ISANG MAHABANG AMA NAMIN

Unang Tagpo

 

(Magbubukas ang entablado sa kusina ng isang barong-barong sa isang baryo. May kawayang sala set sa kaliwang bahagi ng entablado na may kasamang maliit na altar.  Kahoy na lamesang halatang luma naman at bangkong upuan sa kanan. Isang divider ang naghihiwalay sa dalawa. Nakaupo si SOLEDAD (50’s) sa sala, nakaharap sa altar at nagdarasal habang nasa kusina naman si EMILIA (32), naghahanda ng agahan.)

 

SOLEDAD

Padre nuestro que estás en los cielos, santificado sea tu nombre,venga tu reyno, hagase tu voluntad, asì en la tierra como en el cielo.

(Mapapatingin sa direksiyon ni Soledad si Emilia at mapapailing.)

 

SOLEDAD

Danos hoy nuestro pan cotidiano, Y perdónanos nuestras deudas,

asì como nosotros perdonamos á nuestros deudores. Y no nos metas en tentación, mas líbranos de mal. Amén.

 

EMILIA

Mabuti at hindi biglang lumiliyab iyang rosary ninyo kapag nagdarasal kayo. At talagang Espanyol pa rin ang gamit niyo hanggang ngayon. Mas madali ka bang mapapatawad ng Diyos kung sa lengguwahe pa ng mga unang prayle ka nagdarasal? Abay, baka gusto niyong sabihan si Father Vincent sa bayan.

 

SOLEDAD

Huwag mong ginagawang katatawanan ang paniniwala ko, Emilia.

 

EMILIA

Hindi ko ginagawang katatawanan ang paniniwala niyo, inay. Kung meron mang nakakaalam na hindi nakakatawa ang paniniwala niyo, malamang ay ako na iyon.

 

 

SOLEDAD

(Maglalakad papunta sa kusina)

Dumaan dito si Manuel kahapon.

 

EMILIA

(Maiiling)

Gusto na yata talagang mamatay ng hayop na ‘yun.

 

SOLEDAD

Emilia—

 

EMILIA

Huwag niyo nang simulan, inay. Huli na ang lahat.

 

SOLEDAD

Hindi ko rin ginusto—

 

EMILIA

Pero wala din kayong ginawa. Kaya hayaan na ninyo. Sanay na ako. Ngayon pa ba ako magrereklamo samantalang labing-anim na taon na ang anak ko?

 

SOLEDAD

Emilia, ang sa akin lang—

 

EMILIA

Kung iniisip ninyong hahayaan kong mangyari kay Esperanza ang nangyari sa akin, nagkakamali kayo. Hindi ako katulad niyo. Hindi ko rin kailangan ang isang katulad ni Manuel para gawin iyon para sa akin.

 

SOLEDAD

Pero anak—

 

EMILIA

Tama na, inay. Mamaya ay marinig na naman kayo at madadamay na naman kami ni Esperanza sa galit. Mabuti sana kung ikaw ang pinaluluhod niya sa harapan niya kapag nagagalit siya.

 

SOLEDAD

Emilia!

 

 

 

 

EMILIA

Iyon ang totoo. Pero huwag kayong mag-alala dahil sanay na ako. Iniisip ko na lang na katulad ninyo ay nasa simbahan ako at naghihintay ng basbas.

 

(Sasampalin ni Soledad si Emilia.)

 

SOLEDAD

Huwag mong idamay ang Diyos sa kababuyan mo.

 

EMILIA

Ako pa talaga ang sinabihan niyo ng ganyan.

 

SOLEDAD

Emilia!

 

EMILIA

Ipagtimpla niyo na lang ng kape ang asawa niyo, inay. Iyon ay kung asawa pa rin ang turing niya sa inyo.

 

(Papasok si ESPERANZA (16) na may bitbit na mga damit at gamit na panligo. Kitang-kita na palinga-linga siya sa paligid.)

 

EMILIA

Bilisan mo na ang maligo. Huwag kang lalabas ng banyo na hindi pa nakakabihis.

 

ESPERANZA

Opo, inay.

 

(Mabilis na lalabas sa kabilang direksiyon si Esperanza. Susundan lamang siya ng tingin noong dalawa.)

 

SOLEDAD

Kausapin mo si Manuel, anak…

 

EMILIA

Wala kaming dapat pag-usapan. Madadamay pa ako kapag namatay siya.

 

SOLEDAD

Hindi mangyayari iyon anak.

 

EMILIA

Ilang beses ko nang narinig iyan mula sa inyo, inay. Kapag nagkataon, baka isama lang niya sa kahoy na gagawing uling si Manuel. At sigurado kong hahayaan din lang ninyo ang lahat dahil nangako kayo sa Diyos niyo na hindi niyo siya iiwan kahit na anong mangyari. At ako, masyado na akong maraming kasalanan sa mata ng Diyos niyo. Ayaw ko nang dagdagan.

 

SOLEDAD

Anak—

 

EMILIA

Sanay na ako, inay.

 

SOLEDAD

Si Esperanza lang ang iniisip ko.

 

EMILIA

Si Esperanza o ang sarili ninyo? Huwag kayong mag-alala, inay. Ginagawan ko na ng paraan para hindi siya matulad sa akin. Hindi ako katulad ninyo na hahayaan na lang ang lahat.

 

(Papasok si ARNULFO (47), halatang bagong gising. Matatarantang magtitimpla ng kape si Soledad samantalang diretso lang naman sa paghahanda ng agahan si Emilia. Kahit nang paluin bigla ni Arnulfo ang puwetan ni Emilia ay hidi ito umimik. Panandaliang napatitig lang sa dalawa si Soledad bago nanginginig na iniabot ang tasa ng kape. Walang umiimik sa kanilang lahat.)

 

ARNULFO

Naayos mo na ba iyong mga uling na ibababa mamaya?

 

EMILIA

Nakasalansan na sa harap. Nasabihan ko na rin si Mang Tonyo na hihiramin natin iyong kalabaw nila. Ihahatid daw rito ni Julius bago siya pumasok sa eskwelahan.

 

ARNULFO

Sinong Julius? Iyong kaklase ni Esperanza?

 

EMILIA

Oo.

 

ARNULFO

Huwag mong papasukin si Esperanza sa eskwelahan.

 

(Magkakatinginan sina Soledad at Emilia.)

 

EMILIA

Kailangan ko nang kasamang magbababa sa palengke. Isa pa, may eksamen sila ngayon.

 

ARNULFO

Wala akong pakialam. Basta hwuag mong papasukin sa eskwelahan si Esperanza!

 

SOLEDAD

Magpupunta na naman dito iyong tiga-DSWD—

 

ARNULFO

(Kay Soledad)

Kinakausap ba kita?

 

SOLEDAD

Nagsasabi lang ako, Arnulfo. Mamaya ay ipatawag na naman tayo sa bayan.

 

ARNULFO

Ano ba kasing pakialam ng mga punyemas na iyan sa buhay natin? Hindi naman sila ang nagpapakain sa inyo ah!

 

EMILIA

Ihahatid ko na lang si Esperanza sa eskwelahan kung ayaw niyong magsabay sila ni Julius.

 

ARNULFO

Para ano? Para makakerengkeng ka sa linsiyak na Manuel na iyon?

 

EMILIA

Alam ninyong ni hindi ko kinakausap si Manuel.

 

ARNULFO

Dapat lang!

 

(Walang imik na ipaghahain ni Soledad ng pagkain si Arnulfo. Lalabas naman sa nilabasan ni Esperanza si Emilia.)

 

SOLEDAD

Arnulfo.

 

 

 

ARNULFO

(Hahaklitin ni Arnulfo ang braso ni Soledad)

Kung ano ang sinabi ko, susundin mo. Maliwanag?

 

(Marahas na bibitawan ni Arnulfo si Soledad.)

 

ARNULFO

Samahan mo si Emilia sa pagbaba sa bayan. Siguraduhin mong hindi makakalapit sa kanya ang putang-inang Manuel na iyon.

 

SOLEDAD

Arnulfo—

 

ARNULFO

MALIWANAG?

 

SOLEDAD

O-oo.

 

(Papasok si Emilia sa kaliwang bahagi ng entablado bitbit iyong pinagbihisan at gamit panligo ni Esperanza saka pasimpleng itatago sa isang gilid bago magmamadaling babalik sa kusina.)

 

ARNULFO

Saan ka nanggaling?

 

EMILIA

Tinignan ko lang iyong pinahinog na saba kung pwede nang ibaba.

 

ARNULFO

Bumili ka na rin ng pampatay ng daga. May gumagapang na naman sa kuwarto kagabi.

 

EMILIA

Kabibili ko lang ng isang kahon noong isang linggo.

 

ARNULFO

Bumili ka ng mas matapang. Punyetang mga peste ‘yan at hindi mamatay-matay!

 

(Mag-iiwas ng tingin si Soledad pero susundan siya ng tingin ni Emilia.)

 

EMILIA

Sige.

 

ARNULFO

Isama mo ang nanay mo para nagkakasilbi.

(Lilingon sa direksiyon ng nilabasan ni Esperanza)

Nasaan na si Esperanza.

 

EMILIA

Nakaalis na.

 

(Ibabalibag ni Arnulfo ang hawak ang tasa sa direksiyon ni Emilia bago niya ito lalapitan at saka sasakalin.)

 

ARNULFO

Anong sabi ko sa iyo kanina? Sabi kong huwag mong papasukin, di ba?

 

SOLEDAD

(Nag-aalangang hahawakan si Arnulfo)

Diyos ko naman, Arnulfo. Huwag mong saktan ang anak mo.

 

ARNULFO

(Kay Soledad)

Tumahimik ka!

(Kay Emilia)

Ano? Igagaya mo sa iyo ang anak mo? Magpapakaputa din siya sa kung sino-sino katulad mo? Ano?

 

EMILIA

(Kakawala sa pagkakasakal sa kanya ni Arnulfo at lalayo)

Eskwelahan ang pinuntahan ni Esperanza. Hindi putahan.

 

ARNULFO

Sumasagot ka pang talaga?

 

(Maririnig ang boses ni JULIUS (17) mula sa labas.)

 

 

 

JULIUS

(Off Stage)

Aling Emmy! Nandito na iyong kalabaw.

 

SOLEDAD

(Kay Emilia)

Papasukin mo na muna. Itanong mo kung gustong magkape.

 

(Pupunta sa bandang sala si Emilia pero palingon-lingon kay Arnulfo. Papasok naman si Julius na ngiting-ngiti, may bitbit pang isang supot ng gulay. Magpapatuloy lang naman sa pagkain sina Soledad at Arnulfo.)

 

JULIUS

(Iaabot kay Emilia ang supot)

Ipinabibigay po pala ni nanay.

 

EMILIA

Naku naman, nag-abala pa siya. Kami na nga itong humiram ng kalabaw sa inyo eh. Bakit nga pala an gaga mo?

 

JULIUS

Eh sinabihan po ako nina nanay na tulungan na kayong magbaba sa palengke kaya inagahan ko na.

 

(Tatayo si Soledad para ipagtimpla ng kape si Julius.)

 

EMILIA

Huwag na, nakakahiya naman. Kasama ko naman si Nanay na bababa eh.

 

JULIUS

Ganoon din naman po. Sabay na lang kami ni Espie na papasok.

 

EMILIA

Iyon na nga. Nauna na din kasi ang batang iyon na bumaba.

 

JULIUS

Ganoon po ba?

 

(Ihahatid ni Soledad ang kape kay Julius. Makikitang lalabas si Arnulfo ng entablado.)

 

SOLEDAD

Magkape ka na muna.

 

JULIUS

Naku naman po, nag-abala pa kayo.

 

SOLEDAD

Kami nga ang nakakaabala na sa inyo eh. Kumain ka na ba?

 

JULIUS

Opo. Huwag niyo na po akong alalahanin. Okay na poi tong kape.

 

EMILIA

Kamusta naman si Espie sa eskwelahan?

 

JULIUS

Hindi pa po ba niya sinasabi sa inyo?

 

SOLEDAD

Ang alin?

 

JULIUS

Naihanapan daw po siya ni Sir Manuel ng scholarship sa isang eskwelahan sa Maynila. Nainggit nga iyong iba naming kaklase pero wala naman silang magawa dahil siya naman talaga ang pinakamagaling sa klase namin.

(Mapapalingon sa paligid)

Nasaan po pala si Mang Arnold? Parang wala po yata siya.

 

SOLEDAD

Nasa kusina, kumakain.

 

(Mapapatayo mula sa kinauupuan si Emilia at pupunta sa kusina. Takot na takot na mapapatingin siya kay Soledad pagkakitang wala si Arnulfo doon.)

 

EMILIA

Inay…

 

SOLEDAD

Diyos ko…

 

(Patakbong lalabas ng entablado si Emilia. Magdidilim ang buong entablado. Maririnig ang malakas na paghiyaw ni Esperanza mula sa labas ng entablado.)

 

 

Pangalawang Tagpo

 

(Tulalang papasok si Esperanza, nakasunod sa kanya si Manuel (34).Isang jacket ang nakapatong sa suot na uniporme ni Esperanza pero kita pa rin ang gulagulanit na pantaas nito. May pasa din siya sa pisngi.)

 

MANUEL

Hindi pwedeng hindi natin ito sabihin sa pulis, Espie…

 

(Hindi sasagot na tuloy-tuloy lang ang luha ni Esperanza. Humahangos na papasok si Soledad. Agad na susugurin ng yakap ni Soledad si Esperanza. Mapapahagulgol na ng tuluyan si Esperanza.)

 

SOLEDAD

Diyos ko. Ano bang naging kasalanan namin sa inyo…

 

MANUEL

Nay, kailangan natin itong i-report sa pulis para mahuli agad ang gumawa nito sa kanya.

(Kay Esperanza)

Nakilala mo ba ang gumawa sa iyo nito?

 

ESPERANZA

(Kay Soledad, habang humahagulgol)

Nangako kayo ni nanay. Sabi niyo— Nangako kayo— Pero bakit pati ako? Bakit pati ako!

 

(Mapapahagulgol na din si Soledad. Humahangos na papasok si Emilia. Matitigil siya sa paggalawa pagkakita kay Esperanza. Mapapatingin lang si Manuel sa kanya.)

 

EMILIA

Hayop siya. HAYOP SIYA!

 

(Pupunta sa kusina si Emilia at kukunin ang isang itak doon. Akmang lalabas na siya ulit ng entablado pero pipigilan siya ni Manuel.)

 

EMILIA

(Nagpupumiglas)

Bitawan mo ako! Papatayin ko ang hayop na ‘yun! Bitawan mo ako!

 

MANUEL

(Yayakapin si Emilia para hindi makaalis)

Emmy…

 

EMILIA

(Nagpupumiglas pa rin)

Bitawan mo ako sabi eh!

 

SOLEDAD

Anak—

 

EMILIA

Huwag mo akong matawag-tawag na anak! Putang-ina ninyo! Hinayaan ko na ngang babuyin ninyo ako. Bakit pati ang anak ko, idadamay ninyo. Papatayin ko kayo! Papatayin ko kayo!

 

MANUEL

(Hindi pa rin bibitawan si Emilia)

Emmy! Tama na!

 

EMILIA

(Pilit magpupumiglas)

Talagang tama na!

(Kay Soledad)

Magsasama kayo ng putang-iang hayop na iyon sa impiyerno! Papatayin ko kayo!

 

MANUEL

At sino pa ang magbabantay kay Espie kapag nakulong ka?

 

(Walang magsasalita sa kanilang lahat pero patuloy lang sa paghagulgol ang tatlong babae. Nanghihinang mapapaluhod si Emilia. Aalalayan lang naman siya ni Manuel.)

 

EMILIA

Pati ba naman si Esperanza ay ipagsasangkalang mo, inay? Para lang hindi ka niya iwan? Hindi pa ba sapat sa iyo na binababoy na niya ako gabi-gabi habang hinahayaan mo lang?

 

SOLEDAD

Emilia, alam ng Diyos na hindi ko gusto ang lahat ng ito.

 

EMILIA

Bulag ang Diyos na dinadasalan niyo, inay.

 

 

(Magdidilim ang buong entablado.)

 

(Matatapos ang ikalawang tagpo)

 

 

Ikatlong Yugto

 

(Nakaupo sa sala si Arnulfo, kita ang galit sa mukha. Nagtitimpla naman ng kape si Soledad sa kusina. Mula sa isang bulsa ay ilalabas niya ang isang botelya ng pamatay sa daga at lalagyan ang kape.)

 

ARNULFO

Hoy! Ano ba? Wala ka talagang silbing hayop ka! Para kape lang ang tagal mo pang gumawa!

 

(Walang imik na pupunta sa sala si Soledad bitbit ang kape at saka ilalagay iyon sa harapan ni Arnulfo. Agad namang hihigop si Arnulfo.)

 

ARNULFO

Mahahanapan ko din ang mga hayop na iyon! Akala ba nila matatakasan nila ako? Akin sila! Akin kayong lahat! Mga walang utang na loob! Pare-pareho kayong mga puta!

 

(Walang imik na mauupo lamang malapit sa altar si Soledad at saka ilalabas ang rosary mula sa bulsa saka sisimulan ang pagdarasal. Masama ang tinging ipupukol ni Arnulfo kay Soledad pero wala namang sasabihin. Bitbit ang kape ay pupunta siya sa kusina saka doon uubusin ang kape.)

 

SOLEDAD

Padre nuestro que estás en los cielos, santificado sea tu nombre

 

(Mabibitawan ni Arnulfo ang tasa at mapapahawak sa lamesa.)

 

SOLEDAD

Venga tu reyno, hagase tu voluntad, asì en la tierra como en el cielo.

(Matutumba si Arnulfo at sahig, kitang-kita ang takot at sakit sa mukha.)

 

SOLEDAD

Danos hoy nuestro pan cotidiano

 

(Bubula ang bibig ni Arnulfo at magsisimulang mangisay habang patuloy lang naman sa pagdarasal si Soledad.)

 

SOLEDAD

Y perdónanos nuestras deudas, asì como nosotros perdonamos á nuestros deudores. Y no nos metas en tentación,

(Maglalakad si Soledad papunta sa kusina at titignan ang nangingisay pa ring katawan ni Arbulfo. Mauupo siya sa tabi ni Arnulfo at saka kukunin ang ulo nito saka ipapatong ang ulo nito sa hita niya.)

 

SOLEDAD

Mas líbranos de mal. Amen.

 

(Magdidilim ang buong entablado.)

 

(Katapusan ng dula.)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s