SELDA 10175: DULANG MAY ISANG YUGTO

———————————————————————————————————————————–

This script is a personal property of JAYSON ARVENE TABANGIN MONDRAGON. Please contact the author for permission to use this script. There is NO FEE for its usage but please do inform the author before using it as a matter of respect. Thank you and happy reading.

———————————————————————————————————————————–

Makikita ang loob ng isang masikip na selda – may dalawang double deck na umuuga-uga. Halatang hindi masyadong nalilinisan dahil sa dumi at kalat. May isang upuang may butas sa gitna sa isang tabi at pumpon ng dyaryo. Sa tabi nito ay mga supot. Sa may butas ng upuan ay isang plastic na kulay pula.

Nakahiga sa isa sa mga kama si KIKO samantalang nagbabasa naman ng isang sulat si AGNES sa isang sulok, malapit sa rehas.

Papasok si LITO na naka-uniporme ng isang warden karay-karay si CHRISTIAN.

PO2 LITO: Welcome to your new home! Matagal-tagal ka ding dito titira boy. Kung ako, mas gugustuhin ko pang ma-silya elektrika. Malas mo bawal na.

CHRISTIAN: Ang baho!

Bubuksan ni LITO ang selda. Mapapatingin si AGNES kay CHRISTIAN pero magbabawi din agad ito ng tingin.Mapapatingin si CHRISTIAN kay KIKO. Mahahalata ang takot nito.

 

PO2 LITO: Choosy ka pa? Hala pasok!

CHRISTIAN: Teka lang boss! Eh daig pa nito ang banyong sampung taong hindi nalilinasan eh! Ang dami pang langaw at ipis. Mamatay naman ako ng di oras dito.

PO2 LITO: Aba! Habang buhay ang sentensiya mo,  boy. Ako na mismo ang magsasabi, hindi mo gugustuhing mabuhay dito ng ganoon katagal.

CHRISTIAN: Boss naman! Baka naman may iba pang pwede?

PO2 LITO: Anong akala mo dito? Hotel, apartel, drive inn, check-in-nan? Kulungan to, boy! Pasalamat ka nga at dito pa kita dinala eh. Kung sa kabila, standing ovation kayo hanggang pagtulog.

CHRISTIAN: Bakit? Walang kama?

PO2 LITO: Hindi. No space for new bilanggo.

CHRISTIAN: Nagbibiro ka ba?

PO2 LITO: Mukha ba akong nagbibiro? I don’t make jokes. I’m just hilarious in person.

KIKO: Naks naman , boss, lakas mong maka-inglis ha.

PO2 LITO: Of course! You have to speak in fluent English especially when you have something original to say. Para kapanipaniwala. Para pwede kang i-quote tapos iyong may picture mo pa.

KIKO: Eh di ba, yan din ang sinabi nung isang komedyante sa isa niyang interview bago siya mamatay?

PO2 LITO: Anong ibig mong sabihin? Are you insinuating na ginagaya ko siya? Wala kang pruweba, boy. Baka gusto mong madagdagan ang kaso mo.

KIKO: Eh ininglis mo lang eh. Di ba sabi niya and I quote, oh ha, Inglis yun! As I was saying, sabi niya, “Hindi naman ako marunong magpatawa, nakakatawa lang talaga ako.”

PO2 LITO: Magkaiba yun, tanga!

KIKO: Eh di wow! Sabi mo eh.

PO2 LITO: Tatalon ako mula sa eroplano kung mapapatunayan mo, boy.

KIKO: Oo na, Mirriam!

PO2 LITO: Anong sinasabi mong Mirriam?

KIKO: Wala.

PO2 LITO: Hoy, umayos ka. Baka gusto mong triplehin ko ang kaso mo boy. (Kay CHRISTIAN) Feel at home pogi. Mahahabahaba din ang habangbuhay. I shall return.

KIKO: Kahit huwag na McArthur!

Aalis si LITO. Maiiwang tumitingin sa paligid si CHRISTIAN. Hindi siya makatingin kay KIKO sa takot.

 

KIKO: Anong kaso mo?

CHRISTIAN: Ah… eh…

KIKO:  I-O-U. Namputsa, pati yun kaso na rin ngayon?

CHRISTIAN: Ah… eh.. hindi –

KIKO: Oh, bakit di ka makapagsalita? Natatakot ka ba sa akin?

CHRISTIAN: A-ako?! Mata-ta-takot?! Hindi ah!

Biglang lalapit si KIKO at ilalapit ang mukha sa mukha ni CHRISTIAN. Halos maghalikan na sila sa sobrang lapit.

 

KIKO:  Talaga?

Biglang luluhod si CHRISTIAN at hahawak sa paa ni KIKO.

 

CHRISTIAN: Huwag po. Parang awa na po ninyo. Virgin pa po ako. Huwag niyo po akong gagalawin.

Tatawa ng malakas si KIKO.

 

KIKO:  Ugok! Bakit naman sana kita gagalawin? Anong akala mo sa akin? Bakla?

CHRISTIAN: Hindi ba?

KIKO:  Bakit? Gusto mo?

CHRISTIAN: Guard! Guard! Tulungan niyo ako! Gagahasahin ako dito! Guard! Isilya elektrika na lang ninyo ako, guard!

KIKO:  Ungas! Tumigil ka nga. Di kita type! Saka tumigil ka nga sa kangangawa mo. Naaalala ko yung letseng babaeng dahilan ng pagkakakulong ko ng dahil sayo eh.

CHRISTIAN: Huh?

KIKO: Huh ka diyan. Sipain kita eh. Tumabi ka at matutulog na ako.

Iiwan ni KIKO si CHRISTIAN at babalik sa pagkakahiga. Lalapitan siya ni AGNES.

 

AGNES: Huwag mo na lang munang kausapin.

CHRISTIAN: Wala akong balak…

AGNES: Doon ka na lang sa pang-itaas na kama doon sa double deck sa kabila. Ako yung nasa baba. Ayaw ni Kiko na nagugulo pagtulog niya.

CHRISTIAN: Dito ka din? Akala ako maglilinis ka lang. Hindi ba dapat sa ibang selda ka?

AGNES: Kailan pa naman nagkaroon ng tagalinis ang kulungan? Hindi na hiwalay ang babae at lalaki ngayon. Kulang na sa kulungan kaya sama-sama na lang. Parang dorm, co-ed.

CHRISTIAN:  Huh? Eh paano kapag napagtripan ka ng mga kasama mo sa selda at gahasahin? Paano kapag may kasama kang rapist o manyak sa selda? Paano kung mag-isa mong babae at mapagtripan ka? Paano —

AGNES: Eh di magpapaano ka na lang. I-enjoy mo na lang. Wala ka rin namang magagawa eh. Kahit magsisigaw ka dito, sa dami na ng nakakulong, hindi ka na maririnig. Enjoy mo na lang, bawas pa sa sama ng loob?

CHRISTIAN: Anak ng pating. Mommy! Daddy! Ayoko na dito! Sunduin niyo na ako please!

AGNES:  Kahit sumigaw ka ng sumigaw, walang mangyayari. Ano ba kasing kaso mo?

CHRISTIAN: Murder. Dalawang habangbuhay na pagkakabilanggo. Mommy! Daddy! Ayoko na dito! Please! Ilabas niyo ako dito.

KIKO: Hoy! Kapag hindi ka tumigil ikaw ang ime-murder ko. Papatay-patay ka ng tao saka ka magpapalahaw ng ganyan? Tadyakan kita eh.

AGNES:  Toy, huminahon ka. Kapag yang si Kiko bumangon, magpasalamat ka na lang kung tadyak lang ang aabutin mo.

CHRISTIAN: O—opo. Matatae na ako sa salawal ko. Saan ba ang banyo dito?

AGNES:         Banyo? Walang banyo dito.

CHRISTIAN: Huh? Eh saan kayo nagbabawas?

Mapapatingin si AGNES sa upuan.

 

AGNES:  Diyan.

CHRISTIAN: Dito? Tatae ako dito?

AGNES:  Sabi nga ni warden, hindi ito hotel. May supot yan sa ilalim para saluhin yung dumi mo. Itali mo na lang ng maigi para hindi mangamoy. MWF lang kasi kinukuha ang basura dito.

CHRISTIAN: MWF? Pati ba naman sa kulungan hindi araw-araw ang pagkuha ng basura? Kahit tae? Eh anong pinanghuhugas ninyo? Tissue?

KIKO:  Tissue? Wala ngang banyo, tissue pa kaya.

AGNES:  Mamili ka. Ano bang gusto mo? Tabloid o broadsheet?

CHRISTIAN: Anong kinalaman nun?

KIKO: Nakikita mo yang mga diyaryong yan?

CHRISTIAN: Hindi ako nagbabasa ng diyaryo.

AGNES:  Hindi mo naman babasahin eh.

KIKO: Wala ka din namang mababasa.

CHRISTIAN: Yan ang pampupunas ko?

KIKO: Sakto! Tumama ka din sa wakas. Hanapin mo na lang yung may mukha ng pulitiko para mas masaya.

AGNES:  Hindi pwede ang tubig dito. Mabibitak lang yung plastic.

CHRISTIAN: Hindi sanitary. Magkakasakit ako nito.

KIKO:  Ano akala mo dito, napkin? Sanitary ka diyan. Saka ayaw mo nun. Ano na ba tawag doon nung iba—ah, poetic justice!

Titignan ni AGNES at CHRISTIAN si KIKO.

 

KIKO:   Nakagraduate naman ako ng high school. Di ba, yun ang tawag doon. Puro tae din lang naman laman ng mga yan, eh di dagdagan na lang. Magkakasilbi pa. Sabi nga nung negro doon sa palabas, shit on your face!

CHRISTIAN: Kahit na. Madumi pa din. Mukhang pinambalot na ng tinapa yan eh. Eh paano kapag iihi? Diyan din?

AGNES: Hindi. May mga bote sa ilalim ng kama, Doon ka iihi.

CHRISTIAN: Pati ikaw?

AGNES: Oo.

CHRISTIAN: Paano—

AGNES: Huwag mo nang alamin. Magbawas ka na kung magbabawas ka. Tatalikod na muna ako.

CHRISTIAN: Huwag na lang. Titiisin ko na lang hanggang sa matapos sentensiya ko.

AGNES: Habangbuhay?

CHRISTIAN: Hanggang sa mamatay.

Biglang uupo si KIKO mula sa pagkakahiga.

KIKO:  Sino ba yung pinatay mo?

AGNES: Hayaan mo na nga muna tong bata Kiko. Pagpahingahin mo muna.

KIKO: Di mo ba narinig? Habangbuhay siya dito. Habangbuhay na pahinga yun, kasama ako. Ay, bahala nga kayo.

Mahihiga ulit si Kiko.

 

CHRISTIAN: (Kay Agnes)Ano po bang kaso niya?

AGNES: Rape.

Mapapalunok si CHRISTIAN.

 

CHRISTIAN: Babae o lalaki?

KIKO: Anak ng puta! Malamang babae! Anong akala mo sa akin, bakla?!

AGNES:  Nagtatanong lang yung bata. Highblood ka agad.

KIKO: Eh nakakagago magtanong eh.

CHRISTIAN: Sorry…

AGNES: Huwag mo siyang pansinin. Bakit mo ba kasi pinatay?

CHRISTIAN: Kailangan po eh. Nakawan ba naman ako. Ang tagal kong pinag-ipunan at hinanap yung espadang yun tapos nanakawin niya lang. Sabi niya trade lang, pagkatapos kong ibigay, bigla na lang umalis.

AGNES:  Pumatay ka ng dahil lang sa espada?

CHRISTIAN: Hindi naman basta-basta espada yun eh. Ang mahal kaya ng bili ko dun. Halos maubos kaya pera ko doon makuha ko lang.

AGNES:  Kaya pinatay mo? Hay naku. Ganyan na ba ang kabataan ngayon? Dahil lang sa laruan nagpapatayan?

CHRISTIAN: Hindi laruan yun! Kailangan ko yun para mabuhay. Kailangan ko din namang ipagtanggol sarili ko di ba?

AGNES: Ano? Dalawang buwan pa lang ako dito, ganun na kagulo sa labas?

CHRISTIAN: Oo naman! Survival of the fittest na ngayon. Kailangan, marunong kang lumaban. Ang tagal ko kayang pinag-aralan kung ano ang gagawin ko. Buti sana kung may shield akong nakuha o kahit healing potions man lang.

AGNES: Anong healing potions? May ganun na ngayon? Saka teka, ilang taon na ba yung napatay mo?

CHRISTIAN: Hindi ko po sigurado. Pero kung totoo po yung sinabi ng kalaro ko, mga nasa isang taon siguro.

AGNES: Por Dios por Santo? Pumatay ka ng sanggol?

KIKO: Astig! Eh mas halang pala ang kaluluwa mo sa akin eh.

CHRISTIAN: Hindi na sanggol yun. Level 76 na kaya siya.

AGNES: Anong level 76? 76 years old na? Akala ko ba isang taon pa lang?

KIKO: Baka aso.

CHRISTIAN: Hindi. Level 76 na siya. Elf kind nga yun eh. Malay ko ba namang makukulong ako ng dahil doon.

KIKO: Anong pinagsasabi niyan. Di kaya naalog utak niyan papunta dito?

AGNES:  Ano bang ibig mong sabihin?

CHRISTIAN: Kasi, naglalaro kami ng DOTA nung kasama ko. Eh para makuha ko yung espada na ninakaw niya, kailangan ko siyang patayin. Malay ko ba namang may murder na din pala sa internet ngayon.

AGNES: Ano ba yung DOTA?

KIKO: Anak ng putcha! Nakulong ka dahil sa online game? Nice one!

AGNES: Anong online game?

CHRISTIAN: Laro po sa internet.

AGNES: So hindi tao ang pinatay mo?

CHRISTIAN: Hindi po. Yung character niya sa DOTA.

KIKO:  Walastik! Nakakagago lang.

CHRISTIAN: (Kay AGNES) Kayo po, bakit kayo nakakulong?

AGNES:  Ah… eh… nakakahiya… Huwag na lang nating pag-usapan…

KIKO: Ngayon ka pa nahiya? Wow! Pa-virgin ka lang?

AGNES: Bastos!

CHRISTIAN: Ano po bang nangyari?

KIKO: Sasabihin mo o ako ang magkukwento? Detalye kung detalye kapag ako.

Biglang hahalinghing si KIKO na tila ba nakikipagtalik.

 

AGNES: Tumahimik ka nga!

KIKO:  Kasi ganito yun—

AGNES: Yung asawa ko nasa Saudi. Dalawang taon na kaming hindi nagkikita.

KIKO:  Magkukwento ka rin pala eh. Ang dami mo pang arte.

AGNES: Bakit ka ba nakikialam?

KIKO: Okay! Hindi na.

CHRISTIAN: Tapos, ano pong nangyari?

AGNES:  Eh siyempre, matagal na kaming hindi nagkikita.

Titingin muna sa labas ng selda.

 

KIKO: Wala yung asungot. Malamang naghahanap na naman yung ng linyang gagayahin.

CHRISTIAN: Pumatol po kayo sa iba? Adultery, bigamy, ano pa ba yung kaso para diyan? Eh mali naman po kayo eh. Nagpapakahirap ang asawa niyo tapos lolokohin niyo lang? Aba, dapat lang kayong makulong.

AGNES: Pi-no mo pa ako an gang bastos na ng iniisip mo.

CHRISTIAN: Sorry…

AGNES:  So yun nga. Matagal na kaming hindi nagkikita. Siyempre asawa ko yun. May mga pangangailangan kami…

CHRISTIAN: Kaya nakipag-sex kayo sa iba? Naku, buti hindi kayo pinatay ng asawa niyo.

KIKO:  Ay layk da wey yu tink! Magkakasundo tayo toy!

AGNES: Heh! (Kay CHRISTIAN) May kadumihan din ang isip mong bata ka. Hindi. Hindi ako nakipag-ano sa iba. Ganito kasi ang nangyari.

KIKO: (Sa Manonood)Ang susunod na palabas ay Rated SPG. Patnubay ng magulang ay – hindi din maibibigay dahil wala sila sa tabi mo. So enjoy ma men!

Sa isang parte ng stage, makikita si KARDING. Magdidilim sa parte ng selda. Tanging si AGNES lamang ang makikita sa spotlight.

 

KARDING:    Miss na miss na kita mahal. Ang tagal na nating hindi nagkikita.

AGNES:         Kailan ka ba uuwi?

KARDING:    Hindi pa ako pinapayagang umawi ng bisor ko eh. Kailangan ko daw tapusin yung kontrata.

AGNES:         Tatlong taon yung kontrata mo. Tatlong taon din kitang hindi makikita?

KARDING:    Wala naman tayong magagawa mahal. Basta mangako kang hindi mo ako ipagpapalit ha.

AGNES:         Oo naman. Baka nga ikaw na ang may iba diyan. Naku, mapapatay kita.

KARDING:    Siyempre, hindi ko gagawin yun. Pero mahal, baka naman pwedeng humingi ng isang bagay sayo.

AGNES:         Ano yun? Basta ba kayo kong ibigay eh.

KARDING:    Talaga?

AGNES:         Oo naman. Asawa kita. Siyempre kahit ano gagawin ko.

KARDING:    Hindi ka magagalit?

AGNES:         Bakit? Dapat ba akong magalit sa hinihingi mo? Huwag lang lisensiyang makipag-anuhan sa kung sino-sino diyan ang hihilingin mo dahil kahit manigas ka, hindi ako papayag.

KARDING:    Matigas na, este, hindi iyon. Ikaw naman mahal.

AGNES:         Eh ano nga yun.

KARDING:    Basta huwag kang magagalit ha. Baka naman pwede kang magpadala ng picture mo sa akin.

AGNES:         Bakit? Hindi mo bad ala yung picture natin nung kasal? Ako pa mismo ang naglagay nun sa maleta mo ah.

KARDING:    Dala ko siyempre. Lagi ko ngang tinitignan eh. Pero hindi ganoong picture. Gusto ko yung ikaw lang.

AGNES:         Meron din diyan. Yung graduation picture ko nung high school.

KARDING:    Ang hirap mo namang pumik-up mahal.

AGNES:         Eh ano bang picture gusto mo?

KARDING:    Yung walang damit.

AGNES:         Ano?

KARDING:    Kesa naman sa iba pa ako tumingin eh di sayo na lang dib a? Sige na mahal. Miss na miss na talaga kita.

AGNES:         Nakakahiya. Mamaya may ibang makakita.

KARDING:    Siyempre itatago ko. Sige naman na mahal.

AGNES:         Paano ko ipapadala?

KARDING:    E-mail mo na lang sa akin mahal. Gusto ko yung bagong ligo.

AGNES:         Ikaw talaga…

KARDING:    Sige na please…

AGNES:         Sige na nga…

Mamatay ang spotlight sa kanilang dalawa at bubukas ang ilaw sa selda. Maririnig ang malakas na tawa ni Kiko.

 

KIKO:             Hanep no? Sigurado, nagkalat na sa internet yun. May kopya ka ba diyan? Baka pwedeng makita.

AGNES:         Taeng lumilipad, gusto mong makita?

KIKO:             Relax! Para nagtatanong lang eh.

CHRISTIAN: Paano po nila nalaman? Baka naman nagkamali kayo ng pinadalhan.

AGNES:         Hindi naman ako tanga. Siyempre sinigurado kong sa asawa ko lang ipinadala.

CHRISTIAN: Eh paano po nalaman ng mga pulis?

AGNES:         Hindi ko nga alam eh. Basta bigla na lang akong hinuli ng mga pulis, hawak yung picture ko. Tinanong lang ako kung ako ba yun at kung ako daw ba ang nagpadala sa asawa ko. Alangan namang itatanggi ko?

KIKO:             Ang honest! Di bale, kahit itanggi mo, halata namang ikaw. Hard core!

CHRISTIAN: Hindi ba bawal yun?

AGNES:         Hindi ko din maintindihan. Basta cybersex daw yun. Pati nga asawa ko, papauwiin na sa Pilipinas ng dahil doon. Pero at least magkakasama na kami.

KIKO:             Hard core!

Papasok si LITO kasama ang “RAPE VICTIM”o RV ni KIKO.

 

PO2 LITO:              Hey boy! You have a visitor.

KIKO:             Naks, kanino mo na naman hiniram yan?

PO2 LITO             Original yun, ugok! May bwisita ka. Goodluck!

Lalabas si LITO. Makikita ni KIKO kung sino ang bisita.

KIKO:             Uy! Sweetheart! Ikaw pala. Gusto mo ulit?

RV:                 Gago! Bastos!

KIKO:             Wow naman! Nag-effort ka pa talagang pumunta dito. Aminin mo, miss mo ako ano?

RV:                 Putang-ina mo! Pumunta lang ako dito para sabihin sayong hindi ko iuurong ang demanda kaya sabihan mo yung nanay mong huwag punta ng punta sa amin.

KIKO:             Eh di huwag. Kung makaasta ka, para kang sinong malinis. Hoy, ikaw kaya ang unang nag-message sa akin. Hindi mo pa kasi aminin na nahuhumaling ka sa kamatchuhan ko.

RV:                 Ang kapal ng mukha mo. Matapos mo akong babuyin at paglaruan, nagagawa mo pa akong sabihan ng ganyan? Sugo ka talaga ni Satanas!

KIKO:             Utot mo! Maka-Satanas ka diyan, akala mo. Baka ikaw ang Satanas! Ikaw ang nanukso. Nanahimik ako bigla kang dumating. Saka kung makaasta ka parang hindi ka nag-enjoy!

RV:                 Bastos!

KIKO:             Bakit hindi? Sabi ko tatanggalin ko panti mo, umangal ka ba?

RV:                 Pinipigilan kita, sabi ko huwag.

KIKO:             Anak ng, eh bakit nung sinabi kong nakapasok na wala ka pa ring sinasabi?

RV:                 Umiiyak na ako noon.

KIKO:             Umiiyak? Ako pa gagaguhin mo. Ang sabihin mo nilabasan ka na!

RV:                 Bastos ka! Wala ka talagang kwenta! Binaboy mo ang pagkatao ko!

KIKO:             Eh gaga ka pala eh. Kung ayaw mo bakit hindi ka naglog-out? Siguro gawain mo talaga yun. Akala mo may mahihita ka sa akin? Kahit singkong duling wala kang makukuha! Magpapakabulok na lang ako dito sa kulungan.

RV:                 Wala kang kwentang tao!

KIKO:             Lalo ka na! Hala layas!

Biglang aalis si RV. Maiiwang nakatulala kay KIKO sina AGNES at CHRISTIAN. Inis namang babalik si KIKO sa pagkakahiga.

 

CHRISTIAN: Log-out?

KIKO:             Oo. Kung makaasta ang hitad parang hindi niya alam na may log out button. Pwe!

CHRISTIAN: Bakit? Sa opisina mo siya ginahasa?

KIKO:             Aba ewan kung nasaan siya noon. Siya itong unang bigla na lang magmemessage sa Facebook tapos ako pa kakasuhan niya? Tang-ina lang niya!

AGNES:         Facebook?

KIKO:             Tanga ka ba? Kasasabi ko lang eh.

CHRISTIAN: Paanong—

KIKO:             Nagmessage siya eh online ako, eh di nagchat kami. Aba, nung hubaran na ang usapan, hindi naman siya umalis. Yun pala kakasuhan niya ako. Tang-ina pa lang niya.

CHRISTIAN: Rape sa chat? Pwede yun?

KIKO:             Malamang! Nakakulong na ako eh. Lintek talaga yung babaeng yun!

Papasok si LITO may dalang bata.

 

CHRISTIAN: (Kay AGNES) Anak mo? Ang cute naman!

AGNES:         Hindi ko anak yan. Paano ako magkakaanak eh dalawang buwan pa lang kaming kasal nung umalis asawa ko.

CHRISTIAN: (Kay KIKO) Sayo? Ang ganda siguro ng nanay niyan ano.

KIKO:             Gago! Anong ibig mong sabihin? Panget ako? Eh kung bangasan ko mukha mo.

PO2 LITO:              Hey Kid. You make pasok na in there.

CHRISTIAN: Hala! Ang dumi dito papasukin mo yang bata.

AGNES:         Wala dito magulang niyan.

PO2 LITO:              Malamang, kulungan to eh.

Mapapatingin silang tatlo sa bata.

SILANG TATLO:      IKUKULONG NIYO YAN?

PO2 LITO:              Hindi. May field trip siya. Malamang ikukulong. Ano to, park?

AGNES:         Pati ba naman bata hindi niyo pinatawad. Bawal yan ah.

PO2 LITO:              Sino nagsabi. Pirmado na ni hepe ang pasok niyan. (Kay EJ) You go inside na.

EJ:                   Mooooommmmyyyyy!

AGNES:         Tahan na anak. Sarge naman, hindi naman pwede ang bata dito. Di ba dapat sa DSWD na ito.

PO2 LITO:              Puno na din doon. Kalahati ng mga kaklase niya ang nilagay doon eh. Saka isolated dapat yan. Masamang impluwensiya.

CHRISTIAN: Bata to Sarge, paano naman siya dito.

PO2 LITO:              Problema na niya iyon. Aba, gagawagawa siya ng krimen pagdusahan niya. Sabi ko nga, the law is harsh but it is the law.

KIKO:             Ikaw talaga nagsabi niyan?

PO2 LITO:              Ikaw sumosobra ka na ha, original yun!

Biglang iiyak si EJ. Yayakapin ito ni AGNES. Ngiting-ngiti naman si Sarge.

 

EJ:                   I hate Barney!

KIKO:             Anak ng puta, isa pang spokening dollar. Ano kaso mo toy?

EJ:                   What’s kaso?

CHRISTIAN: He is asking why they sent you to jail.

EJ:                   I don’t know. I was just looking at my Twitter account when they came and get me. It was break so the teacher allowed us to do what we want. My mom doesn’t even know I’m here.

AGNES:         Ay kabibong bata.

CHRISTIAN: What did you do anyway? Did you you watch porn.

EJ:                   No. My mom said that’s bad. So I just looked at my twitter account. They said that Barney sent me here. I hate him.

KIKO:             Ha? Bakit naman.

PO2 LITO:              Siniraan niya si Barney.

EJ:                   Is that the reason why I am here? But it’s the truth!

KIKO:             Anak ng puta, ano ba sinabi niya? At sino si Barney?

EJ:                   I said Barney isn’t real. There is no such thing as a purple dinosaur. I watch animal planet you know. There’s no such thing as a purple dinosaur!

CHRISTIAN: Yun lang? makukulong siya ng dahil lang doon?

PO2 LITO:              Mismo! Libel yun. Friends kaya kami ni Barney.

CHRISTIAN: Eh totoo namang walang purple na dinosaur ah. Ano yun, ipinaglihi sa halayang ube?

PO2 LITO:              Boy, mag-ingat ingat ka sa sinasabi mo. Slander yan. Wala kang patunay na hindi siya totoo.

AGNES:         Oh eh bakit pati mga classmate niya nasa DSWD?

EJ:                   They retweeted what I wrote down.

KIKO:             Walastik! Daig pa si Marcos ah.

PO2 LITO:              Anong sabi mo? Gusto mong kasuhan ka ni Marcos?

CHRISTIAN: Patay na yun, paano siya kakasuhan?

PO2 LITO:              Ayaw niyo nun, kahit patay may karapatan.

KIKO:             Anak ng tokwa, eh yung bahay, wala?

PO2 LITO:              No right is ever absolute. Oh, original yan, huwag mo nang kontrahin. Anyway, (Kay EJ) hey boy, welcome to your new home!

-END-

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s