VAN

“Aalis na! Aalis na!” sigaw pa ni kuya
Kung hindi ba naman siya isang libo’t isang paasa
Paghihintayin ng pagkatagal-tagal, buburuhing parang isda
Saka ka ngingitian at sasabihing ganoon daw talaga

Ang isang oras magiging tatlo, magiging apat o lima
Bawat kanto hihintuan saka muling tutunganga
Magtatawag, maghihintay, ilang beses bubusina
Hanggang pati panis mong laway ay mag-amoy kanal na

Salawal mong suot-suot, pwede nang kunan ng patis
Sa init, sa sikip, pati mukha mo’y mangangamatis
Parang sakong isasalansan, walang magagawa kundi magtiis
Sabay ligo sa laway ni kuya na kung dumapo ay walang mintis

Hindi man lang maiunat, paa mong nangangalay
Hindi rin makareklamong katabi mo’y amoy bangkay
Titingin na sa labas at magdarasal, maghihintay
Na matatapos din ang impiyernong tinatawag nilang pagsakay

Sabi nga nila, ganyan naman talaga sa lahat
Sasakay kang naniniwala na serbisyo’y magiging tapat
Hindi sasagi sa isip na mauuwi lang sa pagkaurat
Ang pasensiyang iyong bitbit kailanma’y hindi sasapat

Ganito na lang ba talaga ang lagay ng mundo?
Wala ka ring mapapala sarili ma’y ibigay ng buo
Lolokohin at paandaran ng kung sinong Poncio Pilato
Ikaw lang naman ang tangang umasa at nagpaloko

“Aalis na! Aalis na!” muling sabi ni kuya
Mag-iiwas naman ng tingin kapag tinanong na ng direkta
Mangangako siyang ulit pero hindi titingin sa mata
Dahil alam naman niyang ang pangakong bibitawan ay puro lang salita

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s