwedeng Nicole Ayon, broadcaster! Oh di kaya, Nicole Araullo, happily married wife. Ay! Pak na pak! Pasok sa banga!

CYNTHIA

Pwede din namang Nicole Ayon, unemployed.Ikaw Nicole, ayus-ayusin mo ang pag-aaral mo ha. Hindi iyang wala ka nang inatupag kundi mangolekta ng pictures ni Atom Araullo. Hindi ka na high school.

NICOLE

Harsh ka din kung minsan, ate eh. Saka hindi na ako nangongolekta ng pictures ni Atom, ano.

CYNTHIA

Bakit? Wala na bang space na pwedeng pagdikitan ng picture niya sa mga dingding ng kwarto mo? Eh di ba, gabi-gabi mo pa ngang ipinagtitirik ng kandila para lang mapansin ka niya?

NICOLE

Oy, false accusation iyan! Pwede kitang kasuhan! Saka wala kang ebidensiya. Paninirang puri!

CYNTHIA

Ay, may sisirain pa?

NICOLE

Aray ko naman! Namemersonal ka na eh. Anyway, back to Atom. Ang bait pala talaga niya. As in! Hindi ko ma-imagine na ganoon siya kabait.

CYNTHIA

Paano mo naman nasabi?

NICOLE

Eh kasi, kanina, binigyan ko siya ng tubig. Tapos sabi niya, “Thank you!” Oh di ba? Sobrang bait niya? Pwede siyang maging UN Ambassador for Peace.

CYNTHIA

Nag-thank you lang, mabait na agad? Ang babaw naman ata ng standards mo ng kabaitan. Saka, akala ko ba hindi mo na siya crush?

NICOLE

Ay true! Correct ka diyan! Hindi ko na talaga siya crush.

CYNTHIA

Pero kinikilig ka dahil?

NICOLE

Marupok ako…

CYNTHIA

Luka-luka! Hambalusin kita diyan eh.

NICOLE

Ops! Physical injury with grave threat! Ipapakulong kita. Saka relax ka nga lang, ate! Hindi ko na talaga siya crush!

CYNTHIA

Hindi nga?

NICOLE

Ano to, senate inquiry? I invoke my rights against self-incrimination!

CYNTHIA

Sige, para maging magkamukha na kayo ni Janet Napoles.

NICOLE

Ate! Huwag ka namang sumpa! Saka, promise! Hindi ko na talaga crush si Atom. Hello, ano ako, high school?

CYNTHIA

Sure ka na talaga?

NICOLE

Oo naman. Kasi nga ate, I thought a thought, but the thought I thought wasn’t the thought I thought, I thought.

CYNTHIA

Ikaw, amoy utot.

Mapapaamoy si Nicole sa sarili.

NICOLE

Sobra ka naman. Amoy kanal lang. Ikaw ba naman ang maghapong nasa kalye at naghahanap ng balita. Pero seryoso ako. Hindi ko na siya crush.

CYNTHIA

Sabi mo eh.

NICOLE

Seryoso nga! Hindi ko na talaga siya crush. Kasi naisip ko lang, kung crush ko pa din siya, hindi ako makakapag-aral ng mabuti at malalamang babagsak ako ng OJT. Kapag bumagsak ako sa OJT, eh di hindi ako makaka-graduate. Kapag hindi ako makaka-graduate. Hindi ako makakahanap ng matinong trabaho. Kapag wala akong matinong trabaho, hindi ako pwedeng mag-asawa. Kapag hindi ako nag-asawa, hindi ako pwedeng magka-anak. Siyempre, kapag hindi ako nagka-anak, tatanda akong mag-isa. Kapag tumanda akong mag-isa, walang mag-aalaga sa akin. And oh my gawd! Mamamatay akong mag-isa! I don’t want to die alone! Ayun, kaya hindi ko na siya crush.

CYNTHIA

Ikaw, ang sarap i-crash.Ibaon kita ng buhay eh. Gusto mo, isama ko pa siya para hindi ka mamatay nang mag-isa.

NICOLE

Harsh mo naman! Pero ate…

CYNTHIA

Ano na naman?

NICOLE

Hindi ko na talaga siya crush.

CYNTHIA

Tapos?

NICOLE

Hindi ko na siya crush kasi mahal ko na siya!

CYNTHIA

Tse! Gusto mo talagang mailibing ng buhay?

NICOLE

Ay, ate, death threat na iyan. Gusto ko pang mabuhay.

Mapapatingin si CYNTHIA sa manonood.

CYNTHIA

Oh eh bakit ka nag-reporter? Ang dami-daming kurso diyan, Journalism pa talaga ang kinuha mo.

NICOLE

Because the truth will set you free!

CYNTHIA

Wala talaga akong makukuhang matinong sagot sa iyo ano?

NICOLE

Wala. Nagmana ako sa iyo eh. Sabi nga nila, birds of the same feather makes a good feather duster.

CYNTHIA

They get shot together din before they can be made into a feather duster. Gusto mo?

NICOLE

Minsan ate, gory ka din. Patayan agad?Hindi ba pwedeng kidnapping muna?

CYNTHIA

Pwede naman.Kidnapping, then rape, then patay.Misan inililibing din ng buhay.

NICOLE

Ate, dapat panoorin mo si Layda Magtalas.

CYNTHIA

Ano namang kinalaman niya dito?

NICOLE

Para ma-restore and faith mo sa humanity. Sabi nga niya, we should look at the goodness in everyone.

CYNTHIA

Saka mo na sabihin iyan kapag pinagpapasapasahan ka na ng mga kumidnap sa iyo habang nire-rape din nila sa harapan mo si Atom Araullo.

NICOLE

Huwag naman! Kawawa siya.

CYNTHIA

At sa kanya ka pa talaga naawang lukaret ka?

NICOLE

Ate, nakita mo na ba siya nang personal? Sayang ang lahi! Hindi ba pwedeng anakan niya muna ako diyan sa mala-Stephen King na horror story mo? Dapat kambal!

CYNTHIA

Kambal na sampal, gusto mo?

Kunwaring aambaan ni CYNTHIA si NICOLE. Natatawang lalayo naman ito.

NICOLE

Ate, nagpa-check-up ka na ba?

CYNTHIA

Wala akong sakit.Baka ikaw, meron.

NICOLE

Sure ka? Ang morbid mo kasing mag-isip eh.

CYNTHIA

At least ako, nag-iisip.Ikaw ba eh ginagamit mo pa iyang kukote mo? Pwede ka namang maging Nurse o Teacher. Pagiging reporter pa talaga ang pinili mo. Kung nandoon lang ako noong nag-enrol ka, kahit umatungal ka, hindi kita papayagan. Bakit hindi ka na lang kasi kumuha ng pre-law tapos naging abugado ka tulad ko. Kung nandoon lang talaga ako.

NICOLE

Eh bakit kasi wala ka?

CYNTHIA

Kailangan mo pa ba talagang tanungin iyan?

Aalis nang entablado si CYNTHIA. Susundan lang siya ng tingin ni NICOLE. Lalapitan ni Nicole ang kanina ay hawak na attache case ni CYNTHIA. Pupulutin niya iyon at yayakapin.

Papasok si CLARA at madadatnan si NICOLE na nakatayo lang, yakap ang attache case.

CLARA

Anak…

NICOLE

Ma!

CLARA

Kinakausap mo na naman ba ang ate mo?

NICOLE

Guilty… Kung bakit kasi…

Yayakapin ni NICOLE si CLARA. Magpi-freeze sina NICOLE at CLARA.

Papasok si CYNTHIA.

CYNTHIA

Ano na nga ba iyong pinag-uusapan na—

Matitigil sa pagsasalita si CYNTHIA at mapapatingin kina CLARA at NICOLE. Papasok si Rey at igigiya palabas ng entablado si CYNTHIA na nakatingin lang kina NICOLE at CLARA.Lalabas nang entablado sina NICOLE at CLARA.

Mahuhulog ni REY ang kanyang Press ID.

Papasok si ATASHA, naka-damit pang-practise ng sayaw.Papagitna siya at magsisimulang sumayaw ng mag-isa. (MUSIC = Dance With My Father)

Sa kalagitnaan ng kanyang pag-sasayaw ay makikita niya ang ID ni REY. Biglang siyang titigil. Titigil din ang tugtog. Dahan-dahan niyang lalapitan ang ID at pupulutin.

Aatras siya at lalayuan ang ID.

ATASHA

Hindi ito totoo, bangungot lang ang lahat ng ito. Hindi ito totoo, bangungot lang ang lahat ng ito. Hindi ito totoo, bangungot lang ang lahat ng ito.

Pilit niyang ipagpapatuloy ang pag-sasayaw kahit wala nang tugtog pero maya’t maya at magkakamali siya. Mapapaupo si ATASHA at saka muling titingin sa ID ni REY.

Pupulutin niya iyon at saka magpapalahaw ng iyak. Maya-maya ay tigigil siya at saka titingin sa manonood. Papasok si REY at mapapatingin kay ATASHA. Lalapitan sana niya ito pero pipigilan niya ang sarili at saka akmang magmamadaling babalik sa likod ng entablado. Mapapatingin sa kanya si ATASHA. Matitigil sila pareho.

ATASHA

Parang awa mo na itay, gisingin mo ako sa bangungot na ito…

Magmamadaling lalabas si REY, hahabulin siya ni ATASHA.

Papasok si ROGER, may hawak na gitara at saka banig. Ilalatag niya ang banig at saka uupo doon. Mapapatingin siya sa langit at saka magsisimulang tugtugin ang “Walang Hanggang Paalam” ni Joey Ayala.

ROGER(Kumakanta)

Di ba tayo’y narito

Upang maging malaya

At upang palayain ang iba

Ako’y walang hinihiling

Ika’y tila ganoon din

Sadya’y bigyang-laya ang isa’t-isa

Ang pagibig natin ay

Walang hanggang paalam

At habang magkalayo

Papalapit pa rin ang puso

Kahit na magkahiwalay

Tayo ay magkasama

Sa magkabilang dulo ng mundo

Papasok si LEAH, may hawak na camera. Tatabihan niya si ROGER na patuloy lang sa pagkanta.

LEAH

Ano namang ipinaglalaban natin?

Ibababa ni ROGER ang gitara.

ROGER

Pag-ibig, katarungan, at pag-asa! Akazukin Chacha!

LEAH

Hoy, Rogelio Dalmacio! Tigil-tigilan mo ang panood ng cartoons.Hindi magandang tignan. Magsi-singkwenta ka na! Saka, ano bang ipinagdradrama mo?

ROGER

Ito naman! Kumakanta lang, nagdradrama na agad? Hindi ba pwedeng nag-iisip lang muna?

LEAH

Nakakapagisip ka pa sa lagay na iyan? Iyong mga kapitbahay natin, hindi na. Ang ingay mo eh.

ROGER

Mahal naman! Hindi ka man lang ba kikiligin? Para sa atin kaya iyon.

LEAH

Ah, iyon ba iyon? Akala ko kasi gutom ka lang.

ROGER

Mahal ha, nakakasakit ka na ng damdamin.

Kunwaring magtatampo si ROGER. Matatawa lang si LEAH.

LEAH

Hoy, Rogelio! Ang tanda mo na para magtampururot!

ROGER

Walang matanda sa pagmamahal!

LEAH

Talaga lang ha?

ROGER

Kung ayaw mong maniwala, eh di huwag.

LEAH

Rogelio! Hindi ito telenovela.Huwag kang OA. Saka hindi ka ba kinikilabutan? Ang tatanda na natin. Saka ano ba kasing problema?

Mapapabuntong-hininga si ROGER.

LEAH

Mahal, ikakasal lang ang anak mo, hindi ililibing.

ROGER

Hindi ba masyadong maaga? Ilang taon pa lang mula noong —

LEAH

Eh ano namang gusto mong mangyari sa anak mo? Magpakaburo katulad mo? Hihintayin pa ba niyang mag-expire ang matres niya bago siya mag-asawa? Aba, Rogelio! Gusto ko ding magka-apo. Saka hindi mo ba nakikita na masaya siya? Matagal na nating napag-usapan na kung saan siya masaya, susuportahan natin siya, di ba?

ROGER

Ayan ka na naman sa pagiging kunsintidor mo eh!

LEAH

Malapit nang lumampas sa kalendaryo ang edad ng anak mo. Saka, ano pa ba kasi ang gusto mo? Naka-graduate na siya. May maayos na ding trabaho. Pati naman si Ian, maayos na din ang trabaho. Gwapo pa.

ROGER

Sus! Umamin ka! Pareho lang kayo ni Eloisa. Gusto niyo lang si Ian dahil gwapo.

LEAH

Selos ka naman?Bakit? Hindi ba matanggap nang pagkalalaki mo na hindi na lang ikaw ang lalaki sa buhay niya?

ROGER

Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang, huwag naman sana silang magmamadali.

LEAH

Utang na loob Rogelio. Pitong taon na silang magkasintahan. Hindi na sila nagmamadali sa lagay na iyan. Saka, huwag ka nga. Ako nga, hindi pa nakaka-graduate noon eh itinanan mo na ako. Tatlong buwan pa lang tayong makasintahan, inalok mo na akong magpakasal.

ROGER

Pinikot mo kaya ako…

LEAH

Hoy, Rogelio Baltazar Dalmacio, huwag mong baliktarin ang kwento. Anong pikot ang pinagsasabi mo. Ako kaya ang tinutukan mo ng baril pakasalan lang kita.

ROGER

Pumayag ka naman.

LEAH

Aba’y natural. Takot ko lang mailibing ng buhay.

ROGER

Ah ganun. Napilitan ka lang pala. Sige! Break na tayo!

LEAH

Break? Ano tayo, teenagers?Tigil-tigilan mo ang kaartehan mong iyan.Hindi bagay. Mamaya niyan eh, pati ikaw, kumakanta na din ng, “Neseye ne eng lehet.”

ROGER

Gusto mo tugtugin ko pa?

LEAH

Utang na loob!

ROGER

Uso kaya yan ngayon. Ayaw mo noong, parang Kathniel tayo.

LEAH

Kilabutan ka nga sa pinagsasabi mo. Saka porke’t uso, naki-uso ka naman?

ROGER

Siyempre! Para Bagets!

LEAH

Bagets talaga? Eh nineteen kopongkopong pa iyong pelikulang iyon eh. May asawa na si Aga, ilang beses nang na-rehab si William. Ano ka, Herbert Bautista na hanggang ngayon, akala mo kung sino pang bagets kung maka-asta?

ROGER

Oo naman, at ikaw ang aking Kris Aquino.

LEAH

Hindi ka ba nandidiri sa sinasabi mo? Saka iniinsulto mo ba ako?Mukha ba akong ganoon kadesperada? And for your information, break na sila. Diyos ko Rogelio! Ikaw nga eh tumigil tigil sa mga ganyang drama mo. Hindi na maganda. Baka kung ano ang isipin nang ibang tao.

ROGER

Eh di kung ayaw mong maging Kris Aquino, Marvin at Jolina na lang. Oh di kaya, Claudine at Rico.

LEAH

Ipipilit mo talaga? Kasal na si Jolina at Chef na din si Marvin. Hindi na din hati sa gitna ang buhok ni Marvin! Saka Diyos Mio naman, Rogelio, matagal nang na-agnas ang katawan ni Rico Yan sa libingan. Baka naman gusto mong patahimikin na ang kaluluwa niya.

ROGER

Eh di —

LEAH

Huwag na huwag mong sasabihing Jadine! Hello? Unang una, hindi ako panget! Pangalawa, wala kang abs! Pangatlo, gurang ka na.

ROGER

Ako lang ang gurang?

LEAH

Alangan namang isasama ko pa ang sarili ko. Walang matinong babae ang aaming tumatanda na siya. Saka, baby face kaya ako.

ROGER

Oo naman.

LEAH

Bakit labas sa ilong?

ROGER

Hindi kaya, malaki lang ang ilong ko.

LEAH

Iyong totoo?

ROGER

Peksman! Kaya nga mahal na mahal kita eh.

LEAH

Utot mo!

Biglang tatayo si LEAH at magsisimulang maglakad.

ROGER

Saan ka na naman pupunta? Iiwan mo na naman ba ako?

LEAH

Sige, magdrama ka pa. Iihi lang ako. Bakit?Gusto mong sumama?

ROGER

Pwede?

LEAH

Luko-luko! Kay tanda mo na eh—

ROGER

Walang matanda sa pagmamahal…

LEAH

Sige, ipilit mo pa. Diyan ka na nga muna. Puputok na ang pantog ko sayo eh.

ROGER

Mahal!

LEAH

Ano naman! Rogelio, sasabog na itong ihi ko!

ROGER

I love you.

LEAH

Neknek mo!

Lalabas ng entablado si LEAH. Papasok naman mula sa kabilang parte ng entablado si ELOISA.

ELOISA

Tay! Nandito ka lang pala. Dumating na ang mga magulang ni Ian.

ROGER

Sige, susunod na ako.

Muling kukunin ni ROGER ang gitara at saka magsisimula uling tumugtog. Lalapitan ni ELOISA si ROGER at saka tatabihan. Sasandal si ELOISA sa balikat ni ROGER kaya matitigil sa pagtugtog ang huli.

ELOISA

Bakit kayo tumigil?

ROGER

Wala naman akong kakantahan eh.

ELOISA

Ano namang akala niyo sa akin, bingi?

ROGER

Anak…

ELOISA

Sus! Sige na nga, huwag na!

ROGER

Nagtampo ka naman agad.

ELOISA

Hindi kaya. Ikaw nga yata ang nagtatampo sa akin eh.

Mapapabuntong-hininga si ROGER.

ROGER

Sigurado na ba kayo ni Ian sa desisyon ninyo, Eloisa?

ELOISA

Oo naman, itay. Hindi naman ako basta-basta magpapakasal kung hindi ko pinag-isipang maigi.

ROGER

Nag-aalala lang ako. Hindi ganun kadali ang matali sa isang tao habang buhay.

Matatawa si ELOISA.

ROGER

Tignan mo tong batang to. Kita na nga niyang seryoso ako, pagtatawanan pa niya ako.

ELOISA

Eh sino ba naman kasi ang hindi matatawa, eh ganyan na ganyan din ang tono sa akin ni Ian noong huling mag-usap kami. Nag-aalala daw siya para sa iyo.

ROGER

Bakit naman daw?

ELOISA

Kasi nga, masyado ka daw mabait. Kahit daw siguro ayaw mong pumayag na magpakasal kami, papayag ka din.

ROGER

Bakit ko naman sana kayo pipigilan? Kung saan ka masaya eh di suportahan ta ka!

ELOISA

Iyan mismo ang sinabi niyang sasabihin mo. Sigurado ka bang hindi mo anak sa kung kanino man si Ian, tay? Parehong-pareho kayo eh.

ROGER

Malay mo.

ELOISA

Tay!

ROGER

Biro lang! Ito naman.

Mapapangiti si ELOISA.

ROGER

Ano namang inginingiti-ngiti mo diyan?

ELOISA

Tama nga si Nanay.

ROGER

Tungkol saan?

ELOISA

Na kung mag-aasawa ako, siguradong iyong katulad ninyo ang hahanapin ko.

ROGER

Aba’y dapat lang!

ELOISA

Sa tingin niya tay, papayag kaya si nanay?

ROGER

Sigurado ako.

ELOISA

Paano niyo naman nasiguro?

ROGER

Kilala ko ang nanay mo. Baka nga hindi pa kayo nakakapasok ng simbahan eh hingan na kayo noon ng apo.

ELOISA

At siyempre, wala kang magagawa dahil sa bahay, siya ang alas.

ROGER

Sinabi mo pa…

Muling magsisimulang tumugtog si ROGER.

Papasok si LEAH na nag-aayos pa nang pantalon. Magpi-freeze sina ELOISA at ROGER. Matitigil sa paglapit si LEAH. Papasok si REY.

REY

Boom… Leah…

Lalapitan ni LEAH sina ROGER at ELOISA. Hahaplusin niya ang mukha ni ELOISA saka isusunod ang mukha ni ROGER.

LEAH

Mahal na mahal ko kayo…

Igigiya papalabas ng entablado ni REY si LEAH. Susunod na lalabas sina ROGER at ELOISA.

Papasok si ATASHA, may hawak na malaking larawan ni REY. Iikot lang siya sa entablado na tila may kinakausap.

ATASHA

Baka naman nakita ninyo ang tatay ko? Rey Atanacio ang pangalan niya.

Ilang taon ko na siyang hindi nakikita. Baka naman may kakilala kayong nakakaalam kung nasaan siya?

Parang awa na ninyo, tulungan naman ninyo ako.

Papasok si REY pero agad ding titigil sa gilid ng entablado pagkakita kay ATASHA. Hindi siya Makikita ni ATASHA. Mapapaluhod si ATASHA, yakap pa din ang larawan.

ATASHA

Utang na loob! Tulungan naman ninyo ako.

Papasok si MANUEL at lalapitan si ATASHA.

MANUEL

Atasha…

ATASHA

Ilang taon ba ang kailangan kong bilangin?

MANUEL

Tama na, Atasha…

Tutulungang tumayo ni MANUEL si ATASHA at saka igigiya palabas ng entablado. Akmang susundan ni REY ang dalawa pero aalis din ng entablado.

Maririnig ang boses nina KATHREEN at ALBER na nag-uusap. Papasok sila sa entablado. Nakasunod lang sa kanila si ANDREW at VICTOR. May hawak na bulaklak si ANDREW.

ALBER

Sige na mare, ngayon lang naman eh. Sagot ko na ang sine. Pero ikaw sa foods. Gusto ko lang talagang mapanood iyong If I Stay.

KATHREEN

Eh di ako pa ang nalugi. Ang lakas mo kayang lumamon. Saka wala ako sa mood.

Lalapitan ni ANDREW sina ALBER at KATHREEN. Iaabot niya kay KATHREEN ang bulaklak pero titignan lang ito ni KATHREEN. Hindi lalapit si Victor.

ANDREW

For you…

KATHREEN

Hindi ako puntod para bigyan ng bulaklak.

Aabutin ni ALBER ang bulaklak.

ALBER

Let me translate that. Thank you for the flowers. It’s as beautiful as I am. Saka in fairness, ang pogi mo ngayon.Anong sabon mo?Perla?

Mapapakamot lang ng ulo si Andrew. Magkakatinginan silang tatlo, walang umiimik.

ALBER

Spell awkward.

KATHREEN

A-W-K-W-A-R-D.

ALBER

(Kay KATHREEN)

Sige, mare. Push mo iyan. Ikaw i-push ko pababa ng hagdan eh.

(Kay ANDREW)

Andrew, gusto mong manood ng sine? Treat mo kami. Pwede ding ako ang mag-treat basta kasama ka. Sundan na din natin ng dinner, tapos coffee after para sosyal. Hindi mo na kailangang magluto pag-uwi mo. Matutulog ka na lang.

ANDREW

Pwede, pero baka naman nakaka-istorbo ako.

KATHREEN

Na-sense mo?

ALBER

(Kay KATHREEN)

Isungalngal ko sa iyo itong bulaklak eh.

(Kay ANDREW)

Joke lang iyon Andrew. Pagpasensiyahan mo na si Kathreen. Five years na kasing permanent ang regla niyan. Feeling ko nga, sobrang yaman na ng mga kumpanya ng napkin at diapers dahil sa kanya eh.

ANDREW

Pasensiya na sa istorbo, Kathreen. Sige, mauna na ako.

ALBER

Aba huwag! Bata ka pa! You’re too young to die. Sayang naman ang lahi mo kung mamatay ka na agad.

KATHREEN

Ikaw, gurang na. Pwede na ba kitang itulak sa harapan ng rumaragasang bus?

Biglang magtatago si ALBER sa likod ni ANDREW.

ALBER

Dali! Sabihin mo, “I volunteer!” Wah ko pa bet ang ma-shigbak! Virgin pa ako.

Sabay na mapapatingin sina ANDREW at KATHREEN kay ALBER.

KATHREEN at ANDREW

Obvious.

ALBER

Ehhhh… Wala namang ganyanan. Namemersonal kayo eh.

Naiiling na aalis si ANDREW. Maiiwan sina ALBER at KATHREEN. Nakatingin pa din lang mula sa malayo si VICTOR. Susundan ni VICTOR palabas ng entablado si ANDREW.

ALBER

Grabe ka naman! Hindi mo man lang kinausap nang maayos iyong tao.

KATHREEN

Kesa naman sa paasahin ko siya sa wala di ba? Saka, ano ba ang hindi maayos sa pakikipag-usap ko sa kanya. Pasalamat nga siya at iniimik ko pa siya eh. Ang kulit-kulit! Mabuti na iyong dinederetso ko siya para alam niya kung saan siya lulugar.

ALBER

Haba ng hair! Ganda mo lang, mare ha. Lulugar talaga? Lakas din nang bilib mo sa sarili mo minsan mare eh.

KATHREEN

Kung gusto mo eh di sa iyo na lang siya.

ALBER

Pag-aari mo at ipinapahingi mo? Saka, ano naman ang akala mo sa akin? Aso? Tigakain nang nakagatan na ng iba?

KATHREEN

Gusto mo talagang sagutin ko iyan.

Kakahol bigla si ALBER.

ALBER

Este huwag na, baka kumahol pa ako ng wala sa oras.

KATHREEN

So hindi pa kahol iyong ginawa mo? May anti-rabies shot ka na ba?

ALBER

Tse! Sagpalin kita diyan eh.Pero mare, ha. Ang gwapo kaya ni Andrew. Hello?! Ikaw na lang ata ang hindi nakakakita noon eh. Kalahati nga yata nang mga babae sa newsroom eh balak ka nang ipakulam dahil sa dinami-dami natin doon, ikaw pa ang nagustuhan niya.

KATHREEN

Kalahati lang? Bakit parang lahat nang may palda at gustong magpalda sa newsroom ang sama ng tingin sa akin?

ALBER

Iyong kalahati, naipakulam ka na. Hindi pa kasali iyong mga kapederasyon na matagal ka nang nilalason. Kaso, mukhang hindi effective. Saan ba gawa iyang tiyan mo mare, stainless steel? Buhay ka pa din eh.

KATHREEN

Talagang ako ang target?Ano naman ang kasalanan ko kung nabighani siya sa kagandahan ko? Siya na lang ang gayumahin nila kung gusto nila?

ALBER

Na-try na rin iyan. Hindi effective! I would know. Saka wait lang, maganda? Asan ang maganda sa iyo mare? At kung meron man, natabunan na ng sama ng ugali mo. Minsan nga, gusto na din kitang sakalin eh o di kaya eh tadyakan, depende sa mood.

KATHREEN

At umaamin ka talaga?

ALBER

Of course! Honesty is the best policy.

KATHREEN

Magpa-TRO kaya ako.

ALBER

OA! TRO agad? Ano akala mo sa akin? Mamatay tao?

KATHREEN

May ebidensiya ako. Umamin ka na kaya.

ALBER

Hindi naka-record. At kahitna naka-record iyan, hinding hindi ako aamin. Kapag umabot sa korte, sasabihin kong gawa-gawa mo lang iyan dahil insecure ka sa akin tapos kakasuhan kita ng paninirang puri.

KATHREEN

Ako pa talaga kakasuhan mo.

ALBER

Bakit? Iyan kaya ang uso ngayon. Hello? Bong Revilla? Jinggoy Estrada? Enrile? Kaso sa kaso na ngayon ang laban. Padamihan na lang iyan ng fans.

KATHREEN

Heh!Ano ka, artista?

ALBER

Ay, hindi mo ba alam? Puputulin na ang James-Nadine love team to give way to give way sa JALBER love team.

Sasampalin ni KATHREEN si ALBER.

ALBER

Aray ko naman! Bakit ka ba nananampal.

KATHREEN

May lamok.Baka ma-dengue ka.

Muling sasampalin ni KATHREEN si ALBER.

ALBER

Huwag mong sabihing may lamok ulit dahil hindi na kapanipaniwala.

KATHREEN

Ginigising lang kita. Mukha kasing nananaginip ka nang gising eh.

ALBER

At sa lagay na iyan, nagtataka ka pa kung bakit ang daming gustong lumason sa iyo. Anyway, balik kay Andrew. Hindi mo ba talaga siya bet?

KATHREEN

Bet. Ano yun, karera lang ng kabayo at bet talaga ang term?

ALBER

Hindi.Sabong ng manok. Alam mo na… Hoy, Kathreen, umayso ka nga ng sagot. Seryoso ako.

KATHREEN

Ayusin mo din kaya iyang pagtatanong mo. Saka wala akong gusto sa kanya. Hindi ba pa obvious? Sige, next time na lalapit siya, pasasagasaan ko siya para kitang-kita.Ilang buto ba ang kailangang mabali para maniwala ang lahat?

ALBER

Morbid ka din eh. Eh di lalo kang hinunting ng fan girls niya. Kausapin mo na kasi ng maayos para alam din niyang wala siyang mapapala sa iyo. Iyong malinaw.

KATHREEN

Hindi kita gusto, hindi kita magugustuhan, so out of my way please. Alin ang hindi malinaw sa sinabi ko sa kanya.

ALBER

Sinabi mo sa kanya iyan?

KATHREEN

Every single word.

ALBER

At memorized mo talaga.

KATHREEN

Paulit-ulit mo ba namang sabihin kung hindi mo din ma-memorize. Ewan ko ba sa lalaking iyon. Mukha namang matalino pero hindi makaintindi.

ALBER

Hard! Hindi ka man lang ba naawa ng konti?

KATHREEN

At bakit sana?

ALBER

Nagmumukha na kaya siyang tanga ng dahil sa iyo.

KATHREEN

Choice niya iyon. Hindi ko siya pinilit.

ALBER

At ikaw, anong choice mo?

KATHREEN

Lady’s Choice. Pwede ding Dairy Cream.

ALBER

Nagpapatawa ka na sa lagay na iyan?

KATHREEN

Oo, bakit?Bawal?

ALBER

Hindi bagay sa iyo.

KATHREEN

Eh di hindi. Magtatanong-tanong ka tapos hindi ka naniniwala.

ALBER

Hello naman mare. Sino naman ang maniniwala o magseseryoso sa sinasabi mo. Ano ba kasing nangyayari sa iyo. Hindi ka naman dating ganyan ah. Dati-rati, kulang na lang eh tumakbo kang Miss Friendship sa buong newsroom. Ngayon, kahit ipis umiiwas na sa iyo sa sobrang sama nang ugali mo. Take note, ipis na iyon.

KATHREEN

OA ka din eh.

ALBER

Ako pa talaga ang OA?

Papasok si VICTOR at akmang lalapitan sina ALBER at KATHREEN pero hindi niya itutuloy.

ALBER

Si Victor pa din ba?

Mapapatingin sa direksiyon ni VICTOR si KATHREEN.

KATHREEN

Pwede bang huwag na lang nating pag-usapan.

ALBER

Limang taon na ang nakakalipas, mare. Baka naman —

KATHREEN

Limang taon pa lang ang lumilipas, Alber.

ALBER

Anong balak mo?

KATHREEN

Maghihintay…

ALBER

Hanggang kailan?

KATHREEN

Hanggat kaya ko pa.

Sasampalin ni ALBER si KATHREEN. Mapapatungo lang si KATHREEN.

ALBER

Mare, umilag ka naman…

Yayakapin ni ALBER si KATHREEN at mabibitawan niya ang bulaklak. Hihikbi lang si KATHREEN.

Lalapitan ni VICTOR ang dalawa. Pupulutin niya ang bulaklak at lalabas ng entablado. Susunod na lalabas ng entablado sina ALBER at KATHREEN.

Papasok si DARLENE, karga-karga ang anak sa isang kamay. Nakasunod naman sa kanya ang apat na kapatid. Sa isang kamay ay may hawak siyang isang supot ng bigas. Iaabot niya ang bigas kapatid na si ONYOK at saka uupo, kalong pa rin ang anak.

DARLENE

Magsaing ka na. Mamaya lang ay darating na si Inang. Siguradong pagod na naman iyon galing sa Maynila.

ONYOK

Sa tingin mo ate, may dala kaya siyang donut?

DARLENE

Ano naman sana ang ibibili niya ng donut? At kung meron man, ibibili na lang natin iyon ng bigas. Ayaw na tayong pautangin sa tindahan.

ONYOK

Ang tagal ko na kasing hindi nakakatikim ng donut, ate. Dati-rati, nag-uuwi si Nanay nang donut kapag lumuwas siya ng Maynila.

DARLENE

Dati iyon, Onyok.Magkaiba si Inang at si Nanay.

ONYOK

Sa tingin mo ate, nasaan na si Nanay ngayon?

DARLENE

Hindi ko alam. Wala na din akong pakialam.

ONYOK

Ate naman…

DARLENE

Uunahin ko pa ba siyang isipin? Wala na siya. Iyan ang isiksik mo sa isip mo. Hindi na siya babalik. Wala tayong mapapala kung iisipin pa natin siya. Bakit? Mapapakain ba tayo nang pag-iisip sa kanya? Naibaon na tayo sa limot ng lahat ng tao. Ibaon na din natin siya sa limot.

Papasok si INANG, may dalang bag na Malaki at ilang supot ng groceries.

INANG

Ano na naman ba ang pinag-aawayan niyong magkaptid, Darlene?

Susugod ng yakap sina ONYOK at ilan pang mga kapatid niya kay INANG. Titignan lang sila ni DARLENE na patuloy ang paglalaro sa anak.

ONYOK

Inang, may dala po ba kayong donut?

INANG

Pasensiya na apo, hindi pa kasi nila naibigay iyong para sa atin ngayong buwan. Pamasahe ko lang pabalik ang naibigay nila.

DARLENE

Ano pa nga ba ang bago diyan?

INANG

Darlene!

Tatahimik si DARLENE pero makikitang nagdadabog. Lalabas sina ONYOK at ang iba pa nilang kapatid, bitbit lahat ng mga dala ni INANG, maging ang supot ng bigas na dala ni DARLENE kanina.

INANG

Hindi ka man lang ba magtatanong kung ano ang nangyari?

DARLENE

Hindi na ako interesado, Inang.

INANG

Apo…

DARLENE

Idinaan ko sa center si Onyok kanina. Kailangan daw niya nang inhaler para sa asthma niya.

INANG

Bumili ka na sana…

DARLENE

Inang, hindi sila tumatanggap ng panty sa parmasiya. Saka kahit tumatanggap sila, sino ba naman ang tatanggap sa panty ko eh tastas na lahat ng gilid?

INANG

Darlene! Bunganga mo.

Matatahimik si DARLENE. Ipagpapatuloy niya ang paglalaro sa anak.

INANG

Nakausap mo na ba si Mrs. Soliven?

DARLENE

Wala daw po silang bakante sa ngayon.

INANG

Bumalik ka na lang sa susunod na buwan, baka sakali.

DARLENE

Limang taon na silang walang bakante, Inang. Sa tingin mo, may mababago sa loob ng isang buwan?

INANG

Malay mo naman…

DARLENE

Huwag na nating lokohin ang sarili natin, Inang. Mauuna pang pumuti ang uwak kesa sa magkaroon ng bakante sa kahit na anong tindahan dito. Kung bakit kasi hindi pa ninyo tanggapin yong alok —

INANG

Darlene!

DARLENE

Sinasabi kolang. Malaking pera din iyong alok nila, Inang. Pwede na tayong umalis dito at maghanap ng bagong buhay sa ibang lugar. Iyang si Onyok, hindi na niya kailangang magkumahog gabi-gabi sa takot sa tuwing isasara na niya iyong gate ng bahay. Makakapag-aral na din ang mga bata. Pati ako, pwede na akong bumalik sa pag-aaral.

INANG

Hindi ka man lang ba kinikilabutan sa sinasabi mo, ha? Hindi mo man lang ba naisip ang nanay mo?

DARLENE

Siya pa ba ang iisipin ko, Inang? Anim na bunganga ang kailangan nating pakainin sa araw-araw. Mabuti siya at hindi na niya kailangang mag-isip. May mga anak at kapatid akong kailangang isipin, Inang. Siguro naman maiintindihan niya kung hindi ko na siya isipin pa. Ang akin lang, kailangan nating maging praktikal. Malaking halaga ang dalawampu’t limang milyon.

INANG

Masisikmura mong tanggapin —

DARLENE

Kailangan kong sikmurain. Kailangan kong tanggapin dahil kung hindi, hindi magtatagal, pati tayo mababaon na din sa hukay. Hirap na hirap na ako, Inang. At alam ko, lalung-lalo na kayo. Hindi naman na siguro tayo masisisi nang tao kung pumayag na tayo.

Papasok ang isa sa mga kapatid ni DARLENE, humahangos.

KAPATID

Inang! Ate! SI Kuya Onyok, hindi makahinga.

Tatakbo palabas si DARLENE. Nag-aalalang, lalapitan ni INANG ang anak ni DARLENE na naiwan.

Papasok si DARLENE, buhat-buhat si ONYOK. Agad siyang uupo at hahayaang mahiga si ONYOK sa kanyang hita.

INANG

Okay lang ba ang kapatid mo?

DARLENE

Natakot daw nang may marinig na kumalabog sa labas. Pero okay na. Napainom ko na ng gamot. Hayaan lang muna nating mahiga at siguradong napagod iyan.

Mula sa pagkakahiga ay nanghihinang kukunin ni ONYOK ang kamay ni DARLENE at ilalagay sa dibdib. Nakapikit pa rin ito.

ONYOK

Nay…

DARLENE

Onyok… Ang Ate Darlene mo ito… Kamusta ang pakiramdam mo?

ONYOK

Nay… Huwag ka nang aalis ha…

Mapapatingin si DARLENE kay INANG.

DARLENE

Sige, anak. Matulog ka na muna para paggising mo, malakas ka na ulit.

INANG

Darlene…

Magpi-freeze sina NICOLE at ang iba pa sa entablado.

Papasok si GINA, may hawak na supot ng donut sa isang kamay. May nakasukbit na Press ID sa kanyang leeg. Nakasunod sa kanya si REY sa hindi kalayuan. Akmang lalapitan ni GINA sina DARLENE pero pipigilan siya ni REY.

 

GINA

Nay… Mga anak…

REY

Boom… Gina…

Mauunang maglalakad si REY papalabas ng entablado. Maiiwang nakatingin lang sa mga anak at sa nanay si GINA. Maya-maya ay ibababa niya ang donut at saka susundan papalabas si REY.

Lalabas ng entablado sina DARLENE at ang iba pa.

Maririnig ang pag-aaway nina MANUEL at ATASHA. Agad na aatras si REY. Naguguluhang susunod lang si VICTOR.

Papasok sa entablado sina MANUEL at ATASHA, halatang nagtatalo.

ATASHA

Hindi mo kasi naiintindihan! Palibhasa hindi ikaw ang iniwan!

MANUEL

Hindi maintindihan? Atasha, ilang taon ko nang iniintindi ang lahat. Eh daig ko pa ang asong sunod nang sunod sa iyo eh. Kulang na lang eh bitawan ko lahat ng bagay na meron ako para masamahan ka lang. Hindi pa ba sapat iyon?

ATASHA

Huwag mong isumbat sa akin iyan dahil hindi ko hiningi!

MANUEL

Hindi kita sinusumbatan! Atasha, naririnig mo pa ba ang sarili mo?

ATASHA

Anong ba ang gusto mong gawin ko? Kalimutan na lang ang lahat? Hindi iyon ganoon kadali!

Tatahimik lang si MANUEL at pupunta sa isang sulok. Nakasunod lang ng tingin sa kanya si ATASHA.

MANUEL

Hanggang kailan mo ba susundan ang isang patay, Atasha? Hanggang sa wala nang matira sa iyo?

ATASHA

Hindi patay ang tatay ko!

Matatawa nang bahaw si Manuel.

MANUEL

Sana nga ay tama ka. Sana nga ay hindi pa siya patay.

ATASHA

Manuel…

MANUEL

Kasi ako, sa loob nang limang taon, unti-unti mong pinapatay.

Aalis si MANUEL sa entablado kasabay nang pagpasok ni REY.  Hindi lalapitan ni REY si ATASHA.

Ilalabas ni ATASHA ang Press ID ni REY at saka titingin sa direksiyon ni REY.

ATASHA

Tay…

Agad na tatalikod si REY at lalabas ng entablado. Titignan lang siya ni ATASHA.

Lalabas si ATASHA ng entablado, patungo sa direksiyon na nilabasan ni MANUEL pero patingin-tingin siya sa nilabasan ni REY.

Pasuray-suray na papasok si CHRISTIAN, halatang lasing. Nakasunod sa kanya sina JOAN at ROMEO.

JOAN

Christian! Anong oras na? Bakit ngayon ka lang dumating? Saka, lasing ka ba?

CHRISTIAN

Obvious ba?

ROMEO

Huwag kang bastos!

JOAN

Saan ka ba nanggaling?

CHRISTIAN

Malamang sa labas. Kapapasok ko nga lang di ba? Gusto mo papasok, ay mali. Gusto niyo lumabas uli ako tapos saka ulit papasok para flashback?Tapos tatanungin niyo uli ako at sasagot ulit ako.

ROMEO

Christian! Kailan ka pa natutong sumagot ng ganyan? Huwag mong bastusin ang mama mo!

JOAN

Utang na loob naman anak! Hindi mo man lang ba naiisip na kanina pa ako nag-aalala? Halos atakihin na ako sa nerbiyos ah! Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo.

CHRISTIAN

Oh di huwag kayong mag-alala, tapos!

ROMEO

Christian!

CHRISTIAN

Ano?

JOAN

Anak naman…

CHRISTIAN

Bakit?Wala ba akong karapatang mag-saya paminsan-minsan? Wala ba akong karapatang lumabas kasama ang mga kaibigan ko, ay mali, kakilala lang pala. Kahit kailan naman eh hindi tayo nagtatagal sa isang lugar para magkaroon ako ng kaibigan di ba? Kailan ba tayo aalis para makapag-empake na ako.

Mag-iiwas ng tingin si JOAN.

JOAN

Tumawag ang school director ninyo.Anak naman, kailangan mo ba talagang makipag-basag ulo maya’t maya?

CHRISTIAN

Wala akong pakialam.

JOAN

Christian! Bigyan mo naman kami nang kahihiyan ng papa mo!

CHRISTIAN

Bigyan ng kahihiyan? O ayan, binibigyan ko kayo ng ikahihya. Wish granted.

ROMEO

Huwag kang pilosopo!

JOAN

Anak naman…

CHRISTIAN

Saka ano bang issue? Aalis din naman tayo di ba? Kailan ba?Bukas? Next week? Next month? Wala din naman silang magagawa dahil panigurado, hindi pa man natatapos ang taong ito, lilipat na naman tayo.

ROMEO

Hindi iyon ang punto.

CHRISTIAN

Ano bang gusto niyong gawin ko? Magkulong kagaya ninyo?Magtago? Magpanggap na okay lang ang lahat kahit hindi. Hindi ako ipokrito, ma. Tapos, kapag nandiyan na naman iyong mga reporter, magpapanggap na kaya ko pa? Sawang-sawa na ako, ma.

JOAN

Anak, para din naman sa atin—

CHRISTIAN

Bullshit!

ROMEO

Christian!

CHRISTIAN

Hindi ka ba nagsasawa?

Matatahimik si JOAN.

CHRISTIAN

Dumating na iyong resulta ng college application ko kahapon.

JOAN

Anak…

CHRISTIAN

Akalain niyo, pumasa ako ng UP! UP! May utak pala ako.

JOAN

Bakit hindi mo sinabi agad?

CHRISTIAN

Paano ko sasabihin eh wala naman kayo dito. Saka ano bang silbi nang pagpasa ko eh hindi din naman ako pwedeng pumunta di ba?

JOAN

Intindihin mo naman anak.

CHRISTIAN

Sawang-sawa na ako sa pag-intindi ma.

JOAN

Kailangan nating gawin ito anak. Ayokong pati ikaw eh mawala pa sa akin…

CHRISTIAN

Hindi pa ba?

JOAN

Anak! Para din naman sa iyo ang lahat ng ito eh.Sa tingin mo ba, magtitiis akong pumunta sa mga meeting para sa tatay mo kung hindi din para sa iyo?

CHRISTIAN

Para sa akin? Kailan pa?

JOAN

Christian naman —

CHRISTIAN

Kailan pa naging para sa akin ang paghahabol mo sa isang bagay na matagal nang nakabaon sa hukay?Ikaw itong habol ng habol pero tayo naman ang tago nang tago. Buong high school, wala na tayong ginawa kundi ang mag-empake, maglabas ng gamit saka maghintay kung kailan mag-eempake ulit. Hindi ko nga alam kung bakit pinapatanggal mo pa sa bag iyong mga damit natin eh.

JOAN

Alam mo namang delikado anak. Hindi tayo pwedeng magtagal sa iisang lugar. Alam mo naman ang sitwasyon natin.

CHRISTIAN

Iyon na nga ang mahirap eh. Alam ko iyong sitwasyon kaya dapat hindi ako magreklamo, dapat, sumunod lang ako. Iyon ang gusto niyo di ba? Pero hindi iyon ganoon kadaling gawin. Hindi porke’t alam ko ang sitwasyon, ganoon na din siya kadaling intindihin. Gusto ko namang maranasang magkaroon nang normal na buhay, ma!

JOAN

Alam mo namang hindi possible iyan sa ngayon anak…

CHRISTIAN

Sa ngayon? Bakit?Magiging possible ba siya kahit kailan? Huwag na tayong maglokohan ma. Buong buhay natin, wala tayong ibang gagawin kundi ang magtago.

ROMEO

Anak…

Haharapin ni CHRISTIAN si ROMEO.

CHRISTIAN

At ikaw? Hanggang kailan mo ba kami susundan, ha?! Saang sulok ba nang impiyernong ito kami pwedeng mabuhay nang wala ka?

JOAN

Anak—

CHRISTIAN

Ikaw lang ang pinatay pero kami ang parang inililibing nila ng buhay!

ROMEO

Anak —

CHRISTIAN

Kasalanan mo lahat nang ito eh. Kasalanan mo!

JOAN

Christian!

CHRISTIAN

Ano?!Tama naman ako di ba? Kasalanan niya kung bakit nagkanda-letse letse ang buhay natin! Kasalanan niya kung bakit daig pa natin ang criminal na tago nang tago. Kasalanan niya kung bakit kahit anong oras eh pwedeng tumimbuwang na lang tayo. Kasalanan niya!

ROMEO

Anak—

CHRISTIAN

Kasalanan mo! Sige! Itanggi mo? Ipagtanggol mo ang sarili mo!

JOAN

Christian, tama na…

CHRISTIAN

Magsalita ka!

JOAN

Anak —

CHRISTIAN

Bakit hindi siya lumaban? Bakit hinayaan niyang maging ganito tayo.

JOAN

Biktima ang papa mo, anak…

CHRISTIAN

Biktima din tayo, ma. Biktima din tayo…

Mapapahawak sa dibdib si ROMEO. Magsisimulang dumaloy ang dugo mula doon.

Sabay sabay na lalabas ang iba pang artista maliban kina ATASHA at MANUEL.

DARLENE

Pagod na akong lumaban, Inang. Gusto ko nang bigyan nang katahimikan ang pamilya natin.

INANG

At ang nanay mo, kakalimutan mo na din lang ba?

DARLENE

Ano bang gusto niyong gawin ko, Inang? Unahin siya kesa sa mga iniwan niya? Patay na si Nanay, Inang.

Papasok si GINA, duguan.Lalapitan niya si ROMEO. Sabay silang pupunta sa gitna nang entablado.

GINA

Isa…

CLARA

Wala pa ring nangyayari sa kaso ng ate mo.

NICOLE

Ma…

CLARA

Hindi ko kakayanin kung isang araw, makakatanggap uli ako nang tawag at sasabihin sa akin na ikaw naman —

NICOLE

Hindi iyon mangyayari ma…

CLARA

Paano ka nakakasiguro?

Papasok si CYNTHIA, duguan at lalapit kina CLARA bago lalapit kina GINA at ROMEO.

ROMEO

Dalawa…

ELOISA

Ano pala ang sabi noong mga abogado, tay? May balita na ba?

ROGER

Wala pa rin. Patay na siguro ako, ni hindi pa natin alam kung anong mangyayari sa mga hayop na pumatay sa mama mo.

ELOISA

Tay…

ROGER

Nakalimutan na ng mga tao ang nangyari anak. Natabunan na nang kung ano-ano.

Lalabas si LEAH, kasama si VICTOR.

LEAH at VICTOR

Tatlo…

KATHREEN

Iilan na lang kaming nakakaalala, Alber.

ALBER

Hindi naman sa ganoon mare.

KATHREEN

Hindi ako bulag. Kaya kailangan kong maging matatag. Kailangan kong maging matigas.

JOAN

Dahil kung hindi ko itutuloy ang laban, anak, sino pa ang maghahanap ng hustisya para sa papa mo? Sino pa ang magtatanggol at magproprotekta sa kanila?

CHRISTIAN

Eh sa atin ma, sino ang magtatanggol at magproprotekta? Wala naman di ba? Wala…

Papasok si REY kasabay ang iba pang biktima. Lahat ay duguan maliban sa kanya. Mapapatingin siya sa paligid at saka pupuntahan sina CYNTHIA sa gitna ng entablado.

REY

Limapu’t pito.

LAHAT

Isa, dalawa, tatlo, isa, dalawa, tatlo, isa, dalawa, tatlo

Maririnig ang boses ni ATASHA.

ATASHA

Limampu’t walo.

Mapapatingin ang lahat sa pinanggalingan ng boses. Papasok si ATASHA, naka-wedding gown. Hawak niya sa isang kamay ang Press ID ni REY. Nakasunod lang sa kanya si MANUEL. Lalapitan niya si REY.

REY

Anak…

ATASHA

Tay…

Kukunin ni Atasha ang kamay ni REY at ilalagay doon ang Press ID.

ATASHA

Limampu’t walo.

Mapapaluhod si ATASHA at yayakap sa binti ni REY. Mapapahawak sa dibdib si REY. Magsisimulang dumaloy ang dugo doon.

ATASHA

Limampu’t walo.

LAHAT

Isa, dalawa, tatlo, limampu’t walo.

Kami ba ay naaalala pa ninyo?

Mulasa bulsa ay ilalabas muli ni REY ang itim na tela at muling ipipiring iyon sa mata. Ganoon din ang gagawin nang lahat ng biktima.

LAHAT NG BIKTIMA

Tagutaguan maliwanag ang buwan.

Masarap maglaro sa dilimdiliman…

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s