SAMPUNG MGA DALARI: DULANG MAY SAPAT NA HABA

KONSEPTO NINA VICENTE ALCAREZ | WILLIAM HULSEY | RHOS JUMAO-AS

PANULAT NI JAYSON ARVENE MONDRAGON

———————————————————————————————————————————–

This script is a personal property of JAYSON ARVENE TABANGIN MONDRAGON. Please contact the author for permission to use this script. There is NO FEE for its usage but please do inform the author before using it as a matter of respect. Thank you and happy reading.

———————————————————————————————————————————–

UNANG YUGTO

Unang Tagpo: Dance Routine

LFX: Dim lights/Follow Spot on Bob

SFX: Thumping heartbeat at the beginning with a modern dance track mixed to it.

Magsisimulang mag-sayaw ang mga mananayaw sa . Lahat sila ay naka-uniporme pero nakasuot ng maskara. Sa una ay sasabayan nila ang tunog noong pagpintig ng puso hanggang sa pumasok ang dance music na kanilang sasayawin.

Uupo ang lahat ng mananayaw sa mga armchair na nasa entablado, hindi gumagalaw. Matitigil ang dance track pero patuloy ang tunog ng pintig ng puso.

Papasok si ROBERT “BOB” MARTINEZ, naka-uniporme na katulad ng mga mananayaw, palinga-linga sa loob ng classroom, kita ang takot sa mukha.

Mauupo si BOB sa isang bakanteng upuuan at maglalabas ng isang stationary at magsisimulang magsulat. Sabay-sabay na mapapalingon sa kanya ang mga mananayaw. Sabay-sabay din silang tatayo at dahandahang pupunta sa kanilang pwesto. Palinga-linga pa rin si BOB pero mukhang hindi niya nakikita ang mga ito.

Maririnig ang isang malutong na pagtawa, sunod-sunod mula sa magkakaibang boses, na akala mo ay nang-iinsulto. Manlalaki ang mata ni BOB na mapapatayo at mapapalinga-linga sa paligid. Malalamukos niya ang stationary.

BOB: S-s-sino kak-kak-kayo?

DANCER 1: Love letter talaga?

DANCER 2: Uso pa ba ‘yan?

DANCER 3: Throwback pa more!

DANCER 4: Panaginip na nga lang, low tech pa rin!

DANCER 5: Baka walang internet sa bahay nila.

DANCER 1: Ang sabihin niyo, baka hindi niya alam gamitin. Para kanino ba yan?

DANCER 3: Para kanino ba yan?

DANCER 4: Malamang kay Daisy na naman yan.

DANCER 2: Kay Daisy?

DANCER 5: Ambisyon pa more!

DANCER 1: Sa tingin mo magugustahan ka niya?

DANCER 2: Sa bobo mong iyan?

DANCER 3: Sa itsura mong iyan?

DANCER 4: Sa kalagayan mong iyan?

DANCER 5: Mangarap ka ng gising dahil—

ALL DANCERS: Hindi ka niya magugustuhan!

Muling maririnig ang malakas na tawa.

BOB: (Pasigaw) Alam ko! Hindi niyo na kailangang ipagdiinan! Alam ko! Paano ba niya magugustuhan ang isang tulad ko, di ba? Normal siya! Samantalang ako — (Matitigil panandalian) samantalang ako…

Lalakas ang pintig ng puso. Maririnig ang overlapping na tawa at mga boses na nagsasabing “hindi normal”, “bobo”, “tanga” at iba pang panlalait na paulit-ulit.

Babalik sa upuan si BOB at mapapaupo doon at titignan ang stationary. Pupunitin niya iyon at ibabalik sa bag.

Aalis ang mga mananayaw at maiiwan si BOB doon.

BOB: A—a—lam k—ko…

Mapapayupyop sa upuan si BOB at animo’y natutulog.

VOICE OVER: (Boses ni Bob) Mabuti naman at alam mo.

Matitigil ang tunog ng pagpintig ng puso.

LFX: CLOSE LIGHTS.


 

Pangalawang Tagpo

LFX: FULL OPEN LIGHTS

Maingay ang loob ng classroom, nagkakagulo ang mga estudyante at may kanya-kanyang ginagawa habang nakayupyop pa din si BOB sa may upuan na tila ba natutulog.

Mapapatingin sina MARK, KURT, at BEN sa natutulog na si BOB at magbubulungan at matatawa. Kanya-kanya sila ng kuha ng papel at lalamukusin iyon saka simulang ibato iyon kay Bob. Magtatawanan sila sa tuwing sa ulo tumatama ang papel.

Makikita ni ALICE ang ginagawa ng tatlo at mapapailing. Kakalabitin niya si ELLICE at saka ingunguso ang nangyayari. Titignan iyon ni ELLICE pero hindi magsasalita. Iismiran pa niya si BOB.

ALICE: Si Bob na naman ang nakita nila.

ELLICE: He deserves it.

ALICE: Heavy ha! Hindi ka naman galit sa lagay na iyan? Lakas lang maka-mean girls eh.

ELLICE: Nagsasabi lang ako ng totoo. Ano ba kasing akala niya dito sa classroom, extension ng bahay nila? Porke’t special, pa-ispesyal na din! Kung bakit kasi isinama-sama pa siya sa atin eh.

ALICE: Grabe ka naman! Kung makapagsalita ka—

ELLICE: He deserves it.

Maririnig ang pagtili ni DAISY mula sa labas at patuloy iyon hanggang sa makapasok siya. Maaalimpungatang magigising si BOB at mahuhulog sa upuan. Matatawa ang mga nandoon sa mangyayari pero parang walang nakitang didiretso sa tabi ni BOB si DAISY.

DAISY:  Bob! Bob! (Patili) Bob!

LFX: “I’m So Excited” by Pointer Sisters lines: “I’m so excited, and just can’t hide it, I’m about to lose control and I think I like it”

Sasabayan ni DAISY ang tugtog na parang dubsmash.

BOB: (Mag-aayos ng upo) D-Daisy? Ba-bab-bakit? S-si-sino namatay?

MARK: Si-si-sin-si-no na-mam-mam-ma-tay?

Matatawa sina MARK, KURT, at BEN. Sabay na mapapatingin sina DAISY at BOB sa tatlo. Agad na mag-iiwas ng tingin si BOB pero iingusan lang ni DAISY ang tatlo.

DAISY: Huwag mo silang pansinin! Bob! Bob! (Patili) Bob!

BOB: Na-sa-sa-saniban ka b-ba?

Sabay na matatawa sina ALICE at ELLICE.

ELLICE: Like OMG. Tumama din sa wakas si Abnoy.

ALICE:  In fairness! Bumenta sa akin iyon.

DAISY:  Kung siya abnoy, ikaw baboy! Sabat lang ng sabat? Bakit? Kasali ka sa usapan? May invitation ka? Ha? Ha?

ELLICE:  Whatever!

BOB:  A-ano b-b-bang nangyari?

DAISY: (Patili) Hindi ko na siya crush!

BOB: Huh?

DAISY: Hindi ko na siya crush! Tanda mo ba iyong kapatid noong abay sa kasal ng kapitbahay ng kuya ng kamag-anak ng lola ng nagbebenta ng taho sa kanto namin na nakilala natin last time? Hindi ko na siya crush!

BOB: Ka-ka-patid ng a-ano?

DAISY:  Iyong kapatid noong abay sa kasal ng kapitbahay ng kuya ng kamag-anak ng lola ng nagbebenta ng taho sa kanto namin na nakilala natin last time! Hindi ko na siya crush!

BOB: B-bakit?

DAISY: Ay! Mabuti naman at natanong mo ‘yan. Kasi naisip ko lang, na kapag crush ko pa rin siya, lagi ko na lang siyang maiisip, iyong tipong siya na lang ang laman ng utak ko. Eh di kapag ganoon, hindi ako makakapag-aral. Kapag hindi ako nakapag-aral, malamang, hindi ako makaka-graduate. Kapag hindi ako naka-graduate, hindi ako makakahanap ng magandang trabaho. Kapag hindi ako nakahanap ng magandang trabaho, hindi ako pwedeng mag-asawa. Kapag wala akong asawa, eh di hindi ako magkakakaanak. Kapag hindi ako magkakaanak, tatanda akong mag-isa. Kapag tumanda akong mag-isa, walang mag-aalaga sa akin pagtanda. Kapag walang mag-aalalaga sa akin pagtanda, mamatay akong mag-isa. Kapag namatay akong mag-isa, walang magpapalibing sa akin. Kaya hindi ko na siya crush!

ELLICE:  Eh bakit hindi ka na lang namin ilibing ngayon para wala ka nang problema?

MARK: Ako, Daisy! Hindi kita iiwan! Sasamahan kita sa pagtanda!

Magsisigawan sina KURT at BEN. Magpapa-cute naman lalo si MARK.

ELLICE: Ang baba lang ng standards!

ALICE:  Hindi naman masyadong obvious ang pagmamaasim mo sa lagay na ‘yan, friend?

ELLICE: I don’t care. Totoo naman eh. Hindi na nga kagandahan, mukha pang ironing board.

DAISY: Excuse me.

ELLICE: Bakit? Iihi ka?

DAISY: Excuse me? Sinong tinatawag mong ironing board? Ang sexy ko kaya! Model na model ang figure! Pak! Pak! Pak!

ELLICE: Model ng ano? Men’s clothing?

BEN: Sige nga! Sige nga, hawakan mo nga iyong tenga niya!

KURT: Pitikin mo nga sa ilong!

ALICE: Sige! Gatungan pa ninyo!

ELLICE: At bakit ko naman sana papatulan ang otap na ‘yan? Mukhang bakla!

DAISY:  Excuse me?

LFX:  “Babae po ako” ni Tuesday Vargas. Kakantahin ito ni DAISY.

MARK, KURT at BEN: (Kumakanta) Girlaloo… Girlaloo… Girlaloo… Laloo… Laloo

DAISY: (Kumakanta)

Babae po ako

Mali ka diyan sa inaakala mo

Babae po ako

Hindi ako clone

Lalong ‘di likha ng ‘yong ilushown

Babae po ako

Pag nakatagilid, tingin mo lang ako’y otap

Porke ba bumper ko’y small lang ang sukat

Babae po ako… No no no

Babae po ako!

ELLICE: Anong akala mo dito. Glee?

SFX: Dubsmash: Kris Aquino’s “May tama ka” line. Sasabayan ni ALICE.

ELLICE: At kung takot ka talagang tumandang mag-isa, anong ginagawa ni Bob? Di ba? Friends naman kayo. Eh di siya na lang. Isang otap at isang abnoy. Ayaw mo nun, lagi kayong may discount dahil PWD siya.

MARK: Hep! Diyan naman yata ako hindi papayag.

SFX: Dubsmash: Maja Salvador in The Legal Wife: “Akin siya! Akin lang siya!”. Sasabayan ni MARK.

BEN: Naks naman ‘tol! The Legal wife lang? Baka gusto mong sampalin ka ni Bob saka ka niya linyahan ng—

KURT: (Magboboses babae) Walang sayo, Mark! Akin lang siya! Akin lang ang asawa ko!

MARK: (Titignan si Bob) Kung kaya niya.

Mag-iiwas ng tingin si Bob. Lalapitan ni Mark si Daisy at magpapa-cute.

MARK: Hindi mo na crush kung sino man iyon di ba? So tayo na?

Papasok si Ms. Penaflor, may hawak na grade slips.

PENAFLOR: Hindi Mr. Alvarez. Hindi tayo kundi upo.

Kanya-kanyang balik silang lahat sa upuan. Takot na mapapatingin si Bob sa test paper. Nag-aalangan siyang magtataas ng kamay.

PENAFLOR: Yes, Mr. Martinez?

BOB: Ma-ma’am. M-May I g-go o-out?

PENAFLOR: You’re test grades will not change even if I let you go out, Mr. Martinez. So that’s a no. I will be handing out your grade slips. Ilang buwan na lang ay magtatapos na kayo ng high school kaya siguro naman ay naiisip na ninyong seryosohin ang pag-aaral.

Isa-isang bibigyan ng grade slip ni Ms. Penaflor silang lahat. Ihuhuli niya si Bob na mukhang hindi mapakali.

PENAFLOR: I’ve given you enough leeway Mr. Martinez, considering your condition. Pero maliban sa Math, kung hindi pasang-awa ay bagsak ang mga grado mo. You have to work harder kung gusto mong magtapos kasabay ng mga kaklase mo. Do you understand me?

BOB: Y-yes, m-ma’am.

MARK: (Paubo) Bobo!

PENAFLOR: May sinasabi ka Mr. Alvarez?

MARK: Ay, wala po ma’am. Nangati lang po iyong lalamunan ko.

PENAFLOR: Daisy.

DAISY: Yes, ma’am?

PENAFLOR: See me before you go home. Kailangan nating pag-usapan iyong darating na Quiz Show. Wala ka pa rin bang nahahanap na kapareha?

MARK: I volunteer!

PENAFLOR: Mr. Alvarez, I appreciate your rigor pero kung ako sa iyo, uunahin ko ang pag-aaral ko. Talk to me kapag hindi na puro palakol ang laman ng grade slip mo.

DAISY: Naghahanap pa ako ma’am.

PENAFLOR: Pag-usapan natin iyan mamaya. So everyone else, you may go home. Daisy, sumama ka sa akin.

DAISY: (Kay Ms. Penaflor) Yes, ma’am! (Kay Bob) Baka late na kami matapos. Susunduin ka ba ng Lola mo o hihintayin mo ako?

BOB: S-sunduin.

DAISY: Okay! Daanan na lang kita bukas para sabay na tayong pumasok.

BOB: S-sige.

Aalis sina Daisy at Ms. Penaflor. Nakasunod sa kanila sina Ellice at Alice. Tatayo na din sina Mark, Kurt at Ben. Sasadyain pa ni Mark na banggain ang upuan ni Bob na nakaupo pa rin.

MARK: Tabi! Haharang-harang ka diyan.

Lalampasan ng tatlo si Bob. Aayusin na lamang ni Bob ang mga gamit niya.

BEN: Wala, pare. Daig ka ni Abnoy. Buti pa siya, araw-araw na kasabay si Daisy.

KURT: Oo nga, pare.

MARK: Oo nga eh. Nakakabanas. Ano ba kasi ang nakita niya sa abnoy na ‘yan?

BEN: Baka naawa lang. Alam mo na, special.

MARK: Ano naman sana ang espesyal sa pagiging autistic niya?

KURT: Kaya nga special eh! Kasi special child.

Tatayo na sana si Bob pero mabibitawan niya ang bag. Mapapatingin sa kanya ang tatlo.

MARK: Tara na nga!

Maiiwan si Bob na nakatungo.

LFX: CLOSE LIGHTS

PANGALAWANG TAGPO

LFX: OPEN LIGHTS

Nakatayo lamang si BOB at palinga-linga habang may kausap si Lola Mameng sa cellphone.

LOLA MAMENG: (Sa cellphone) Ganun na lang? Aba, Magda! Hindi porke’t pareho na kayong may pamilya ni Arturo, pababayaan na ninyo si Bob! Baka naman gusto niyo ding bisitahin ang anak ninyo? Magtatapos na at lahat ng high school ang anak ninyo! (Makikinig panandalian) Puro ka na lang dahilan! Bahala na nga kayo sa buhay ninyo…

(Patuloy pa rin ang pakikipag-usap ni Lola Mameng sa cellphone)

Mapapatingin si Bob kina Daisy at Ms. Penaflor.

PENAFLOR: I need you to focus on the competition this time, Daisy. Hanggat maari, mas maganda sana kung dito nakatutok ang atensiyon mo.

DAISY: Opo naman, ma’am. Ako pa!

LFX: Dim Lights/Spotlight on Bob

SFX: “Sabihin Mo Sa Akin” ni Sherin Regis. Kakantahin ni Bob.

BOB: (Kumakanta)

Ang tunay bang pag-ibig ay mayroong mukha?

Ang puso ba’y saan tumitingin?

Ang mga ulap ba ay dapat kong hawiin

Upang maglaho ang dilim na bumabalot sa akin?

Pag-ibig ba ay may kinikilingan?

Namimili ba ng dapat mahalin?

Anong kailangan kong gawin upang

Pag-ibig ay maramdaman kahit lang saglit?

Ano ba ang mayroon sila

Na hindi matatagpuan sa akin?

Ako nga ba ay kakaiba

Sa kanilang paningin?

Ako ba ay may pagkukulang

Na dapat mapunan?

Ano ba ang mayroon sila

Na wala sa akin?

 

LFX: OPEN LIGHTS

Tatapusin ni Lola Mameng ang tawag at saka lalapitan si Bob. Matatapos na din sa pag-uusap sina Daisy at Ms. Penaflor. Aalis si Ms. Penaflor at lalapitan naman ni Daisy sina Bob.

DAISY: (Kay Bob) Nandito pa pala kayo.

BOB: K-ka-rarating ni L-lola.

Magmamano si Daisy kay Lola Mameng.

LOLA MAMENG: Lalo ka yatang gumaganda, Daisy?

DAISY: Masyado naman kayong honest, Lola Mameng! Hindi naman masyado. Slight lang!

LOLA MAMENG: Tignan mo itong batang ito. Ay naku, kung ikaw ang mapapangasawa nitong si Bob, pwede na akong mamatay ng walang iniisip.

BOB: L-lola!

DAISY: Mamatay agad? Hindi pwedeng maimbalido muna? Morbid din kayong magsalita, Lola Mameng eh. Saka, hello? Mapapangasawa agad? Eh hindi nga ako nililigawan ng apo niyo. Hindi effective sa kanya ang kagandahan ng katawang lupa ko!

LOLA MAMENG: Bakit? Kapag nanligaw ba itong si Bob ko, sasagutin mo ba?

BOB:  L-lola! Na-nakaka-hi-hiya!

DAISY: Sus! Sa akin ka pa nahiya! Teka nga! Bakit ka nagba-blush! Hoy, Roberto Martinez! Umamin ka nga! May pagnanasa ka ba sa katawang lupa ko?

BOB: Huh?

DAISY: Huwag mo akong ma-huh-huh! Isang tanong isang sagot! May gusto ka ba sa akin o wala?

BOB: S-sakalin k-kaya kita!

DAISY: Aray ko naman! Oh ayan, Lola Mameng. Ako na ang binasted. Tse! Choosy ka pa! Tara na nga Lola Mameng at baka maitulak ko pa iyang apo ninyo sa harap ng rumaragasang jeep!

Hihilahin ni Daisy ang tumatawang si Lola Mameng. Napapakamot ng ulo na susundan lang ni Bob ang dalawa.

LFX: CLOSE LIGHTS

 

PANGALAWANG YUGTO

unang tagpo

LFX: Dim Lights/ Spotlight on Bob, Mr. Martinez and Mrs. Martinez

SFX: Heartbeat in the beginning, then it would be mashed up to a modern electric dance mix

Nakatayong nakatungo lamang sina Bob, Mr. Martinez at Mrs. Martinez.

Magsisimulang nakahiga ang lahat ng mga mananayaw at tatayo sa tugtog ng pagtibok ng puso. Sasayaw sila sa tugtog ng musika bago bumalik at matatapos na nakatayo. Babalik sa tunog ng tibok ng pusoang tugtog at patuloy silang nagti-chest pop.

Sabay-sabay na titingin sa manonood sina Bob, Mr. Martinez at Mrs. Martinez.

BOB: Ma… Pa…

MRS. MARTINEZ: Lasing ka na naman? Kung ganyan din lang ang araw-araw mong gagawin eh di mabuti pang hindi ka na lang umuwi.

MR. MARTINEZ: Pwede ba! Huwag mo akong binubungangaan.

MRS. MARTINEZ: Paanong hindi kita bubungangaan, aber? Anong oras na! Ano bang akala mo sa sarili mo? Binata? Eh di sana hindi mo na lang ako pinakasalan!

MR. MARTINEZ: Talagang hindi na lang sana kita pinakasalan! Sa tingin mo ba, kung hindi kita nabuntis, pakakasalan kita! Eh pinilit lang naman ako ng nanay mo! Tapos, manganganak ka na nga lang, abnormal pa! Kung hindi ka ba naman minamalas.

MRS. MARTINEZ: At kasalanan ko pa ngayon? Bakit? Ginusto ko ba? Ginusto ko ba na ganyan lumabas ang anak mo?

MR. MARTINEZ: At sa tingin mo, ginusto ko din ba? Eh di ipinalaglag mo na lang sana! Hindi sana tayo napeperwisyo ngayon!

Mapapasigaw si Bob, mukhang nagtatantrums. Mapapatingin ang dalawa kay Bob at parehong mailing.

Mamamatay ang spotlight kina Mr. at Mrs. Martinez. Aalis sila kasabay ng mga mananayaw. Patuloy pa rin ang pagwawala ni Bob, sinasaktan ang sarili.

Papasok si Lola Mameng at saka agad na yayakapin si Bob. Magpupumiglas pa rin si Bob at patuloy na sasaktan ang sarili.

LOLA MAMENG: Bob, apo ko… Tahan na… Tahan na…

Titigil sa pagpupumiglas si Bob pero patuloy pa rin ang pag-iyak.

LOLA MAMENG: Tahan na, apo. Gusto mo, maglaro na lang uli tayo katulad noong dati? Katulad noong pinapanood mo sa TV? Ha? Gusto mo ba iyon?

Tatango si Bob.

LOLA MAMENG: Sige, basta tumahan ka na ha.

Tatango ulit si Bob.

LOLA MAMENG: He is 11th pharaoh of the 18th dynasty of Ancient Egypt whose tomb was discovered by British archaeologist Howard Carter in 1922. He was 17 when he died. Alam mo ang sagot diyan, di ba?

BOB: T-tutankhamun…

LOLA MAMENG:  Tama! O sige… Sino naman ang naging asawa niya?

LFX: CLOSE LIGHTS

 

PANGALAWANG TAGPO

LFX: OPEN LIGHTS

Naka-upo sina Kurt at Ben na magkaharap sa classroom. May ginagawa si Kurt samantalang nakatitig lang sa kanya si Ben.

KURT: Hubaran mo na lang kaya ako!

BEN: Ang lakas din ng bilib mo sa sarili mo ano?

KURT: Eh titig ka ng titig eh. Sus!

BEN: Oy! Wala kang pruweba!

KURT: Denial is not just a sea in Egypt, is a freaking ocean. Aba, ingat, pare, baka malunod ka.

BEN: Sus! Saan mo naman napulot ‘yan? Yabang mo lang eh.

KURT: Yabang ka diyan. Ayaw pa kasing umamin.

BEN: Oy! Umayos ka! Wala akong aaminin!

SFX: “This Guys in Love With You Pare” ng Parokya ni Edgar. Kakantahin ni Kurt.

KURT: (Kumakanta)

One look and then yun iba na

Malagkit dumikit ang tingin ng mata

One smile, iba na ang ibig sabihin

Di na friends, ang tingin nya sa akin

Everyday parating we’re together

Every week, palaging may sleepover

Ang tawag nya sa mommy ko ay tita

Bakit ba, di ko non nakita

Until out of the blue,

A feeling so true

Bigla nalang sinabi sa akin that

This guy’s in love with you pare,

This guy’s in love with you pare

This guy’s in love with you pare

Bading na bading sayo…

BEN: Sipain kita diyan, gusto mo?

Biglang hihilahin ni Kurt si Ben at tipong sasakapin.

KURT: Wala ka talagang aaminin?

BEN: Umayos ka, Kurt! Saka bitawan mo nga ako.

Mas lalong hihigpitan ni Kurt ang pagkakayakap kay Ben. Papasok si Alice at Bob na magkasunod makikita ang dalawa. Hindi sila mapapansin nina Kurt. Parehong mapapatingin lang sa dalawa ang mga bagong dating. May hawak na malaking libro si Bob.

KURT:  Iyong totoo? Wala ka talagang aaminin?

BEN: Bakit kapag umamin ba ako may mangyayari?

KURT: Malay mo.

Aalis si Alice at maiiwang nanonood lang sa dalawa si Bob. Akmang maghahalikan ang dalawa pero mabibitawan ni Bob ang libro at babagsak iyon sa sahig. Parang nakakita ng multo ang dalawa na maghihiwalay.

Lalapitan ni Ben si Bob at kukwelyuhan.

BOB: B-Ben…

BEN: Patay ka sa akin kapag may pinagsabihan ka ng nakita mo.

Bibitawan ni Ben ang kwelyo ni Bob at saka aalis. Susundan naman ni Kurt si Bob.

Mauupo si Bob sa kanyang arm chair, hindi nagsasalita. Papasok si Daisy na may dalang mga print out at tatabihan si Bob.

DAISY: Bakit para kang nakakita ng multo?

BOB: (Mag-iiwas ng tingin) W-wala.

DAISY: Hoy, Bob! Huwag ko lang malaman-laman na may itinatago ka sa akin, masasampal talaga kita ng round trip.

BOB:  W-wala nga. Ang k-kulit!

DAISY: Aba! Naninigurado lang! Anyway, tulungan mo na lang akong mag-review para sa Quiz Show. Nakakaloka! Ang dami kong kailangang i-memorize.

Sisimulang basahin ni Daisy ang mga tanong na nasa papel.

DAISY: What is total land area of the earth’s surface?

BOB: 148,647,000 sq. km.

Mapapatingin si Daisy kay Bob saka babalik ang tingin sa binabasa. Kukunin niya ang answer sheet at titignan doon ang sagot. Manlalaki ang mata niya at muling mapapatingin kay Bob.

DAISY: Paanong?

BOB: M-mahilig si L-lola s-sa ganyan.

DAISY:  Talaga? Teka nga lang. Give at least three countries where Communism is still active.

BOB: (Mapapaisip sandali si Bob) China, North Korea, Cuba, Vietnam and Laos.

Papasok si Ms. Penaflor pero hindi siya mapapansin nina Bob. Panonoorin lamang ni Ms. Penaflor ang dalawa.

DAISY: Sabi ko three, kuya. Mayabang lang? Kailangan, kumpleto? Okay, next! What is the hottest sea in the world?

BOB: P-Persian Gulf.

DAISY:  Kaloka! Ano ka, walking encyclopedia.

PENAFLOR: The area of a right triangle is 50. One of its angles is 45o. What are lengths of the sides and hypotenuse of the triangle?

Parehong mapapatingin sina Bob at Daisy kay Ms. Penaflor.

PENAFLOR: Bob, gusto mo bang ulitin ko iyong tanong?

BOB: (Mag-iisip sandali) X e-equals 10. Ha-hypo-potenuse is 10 squareroot of 2.

DAISY: Hoy! Huwag mong hulaan! I-solve mo muna kaya!

PENAFLOR: No need. Tama ang sagot niya. He is after all the highest in Mathematics. Mas mataas pa ang grade niya sa iyo. Isa iyan sa mga naging tanong noong nakaraang exams ninyo.

DAISY: (Kay Bob) Eh di ikaw na!

BOB: N-nag-aaral kasi a-ako.

DAISY: Hmp! Sabi ko na nga ba at may itinatago ka sa akin eh.

PENAFLOR: Daisy, pwede mo ba kaming iwanan muna ni Bob?

DAISY: Ay ma’am! Huwag kang ganyan! Bawal yan! Saka isa pa, una siyang naging akin!

PENAFLOR: Daisy!

DAISY: Sabi ko nga po, joke lang. (Kay Bob) Punta na lang muna ako ng canteen. May ipapabili ka?

BOB: J-juice n-na l-lang.

Aalis si Daisy pero hindi din naman lalayo.

PENAFLOR: Bob, bakit hindi mo sinasabi sa amin na magaling ka pala sa mga tribia?

BOB: N-nahi-hihiya po a-ako ma’am.

  1. PENAFLOR: Hindi mo iyon dapat ikahiya. Sino ang nagturo sa iyo?

BOB: L-lola k-ko po.

PENAFLOR: As expected from a retired principal. Gusto mo bang sumali sa quiz show?

BOB: P-po?

PENAFLOR: Ako na nang bahalang makipag-usap sa lola mo, kung gusto mo. Wala pa rin kasi kaming nahahanap na makaksama ni Daisy. Gusto mo ba?

BOB: P-po?

DAISY:  Yes na ‘yan ma’am! Akong bahala! Kapag hindi pumayag, ipapasagasa ko sa jeep!

Parehong mapapatingin sina Bob at Ms. Penaflor kay Daisy at matatawa.

PENAFLOR: I expect you to work on this together then. Sige, maiwan ko na kayo at tatawagan ko pa ang lola ni Bob.

Aalis si Ms. Penaflor. Babalik sa upuan si Daisy at excited na excited na hahawakan ang kamay ni Bob.

DAISY: Sabi ko na nga ba eh! Meant to be! Wala ka nang kawala! Ako na talaga ang nakatadhana para sa iyo! Oh my God! Ang tatalino ng mga magiging anak natin!

BOB:  P-puro ka naman ka-kal-kalokohan.

DAISY:  Alam mo, nakakasakit ka na! Bakit? Sino? Sino ba ang gusto mo at ipapa-kidnap ko! Choosy ka pa! Wala ka nang kawala sa akin! Akin ka lang! Akin ka lang!

Tatawa na parang demonyo si Daisy.

DAISY: Kaloka! Demonyita lang ang peg. Kaya ako napagkakamalang walang utak eh.

BOB:  Ba-baliw ka kasi!

Papasok si Mark.

DAISY: Of course! I’m Crazy! Crazy for you! Oh, ha! Banat pa more! Ayaw mo nun, from best friends to forever! Tinalo natin ang La Presa!

MARK:  Kadiri.

DAISY: Problema mo?

MARK: Magkakagusto ka na nga lang, sa abnormal pa. Ewan ko sayo.

DAISY: Teka nga muna! Eh ano bang pakialam mo?

MARK:  Sinabi ko bang meron?

BOB:  T-tama na, D-Daisy!

MARK: T-tama na, D-Daisy! Magsalita na nga lang, hindi mo pa magawang diretsuhin. Abnoy!

DAISY:  Ang sama din ng ugali mo eh.

MARK: Sinasabi ko lang kung ano ang totoo. Saka ikaw din naman ah. Kaya ka lang naman dikit ng dikit sa kanya, kasi naawa ka. Hindi ba iyon naman ang totoo?

Biglang aalis si Bob.

DAISY:  Bob!

Akmang aalis din si Daisy pero pipigilan siya ni Mark.

DAISY:  Bitawan mo nga ako!

MARK:  Bakit ba siya na lang palagi ang nakikita mo? Ano bang meron ang abnormal na iyon at siya na lang palagi?

DAISY: Simple lang. Mas ugaling normal pa siya kesa sa iyo.

Matatahimik si Mark.

DAISY: May autism si Bob, Mark. Pero ni minsan, hindi naging magaspang ang ugali niya sa kahit na sino sa atin. Hindi din siya nagkukumento sa tuwing pinagtatawanan niyo siya. Hindi ko din alam kung paano niyang nagagawa na hindi mag-meltdown sa tuwing pinagtatawanan niyo siya pero nagagawa niya. Saka ano bang ipinagmamalaki mo sa pagiging normal mo? Pareho lang naman kayo ng bilang ng daliri sa kamay at paa ah. Parehong lang kayong tao. May autism lang si Bob, Mark, pero hindi iyon kabawasan sa pagkatao niya. Kumpara sa iyo, malayong mas lamang pa siya.

Aayusin ni Daisy ang gamit niya at maging ang gamit ni Bob at saka aalis. Maiiwang nakasunod lang ng tingin si Mark.

LFX: CLOSE LIGHTS

PANGATLONG TAGPO

LFX: Follow spotlight on Bob and Daisy

Papasok si Bob at nakasunod sa kanya si Daisy na dala-dala ang mga gamit nila.

DAISY:  Utang na loob, Bob! Kapag hindi ka pa tumigil, sasapukin na talaga kita.

Matitigil si Bob at mapapatingin kay Daisy. Lalapitan niya ito at saka kukunin ang sariling gamit.

DAISY: Huwag mo na lang kasing pansinin iyong sinabi ni Mark. Alam mo na ngang sira ulo iyon eh.

BOB: W-wala namang m-mali sa si-sinabi n-niya, eh.

DAISY: Pwede ba? Huwag kang nagpapaniwala doon.

BOB: Daisy, t-tama n-naman—

DAISY: Sasampalin na talaga kita!

BOB: I-iyon ang to-tot-totoo! H-hindi a-ako no-nor-normal. At h-hindi k-ko kailangan ng a-awa mo!

Matatahimik silang dalawa.

 DAISY: Ang babaw naman ng pagkakakilala mo sa akin.

Aalis si Daisy at maiiwan lang na nakasunod ng tingin si Bob.

LFX: CLOSE LIGHTS


 

PANGATLONG YUGTO

UNANG TAGPO

Naka-upo lang sa isang upuan si Ellice, nakatingin sa malayo. Nag-uusap naman sa isang tabi sina Mark, Ben, at Kurt.

Papasok si Alice na mukhang excited na excited.

ALICE: Alam niyo na ba ang balita?

ELLICE: Bakit? Kapag nalaman ko ba ang tsismis mo, masasagot na lahat ng problema sa mundo? Matatapos ba ang taggutom sa Africa? Matatapos na ba ang Giyera sa Syria? Magkakalunas na ba ang cancer? Matitigil na ba ang pagiging tsismosa mo? May mapapala ba ako diyan?

SFX: Dubsmash of carlo Aquino’s “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!” line. Sasabayan ni ALICE.

BEN: Bakit? Anong nangyari.

ALICE: Nanalo daw sila Bob at Daisy sa Quiz show at masasama sila sa regional competition!

KURT:  Talaga lang ha? Kita mo nga naman. May utak din pala ang abnoy na iyon. (Kay Mark) Wala na pare, wala ka na talagang pag-asa.

MARK:  Wala akong pake!

BEN:  Nakatiyamba lang yun!

ELLICE: Wow! Hiyang-hiya naman sa iyo si Bob. Ang tali-talino mo eh.

BEN:  Problema mo?

ALICE: Oo nga. Bakit ba kanina pa mainit ang ulo mo?

KURT:  Baka nireregla.

ELLICE:  Eh ano ngayon kung nireregla ako? Bakit? Bawal? If I know, gusto mo ring reglahin.

Magkakatinginan sina Ben at Kurt.

BEN:  Pinagsasabi mo?

ALICE:  Ellice—

ELLICE: Gusto mo talagang sagutin ko ‘yan?

MARK: Bakit? Anong meron?

ALICE:  Ano ba, Mark! Huwag ka nang sumawsaw!

MARK:  Para nagtatanong lang eh. (Kay Ben) Bakit pare, may kailangan ba akong malaman? Nagkatuluyan na ba kayo ni Pareng Kurt?

BEN: Mandiri ka nga!

ELLICE:  Plastik! Tag-ulan ngayon, mag-ingat ka. Delikado sa mga plastic at sirena. Baka lumabas ang kaliskis o lumutang sa baha, or both!

ALICE:  Ellice! Ano ba?!

ELLICE: Bakit? Totoo naman di ba?

Mapapatitig si Mark kay Ben at saka unti-unting tatanggalin ang pagkaka-akbay dito.

Papasok sina Bob at Daisy. Agad na susugurin ni Ben si Bob at saka uundayan ng suntok. Itutuloy-tuloy niya iyon hanggang sa bumagsak silang pareho ni Bob sa sahig.

Matutulala panandalian sina Mark at Kurt pero agad ding pipigilan ng dalawa si Ben nang matauhan. Hihilahin nila papalayo si Ben.

Adlib: Adlib on the lines

Tulalang nakatingin lang sina Alice at Ellice. Agad na dadaluhan ni Daisy si

DAISY: (Kay Bob) Bob! Okay ka lang? (Kay Ben) Ano bang problema mo?

BEN: (Duduruin si Bob) Hayop kang abnoy ka! Binalaan na kita! Taratado ka! Ang kapal lang ng mukha mong ipagkalat na bakla ako!

Akmang susugurin ulit ni Ben si Bob pero pipigilan pa rin ito nina Mark at Kurt.

Biglang magme-melt down si Bob at magwawala, sasaktan ang sarili. Matutulala silang lahat panandalian. Lalapitan dapat ni Daisy si Bob pero masasampal siya nito ng hindi sinasadya.

ELLICE: Hawakan niyo iyong kamay niya! (Haharapin sina Mark) Mark!

Bibitawan nina Kurt at Mark si Ben at saka pagtutulungang hawakan ang mga kamay ni Bob. Pipigilan nito itong gumalaw.

Lalapitan din ni Ellice si Bob at hahawakan sa magkabilang pisngi. Nagpupumiglas pa rin si Bob.

ELLICE: Bob! Bob! Makinig ka sa akin! Bob! Uulitin mo ang sasabihin, okay? Bob! Pakinggan mo ako. No more crying. Bob! No more crying. Bob, ulitin mo ang sinasabi ko, no more crying.

Uulit-ulitin ni Ellice ang linya hanggang sa tumigil sa pagpupumiglas si Bob.

BOB:  N-no more c-crying…

Bibitawan nina Kurt at Mark ang pagkakahawak kay Bob. Sesenyasan naman ni Ellice si Daisy. Mauupo si Daisy sa may ulunan ni Bob at ipapatong sa kanyang hita ang uo nito.

DAISY: (Kay Ellice) Paano—

ELLICE: May autism din ang kapatid naming bunso. Mas malala ba iyong mag-melt down kaysa kay Bob. Sabi nga nila, practice makes perfect.

Lalapitan ni Ellice si Ben at saka sasampalin.

ELLICE: You should have known better.

ALICE: (Kay Ben) Hindi si Bob ang nagsabi kay, Ellice. Ako. Kasama ako ni Bob noong makita namin kayo.

Mapapahiyang aalis si Ben. Agad siyang susundan nina Mark at Kurt.

ELLICE: (Kay Daisy) Hayaan mo lang muna siyang magpahinga. (Kay Alice) Pumunta ka ng clinic at sabihin mo sa kanila kung ano ang nangyari.

Aalis si Alice. Pagmamasdan lang ni Ellice sina Bob at Daisy.

DAISY:  Salamat…

ELLICE:  It’s never going to stop.  Maswerte na kung magkakaroon siya ng normal na buhay at trabaho. Kung tutuusin, mas maswerte siya kaysa sa iba dahil kahit papaano, nako-cotrol niya. Pero siguro naman alam mo na hinding-hindi iyon mawawala, di ba? Pare na iyan ng pagkatao niya, Daisy…

DAISY:  Alam ko…

ELLICE: Kakayanin mo ba?

LFX: CLOSE LIGHTS

PANGALaWANG TAGPO

LFX: DIM LIGHTS

Nakatayo ang lahat ng mga nagtanghal sa entablado maliban kina Daisy at Bob.

LOLA MAMENG: Sampung mga daliri, kamay at paa

  1. PENAFLOR: Dalawang tenga, dalawang mata

ALICE: Ilong na maganda

ELLICE: Malilinis na ngipin

MARK: Masarap ang kumain

KURT:  Dilang maliit

BEN: Nagsasabing

LAHAT:  Huwag kang magsinungaling

LFX: Follow spot on Daisy and Bob.

Papasok sina Daisy at Bob at magsasalubong sa gitna bago haharap sa manonood.

DAISY:  Kung titignan mong maigi

BOB:  Wala naman talaga tayong ipinag-iba, hindi ba?

LFX: CLOSE LIGHTS

 

PANGATLONG TAGPO

LFX: OPEN LIGHTS

Nakayupyop sa upuan si Bob, pero nakapormal na damit. Papasok si Daisy, naka-pormal din, at maiiling. Lalapitan niya si Bob at gigisingin.

Babangon mula sa pagkaka-upo si Bob at ngingiti.

DAISY: Hindi ka pa ba nagsasawa sa classroom na ‘to?

BOB: M-medyo l-lang. Dumating na ba sila?

Maririnig ang boses ni Mark.

MARK: (Mula sa labas) Mga taksil!

Papasok sina Mark, kasunod niya sina Alice, Ellice, Kurt at Ben. Lahat sila ay naka-pormal.

ELLICE:  Diyos ko naman Daisy, hanggang ngayon ba naman eh nililigawan mo pa rin si Bob? Aba ate, sampung taon na!

ALICE:  Kaya nga! Naunahan pa kayo ng dalawang pamintang ‘to eh.

KURT:  Inggit ka lang!

BEN:  Kaya nga!

MARK: (Kay Ben) Isa pa kayong pares ng mga taksil! Paano niyo nagawa sa akin ‘to?

ELLICE:  Hoy, Bob! Baka naman gusto mo nang sagutin si Daisy.

DAISY:  Huwag ganyan! Huwag i-pressure baka takbuhan ako. Saka, huwag niyo ngang binubulyawan ang future husband ko sa mismong classroom niya.

ALICE:  Eh di ikaw na ang protective future wife.

DAISY: Talaga!

Papasok si Ms. Penaflor.

PENAFLOR: Bakit kaya hindi na ako nagtataka na nandito kayong lahat.

DAISY:  Iss! Istorbo nga iyang mga ‘yan ma’am eh. Moment ko na eh! Moment ko na!

BOB: Hoy! M-maya kung a-anong isipin n-nila!

DAISY:  Do I look like I care? Mukha ba akong care bear?

Magtatawanan silang lahat.

PENAFLOR: Teacher Bob, kanina ka pa hinahanap ng mga estudyante mo. Kailangan yata nila ng tulong sa sound system.

BOB:  Y-yes ma’am!

MARK: Iyan lang ba ang inilamang sa akin ng lalaking ‘yan, Daisy? Iyan lang?

DAISY: Madami pa, gusto mo bigyan kita ng listahan?

BEN:  Humirit ka pa kasi!

Magtatawanan uli silang lahat.

SFX: “Growing Up” by Gary Valenciano

Papasok ang mag dancer at sasayawin ang kanta habang patuloy lang na nag-aasaran ang mga nagtanghal.

 

******END OF PLAY*******

Author’s Note:

The concept for the play isn’t mine. I just wrote the script based on the specifications given by Mr. Alcarez.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s