LIPISTIK: DULANG MAY ISANG YUGTO

———————————————————————————————————————————–

This script is a personal property of JAYSON ARVENE TABANGIN MONDRAGON. Please contact the author for permission to use this script. There is NO FEE for its usage but please do inform the author before using it as a matter of respect. Thank you and happy reading.

———————————————————————————————————————————–

Nakatayo si Sen sa gitna ng entablado, nakasuot ng pang-aerobics na kulay yellow. Lalabas si Jaja na ganoon din ang suot.

SEN: Hindi ba masagwa ang suot natin, anak? Kita na yata maging ang kaluluwa ko.

JAJA: Madir, keme lang iyan. Ganyan talaga ang attire. Sabi nga nila, if you have it, flaunt it!

SEN: Kahit bilbil? Anak naman! Eh daig pa natin ang sako ng bigas na naglalakad eh. Nakakahiya.

JAJA: Mudra, be proud! Pinaghirapan mo iyan. At least iisipin ng mga tao na mayaman tayo at madami tayong pambili ng pagkain. Chill ka lang.

SEN: Mayaman agad? Hindi pwedeng matakaw lang muna?

JAJA: Ganun na din iyon. Saka mas maganda nang makita nila tayo na ganito para kapag sumeksi na tayo, pak! Pwede na tayong luminya ng, “Isn’t it amazing? Isn’t it?”

SEN: Puro ka naman biro anak eh. Tignan mo nga itsura natin? Ano na lang ang iisipin ng mga tao?

JAJA: Na hindi totoong may rice shortage! Joke lang. Hindi ka naman mabiro mudra eh. Wala silang paks. Eh ano ngayon kung mas madami pa sa bundok ng Sierra Madre ang curves natin? Mudra, kapag nagtaggutom, tayo, mamamayat pa lang, yung iba, shigbak na.

SEN: Anak hindi nakakatawa. Baka tayo pa ang pagtawanan nito eh. Huwag na lang kaya tayong tumuloy?

JAJA: Mudra naman! Ngayon ka pa ba magba-backout? Bayad na yung gym. Aba, tatlong libo din iyon.

SEN: Yung perang iyon kikitain pa natin. Yung kahihiyang aabutin natin, habang buhay na nating dadalhin. Saka ang tanda ko na para sa mga ganitong bagay anak. Kung gusto mo talaga eh di ikaw na lang.

JAJA: Ang damot mo. Sarili mo lang ang iniisip mo.

SEN: Ang bilis naman atang magbago ng kwentong ito. Kanina comedy lang ngayon heavy drama na. Ano ba talaga?

JAJA: Mudra, huwag mo nang i-try. Hindi nakakatawa.

SEN: Ano ba naman kasi ang nakain mo at bigla mong naisip ito? Wala man lang pasabi. Kung sinabi mo sana nang mas maaga eh di nakapag-isip man lang ako hindi iyong urauradang bihis lang tapos tara na agad. Ang jeep nga bumubusina muna bago mambangga.

JAJA: Mudra, kapag hindi kita binigla, sigurado akong hindi magtatagal eh baka kahit pison o bus, iiwas na sa atin. Takot lang nilang banggain tayo.

SEN: Eh di maganda! Aba, sino ba naman ang gustong mabangga?

JAJA: Naka-drugs ka ba, mudra? Nilait na kita, natuwa ka pa? Ang ibg kong sabihin, walang driver na nasa matinong pag-iisip ang babangga sa atin. Ngayon pa lang, braso pa lang natin may sarili nang zip code, paano pa kapag nagtagal pa? Ngayon pa lang mukha na tayong naglalakad na center island!

SEN: Grabe ka naman anak! No man is an island!

JAJA: Oo naman, pero tayo, mukhang island.

SEN: Hindi naman anak. Chubby lang tayo. Saka di ba, sabi nga nila, chubby is the new sexy!

JAJA: Mudra, ang chubby mas konting taba. Eh tayong dalawa, kahit siguro sa lechon festival over-qualified na. Paano pa kapag hindi natin itutuloy ang pagpunta sa gym?

SEN: Papayat din tayo anak. Sabi nga nila, diet lang iyan.

JAJA: Let’s see. Kahapon, isang bandehadong kanin, anim na jumbo hotdog, dalawang daing na bangus, tatlong itlog, dalawang pandesal with egg, yung malaki, at saka yung natirang adobo noong nakaraang gabi. Tapos yung mansanas na panghimagas.

SEN: Anak, an apple a day keeps the doctor away.

JAJA: Tigtatlong mansanas? Ano yun? Good for three days? Saka agahan pa lang iyon mudra. Hindi pa kasali ang meryenda, tanghalian, meryenda, hapunan, after dinner snack at midnight snack. Eh sa atin pa lang yayaman na ang buong palengke eh.

SEN: Sobra ka naman anak. Talipapa lang.

JAJA: Kaya nga. Yung sari-sari store ni Mang Tonyo diyan sa tapat, Tony’s Grocery na.

SEN: Masipag lang talaga si Mang Tonyo, anak.

JAJA: Oo naman! Hindi pa nga tayo nagpupunta eh nakakarton na ang kalahati ng kanyang paninda para sa ating dalawa. Ganoon siya kasipag.

SEN: Okay na akong ganito anak.

JAJA: Sure ka na ba diyan?

SEN: Anak, matanda na ako.

JAJA: Forty-two ka pa lang, mudra. Kung makapagsabi ka ng matanda, akala mo naman makaka-twenty percent discount ka na.

SEN: Ganun na rin iyon.

JAJA: Okay. So okay ka na talaga sa lagay mo?

SEN: Oo naman anak. Masaya ako sa kung meron ako. Hindi ko naman pinangarap na maging kasing sexy ni Angel Locsin.

JAJA: Pero pinapangarap mong balikan ka ni pudra. Kaya halos araw-araw kang nagkukulong sa banyo at minumura ang lahat ng cellulite mo sa katawan.

SEN: Anak…

JAJA: Sige mudra, try mong i-deny. May video ako ng pagdradrama mo sa banyo.

SEN: Anak, may pagkababoy ka din kung minsan. Hubad ako tapos kukunan mo ng video?

JAJA: Ebidensiya ang tawag doon. Nanay kita eh at alam kong lulusot ka hanggat kaya.

SEN: Eh ano namang masama kung gusto kong bumalik ang tatay mo?

JAJA: Maliban sa harapharapan ka niyang tinawag na balyena at reyna ng lechon festival bago ka niya ipinagpalit sa yaya ko na pinsang buo mo? Wala naman.

SEN: Hindi ko kasalanan na hindi niya ako kayang mahalin sa kung ano ako. Tanggap ko naman na eh.

JAJA: At umiiyak ka dahil?

SEN: Napuwing lang ako.

JAJA: Araw-araw?

SEN: Mahangin sa loob ng banyo anak. Saka madaming alikabok.

JAJA: Araw-araw na nililinis natin ang banyo mudra. At walang bintana ang banyo, exhaust fan lang.

SEN: Pumapasok pa din ang alikabok doon anak.

JAJA: Pilit mo talaga? Sure ka na ba diyan?

SEN: Anak, hayaan mo na.

Mapapabuntong hininga si Jaja at lalayo kay Sen.

JAJA: At ako, tatanggapin ko na lang din ba?

Lalapitan ni Sen ang anak at yayakapin.

SEN: Anak, magkaiba naman tayo. Malay mo swertihin ka at makahanap ka ng taong mamahalin ka ng buong-buo.

JAJA: Mula ingrown sa mala-longanisa kong daliri ng mga paa hanggang sa split ends ng ala-Fiona kong buhok?

SEN: Minsan anak, may pagka-dugyot ka din. Tatandaan mo ito: Maganda ka. At kung talagang mahal ka ng isang tao, mamahalin ka niya kahit ano ka pa.

JAJA: Paano kung hindi? Gagaya na lang ako sayo? Hindi ba pwedeng yung swerteng iyan eh sabayan ko naman ng konting pagkukusa para gumanda ang lagay ko? Labing walong taon ko nang hindi nakikita ang pusod ko inay.

SEN: Magsalamin ka.

JAJA: Mudra, hindi nakakatawa. Hindi mo ba talaga kayang gawin para sa akin nay? Hindi ko ito kayang mag-isa.

SEN: Hindi mo kailangang pumayat para mahalin ang sarili mo.

JAJA: Mudra, kahit ang pagmamahal may hangganan.

SEN: Saan naman galing iyan?

JAJA: Wala naman. Bet ko lang isingit para dramatic. Saka Mudra, kahit gaano ka kamahal ng isang tao, kailangan mo pa ring gumawa nang paraan para hindi mawala ang pagmamahal niya sa iyo.

SEN: Pinariringgan mo ba ako?

JAJA: Sapul ba? Okay lang iyan mudra, sigurado namang magba-bounce lang iyan sa layers ng iyong mga taba.

SEN: Binabastos mo na ako anak. Hindi ka na nakakatuwa.

JAJA: Hindi naman sa ganun mudra. Ang akin lang, iniwan ka ni pudra dahil sa nagpaka-balyena ka. Imbes na gumawa ng paraan para bumalik siya, lalo kang naglunod sa bahaw na kanin at extra rice, extra ulam, extra softdrinks, extra dessert. Dati elepante lang tayo. Ngayon, daig pa natin si Free Willy!

SEN: Iyon mismo ang punto ko anak. Kahit si Free Willy minahal ng tao. Tayo pa kaya?

JAJA: Heavy! Literal!

SEN: Ayan ka na naman eh! Ganyan ka na ba talaga kadesperadang magka-boyfriend?

JAJA: Boyfriend agad?

SEN: Iyan lang anman ang nakikita kong dahilan kung bakit mo ipinipilit ang kabaliwang ito eh. Sino ba ang gusto mo at bibilhin ko!

JAJA: Aray naman mudra! Bibilhin talaga? Anong akala mo sa lalaki, tinapay sa panaderya? Saka hindi naman iyon ang dahilan eh. Hindi naman ako ganoon kababaw!

SEN: Hindi ka kalabaw!

JAJA: Mudra, kababaw, hindi kalabaw! Namemersonal ka na eh.

SEN: Nagkamali lang ako ng tingin, este, dinig.

JAJA: Lulusot ka pa talaga?

SEN: Sorry na.. Nagbibiro lang naman ako eh.

Mapapabunting-hininga ulit si Jaja.

JAJA: Alam mo bang hindi ko pa nararanasang sumakay ng tricycle na hindi arkila. Noong nagpunta tayo ng Baguio, gusto kong mag-horseback riding pero natatakot akong sumakay at baka hindi kayanin noong kabayo. Saka tanda mo ba noong nagboating ako? Kaasakay ko pa lang, muntik nang lumubog iyong bangka. Tinatawanan ko lang lahat pero hindi na siya nakakatuwa.

SEN: Anak…

JAJA: Paano ako mamahalin ng ibang tao kung ako mismo, hindi ko kayang mahalin ang sarili ko? Ang dami kong gustong gawin. Ang dami kong gustong puntahan, ang dami kong gustong marating pero hindi ko magawa dahil mataba ako.

SEN: Paiiyakin mo naman ako eh…

JAJA: Pero iyan ang totoo.

SEN: Anak, kailangan mo lang tanggapin ang lahat.

JAJA: Hindi ba pwedeng subukan ko munang baguhin, nay? Hindi iyong tatanggapin ko na lang kahit alam ko namang may magagawa pa ako?

SEN: Hindi mo kailangang pumayat para tanggapin ka nang ibang tao.

JAJA: Pero iyon ang gusto kong gawin para matanggap ko ang sarili ko. Namimiss ko nang makita ang pusod ko, nay.

Mapapatingin si Sen kay Jaja.

SEN: Para sa atin, hindi para sa kung sino-sino.

Pilit na magyayakap ang dalawa pero mahihirapan.

JAJA: Hindi ko talaga alam kung maikli lang ba talaga ang mga biyas ko oh pareho lang talaga tayong mataba.

-END-

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s