HALO-HALO: Dulang May Iisang Yugto

AUTHOR’S NOTE:

A friend of mine asked if I had any script for the “Buwan ng Wika” and if I can lend it to her class for a competition. I didn’t have one but I told her that I’d write one for her. And here it is. This is for the very beautiful, Miss Samantha Wallis, and her class. Hope you like it. I did have to rush it a little that’s why it isn’t really as polished as I want it to be.

HALO-HALO

NI JAYSON MONDRAGON

MGA TAUHAN

 

PHILIP                                College student, graduating, maagang nagka-midlife crisis

MARKOVA                        Beki, maharot at maingay

CARLO                                Mukhang anak-mayaman, preppy, laging maangas

CHICHAY                           Jejemon, naka-jeje cap, pabebe

ISKA                                     Palaban pero laging nakatingin sa malayo

TINOY                                 Tambay, laging nakaangil kung magsalita

TAGPUAN:

Sa loob ng isang silid-aralan, sa pinapasukang unibersidad ni PHILIP.

HALO-HALO | Dulang May Iisang Yugto

NI JAYSON MONDRAGON

 Papasok sa loob ng silid-aralan si Philip, nakabusangot. Naka-pormal siyang damit dahil sa katatapos pa lamang ang career interview nilang mga magtatapos. May hawak siyang isang folder na naglalaman ng resume.

PHILIP

 (Pasigaw)

Eh di kayo na! Kayo na ang magaling! Kayo na ang sigurado sa sarili. Kayo na ang alam kung kayo pupunta! Kayo na! Kayo na! Kayo na! Anak ng pitumpo’t pitong pating naman eh. Ang dami-dami ninyong tanong. Where do I see myself in five years? Sa Pluto! Nagtatamin ng kamote!

(Mapapatingin sa manonood)

Anak ng—para akong tanga. Ako na ang nag-e-emotional breakdown ng wala sa oras. Eh di wow na lang sa akin. Ah! Basta. Bahala na si Batman. Sarili ko nga, hindi ko pa kilala, iyon pa kayang kung saan at anong gusto kong mapuntahan at marating. Makatulog na nga lang.

 Mauupo si Philip sa isang upuan at saka pipikit. Maya-maya pa ay makakatulog na siya, mabibitawan ang kanyang career assessment form.

 Papasok si MARKOVA, may suot pa siyang korona at saka lalapitan ang natutulog na si Philip.

MARKOVA

 Ay bet! Ang lakas maka-Piolo Pascual ng hombreng itetchiwa. Confused lang ang peg! Pak na pak! Sabi ko na nga ba! Sa mga vaklushi ang huling halakhak!

Tatawa si MARKOVA ng parang demonyo. Hindi niya mapapansin ang paglapit ni Iska at ng iba pa. Babatukan siya ni Iska.

ISKA

 Asa ka naman! Ang sabi niya, hindi niya alam kung saan siya papunta, hindi kung saan niya gusto humada at magpahada.

CARLO

 Assuming much. What do you expect ba naman. No class, no breeding.

MARKOVA

 Excuse muah?! Hoy ingleserong chuvacheneline! Amoy kes ang kaliskis mes! Witcheling mes akira daanin sa spokening dollars mes wat witchels mo ako mako-convince. If I know, mas berde pa sa green, green grass of home ang dugo mo. Tse!

CHICHAY

Ehhh… Huwag na phowz kayo mag-away. Friends-friends phows tayo dapat, peace on earth, and mercy mild, God most sinners, reconstruct!

TINOY

 Bwahahaha! Reconstruct daw! Tanga! I-inglish inglish pa kasi! Reconcile!

ISKA

 Bakit alam mo ibig noon? Sige nga, anong ibig sabihin? Saka, spell mo nga?

TINOY

 Sabi nga ni Napoles, I invoke my rights against self incrimination! Oh ha! English yun!

MARKOVA

 Aba! Winner! Level up lang ang tambay.

CARLO

 Booooring! Like, what are we doing here anyway? I have to meet my friends pa at Starbucks to make plano of our trip to Bora.

Biglang magigising mula sa pagkakatulog si Philip at mapapatingin sa paligid. Nagsisisigaw siyang lalayo sa lima, nakayakap sa sarili.

PHILIP

 Sino kayo? Nasaan kayo? Nasaan ang brief ko?

Sabay-sabay na mapapatingin sa pang-ibabang bahagi ng katawan ni Philipin ang lima. Agad na magtatakip si Philip gamit ang mga kamay.

CARLO

 Interesting.

MARKOVA

 (Kay Carlo) Confirmed itetchiwa.

PHILIP

 Sino kayo? Anong kailangan niyo sa akin? Huwag kayong lalapit!

ISKA

 Hindi ka naman OA sa lagay na iyan?

TINOY

 Kaya nga naman brad. Para kang hindi lalaki kung umasta. Ano namang akala mo sa amin? Masasamang loob?

Mapapatingin silang lima sa ayos ni TINOY na mukhang manghoholdap lang.

TINOY

 Ang magsasalita, babangasan ko ang mukha.

PHILIP

 Sino kayo? Anong kailangan niyo sa akin?

CARLO

 Again, with the dramatics. You’re like that palabas on TV where they make arte on everything. Like duh? PBB Teens?

ISKA

 At sa tingin mo, iyang ginagawa mo? Hindi kaartehan. (Kay Philip) At ikaw, ang OA mo din. Hindi pa ba halata? Kami ang—

CHICHAY

 Pabebe girls! At hindi niyo kami mapipigilan! Wala kayong pakialam kung gusto naming mag-post ng videos namin!

MARKOVA

 TSE! Ikaw lang iyon, bruha! Chura nitembang! Witchels mo nga kami idamay sa kajartehan mes! Wit ko bet! (Itutulak si Carlo papalapit kay Chichay) Ayan! Mag-join force kayonchiwa! Pak na pak ang lahi!

CARLO

 Ewww. She’s so out of my league.

CHICHAY

 Ehhhhhh! Meant to be! Feyborit band ko yan! Stibin Piks!

TINOY

 Utot mo!

PHILIP

 (Pasigaw) SINO KAYO!

TINOY

 Sapakin ko na ba? Kanina pa sigaw ng sigaw eh. Hoy! Tukmol! Hindi pa ba halata? Kami ang iyong kunsensiya!

PHILIP

 (Titignan isa-isa ang lima bago magsalita) Naka-drugs ka ba?

CARLO

 Probably.

MARKOVA

 May tama ka!

ISKA

 Umayos nga kayo! Hoy! Philip dela Pena, ano bang problema mo at nananahimik ako eh bigla kang nag-alburuto? Kung naguguluhan ka sa pagkatao mo, pumasok ka sa PBB at hintayin mo kung dadapuan ka ng mariposa o hindi. Hindi iyong ako ang ginugulo mo.

PHILIP

 Sino ka ba?

MARKOVA

 Traffic ka ba sa EDSA?

PHILIP

 Huh?

CARLO

 Because you are sssssssssssssssooooooo mabagal.

CHICHAY

 Ay, huwag phowz tayong mean. Dapat frens frens para masaya. (Kay Philip) Sabi nga nila kanina, kami ang—

TINOY

 Huwag mong sabihing pabebe girls at uupakan talaga kita.

CARLO

 We are you. You are us. We are one and the same. Okay? Now that’s done, can we go? May meeting pa ako with friends and you are wasting my time.

PHILIP

 Parang lalo yata akong nalito sa paliwanag mo.

MARKOVA

 Confused! Pak na itey! Isang tulak na lang, pasok na itetchiwa sa banga!

ISKA

 Hindi kayo nakakatulong! Nalilito na nga iyong tao, ginugulo niyo pa lalo. Sa susunod kasi, huwag kang nagtatanong kung sino ka bang talaga.

MARKOVA

 Kami ang iyong konsensiya, fairy god mothers, parte ng pagkatao, kapaederasyon, ganerms.

TINOY

 Sa madaling sabi, kami ay parte nang kung sino ka.

CHICHAY

 Parang halo-halo. Masarap kapag summer. Ay! Iyan gagawin ko sa mall next time. Medyo sawa na ako sa mamon. Awwww! Mag-isa lang ako. Kain ako ng halo-halo!

PHILIP

 Ang labo ninyong kausap!

ISKA

 Bakit? Ang pagkatao mo? Malinaw pa ba? Kaya nga kami lumitaw sa panaginip mo dahil hindi ka sigurado kung sino ka di ba? Kasi, hindi mo alam kung saan ka pupunta.

PHILIP

 Eh ang labo niyong magpaliwanag eh.

MARKOVA

 Para mas malinaw, ganitems na lang. Let’s make pakilala like Miss Universe. (Kay Iska) Bakla, mauna ka na. Hindi bale at ikaw naman ang pinaka-thundercat sa atin. Dapat rhyme para pak na pak!

ISKA

 Ako ang pagkataong, pilit mong ibinabaon sa limot

Pagkakakilanlang ipinaglaban para lang maabot

Isang dugo, isang lahing pilit binabalot

Itinatago, inaalis, para maibsan ang takot

Ako ang salamin ng kahapong nagdaan

Parte ng pagkataong, ibinabaon, kinakalimutan

Handog nina Pepe at Maria na pilit pinaglalaban

Upang makabagong mundo ay iyong masabayan

PHILIP

 Ano to? Balagtasan? Eh ang lakas din pala ng tama niyo eh.

MARKOVA

 Pwede makinig ka na lang? Chusera ka din eh.

TINOY

 Sa kalye, sa gilid-gilid, ako ang mapapakinggan

Parang ugong ng bus, o kahol ng asong lansangan

Ako ang pagbabagong, minamaliit, hinuhusgahan

Salita daw ng mangmang, ng mga walang alam

Sa silong ng overpass, sa ilalim ng araw at ulan

Tunog ng pagbabago, walang sinusunod na batayan

Walang arte, walang sahog, simpleng panlasangan

Hindi nagpapanggap para sa kung sino man

CHICHAY

 Hellows phowz, ako phowz…

MARKOVA

 Diyos ko! Huwag ka nang sumabat! Hindi carry ng powers ketch ang kalokahan mes! Sabihin na lang natin na siya ang boses ng walang pinag-aralan, tapos. Kung bet mes, watch mo na lang videos niya sa Facebook. Witcheling kez bet ang ma-torture. Hindi nakakaganda!

CHICHAY

 Wala kang pakialam kung pabebe kami!

ISKA

 Huwag ka ngang nandadamay!

CARLO

 Excuse me, I guess it’s my turn.

I’m the elite, the upper echelon, the voice of money

The epitome of class, halata naman, like seriously

The call center social climbers try to imitate us ambitiously

Like speaking in English, makes them better than everybody

Tagalog or Filipino, that’s for the atchays, the poor

The taxi drivers and the boys who clean our pools

Like the tambays in the kanto who didn’t even go to school

You should be like me, if you want to be cool

MARKOVA

Like the tambays in the kano, ang arte lang! Bakla!

PHILIP

 Sa iyo pa talaga nanggaling?

MARKOVA

 Hoy! Sinong bakla? Wala kang ebidensiya! Halikan kita diyan eh!

ISKA

 Ano? Naintindihan mo na?

PHILIP

 Nanggagago ba kayo? Eh anong maiintindihan ko sa sinabi ninyo?

 CARLO

 Is he serious?

CHICHAY

 Kasi, ang mi-mean ninyo. Dapat pinagsalita niyo ako.

MARKOVA

 Ay! Huwag mong ishilit neng! Baka lumabas pagkakalalaki ko sa inis.

CARLO

 Like you still have that.

ISKA

 Bakit? Ikaw ba meron pa?

TINOY

 Ang dudugyot ninyo!

CHICHAY

 Wala kang pakialam! Basta masaya ako! Gagawa pa rin ako ng videos!

ISKA

 Oh di ikaw na!

MARKOVA

 Bakit mo ba siya inaaway?

CARLO

 You’re doing the same thing!

TINOY

 Sapakan na lang!

PHILIP

 TUMIGIL NGA KAYO! Lalo lang ninyong ginugulo ang utak ko eh. Ang simple lang ng tanong ko, sino ba talaga ako? Paano akong makakagalaw kung pati pagkatao ko, hindi ko maintindihan.

MARKOVA

 Slow mo nga.

ISKA

 Maliit na bagay kailangan pa talagang ipaliwanag?

TINOY

 Eh mas malakas pala amats mo sa akin eh.

CARLO

 Isn’t it obvious?

CHICHAY

 Gusto mo, gawa tayo ng video habang kumakain ng halo-halo?

PHILIP

 Halo-halo?

MARKOVA

 Exactly! Halo-halo. Hindi mo pa rin ba gets?

ISKA

 Hindi mo pa rin ba alam kung sino ka?

TINOY

 Kaya pareho tayong walang pinupuntahan eh.

CARLO

 That’s why we never get anywhere.

MARKOVA

 Ang lakas mong maka-Google translate.

ISKA

 Gusto mong malaman kung sino ka di ba? Dahil doon mo lang malalaman kung saan ka papunta? Halo-halo.

 PHILIP

 Ano bang kinalaman ng halo-halo sa usapang ito?

MARKOVA

 Ay! Slow! Kakainin natin dahil gutom na kami! Ang hirap mo namang kausap. Diyan ka na nga!

CARLO

 This is just a waste of time.

CHICHAY

 Nag-upload na lang sana ako ng bagong video.

TINOY

 At tumanggi pa ako sa inuman para lang dito. Bwisit!

PHILIP

 Eh ang labo ninyo eh!

ISKA

 Malabo? O ayaw mo lang tanggapin?

PHILIP

 Anak ng pating naman eh! Tanggapin ang alin?

MARKOVA

 Parang rainbow lang iyan, madaming kulay, maraming rekado, pero sa dulo, iisa lang. Parang halo-halo. Magkakaibang rekado, pero kailangang magsama-sama para ma-enjoy ng tao. Ni minsan ba, hindi ka man lang nag-hello Philippines Hello World sa neurons mo kung bakit Filipino ang tawag sa iyo? Paano kang may patutunguhan kung mismong pagkatao mo pilit mong itinatago? Hindi ka iisang bagay lang, Philip.

Mag-aalisan ang lima at maiiwang nakatanga si Philip.

PHILIP

 Anak nang— Halo-halo kayo ng halo-halo eh ang labo—-

Matitigil sa pagsasalita si Philip at mapapatingin sa manonood. Tatayo sa isang sulok si Philip, at ngingiti. Mulang lalabas sa entablado ang lima at lilinya kasama ni Philip.

 CARLO

 Everything change, and so do we.

ISKA

 Sumasabay sa agos

TINOY

 Nagbabago ng mukha

CHICHAY

 Sumusunod sa uso

MARKOVA

 Pinaghahalo

PHILIP

 Pinagsasama

CARLO

 Like language

ISKA

 Parang kultura

CHICHAY

 Hiram man o sariling wika

TINOY

 Binuo lang o gawa-gawa

MARKOVA

 Kung gusto mong may mapuntahan, na may magbago, na may bukas na maginhawa

PHILIP

 Kailangan mong tanggapin ng buo na ang Filipino

 LAHAT

 Minsan wikang pinaghalo-halo at pinagsama-sama, madalas pagkatao mo pala

PHILIP

 Gusto mo pala ng bukas na maginhawa

Baka gusto mo munang yakapin kung sino ka bang talaga.

-END-

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s